English Version (Click Here)
Sa isang nakaraang article, sinabi ko na maraming iba’t ibang klase ng kayamanan bukod sa pera. May mga bagay tulad ng kalusugan, karunungan, pakikisama sa iba o relationships, mga nagawa para sa iba, at napakarami pang iba. Maraming bagay ang mas-mahalaga kaysa sa pera, pero huwag mo iyong gagamiting dahilan para itigil ang pagsisikap upang yumaman at umasenso.
Habang ang pagtrato sa pera bilang mas mahalaga sa mga bagay tulad ng pagrespeto sa sarili at pagrespeto sa batas ay nakakapagdala ng malaking pahamak, hindi rin naman natin ito pwedeng balewawalain. Ang pera nga naman ay isang napakahalagang kagamitan tulad ng mga kotse, eroplano, computer, at marami pang iba. Narito ang ibang kayamanan sa buhay na makakamit mo kapag nagsikap kang umasenso:
Pagkamit ng Ibang Kayamanan sa Buhay: Bakit Hindi mo Dapat Balewalain ang Halaga ng Pera
-
Kalusugan
Kung hindi ka isang magsasaka o isang survivalist, malamang kakailanganin mo ng pera para makabili ng pagkain at malinis na tubig. Ang healthy at masustansyang pagkain ay pwedeng mas mahal kaysa sa delata o processed food na nagpapataas ng iyong risk na magkasakit. Bukod pa doon, kapag nagkasakit ka nga o napinsala kakailanganin mo ng pera para bayaran ang doktor at pharmacist para magpagamot. Kung gusto mo ding lumakas, kakailanganin mo rin ng budget para sa sports equipment, gym memberships, at personal trainers.
-
Yaman para mabili at magawa mo ang gusto mo
Ano ang iyong hobby o libangan? Basketball? Golf? Videogames? Pagbabasa ng libro o panonood ng pelikula? Kung mayroon kang paboritong libangan, malamang kakailanganin mo ng pera para bilihin sila.
-
Proteksyon laban sa problema sa pera at pahamak
Kung winasak ng bagyo ang bubong niyo sa bahay sa araw na ito, may pera ka ba para maipagawa ito? Kung sumabog ang inyong mga tubo para sa tubig mababayaran mo ba ang tubero? Kamusta naman ang iyong credit card bills at mortgage? Kinukulit ka na ba ng bangko dahil hindi ka makabayad? Ayusin mo ang sakit sa ulo at problema ngayon pa lang at alagaan mo ang iyong finances at gumawa ka ng emergency fund.
-
Magkaroon ng komportableng bahay
Masarap na pagkain, kuryente, tubig, gas para sa iyong stove, internet, telepono, kasangkapan sa bahay, kama, mangangailangan ka ng pera para mabili ang mga iyon at iba pa. Kung gusto mo ring pagandahin pa ang bahay niyo, kailangan mong matutunang magbudget para dito.
-
Kapital para sa iyong pinapangarap na negosyo o career
May pinapangarap ka bang negosyo o trabaho na gusto mong simulan pero hindi mo magawa dahil ayaw mong mawala ang suweldo mo ngayon? Isipin mo lang kung nakaipon ka ng perang higit sa kakailanganin mo para magtagumpay sa gusto mo, at isipin mo rin kapag may emergency fund ka na pwede mong gamitin para alagaan ang pamilya mo ng ilang taon. Baka matupad ang pangarap mo dahil doon.
-
Karunungan at kaalaman
Ang edukasyon ay hindi nagtatapos sa paaralan o unibersidad. Kung gusto mong matuto ng bagong kakayahan o kaalaman na makakapagpaasenso sa iyo, malamang kakailanganin mo ng pera para makapagbayad sa mga lessons. Halimbawa, kung gusto mong umasenso sa iyong career, mayroong mga libro at workshops tungkol sa leadership o pamumuno. Kung gusto mong bumuti ang iyong kakayahan sa pagnenegosyo, may mga libro, lecture, at workshops tungkol sa marketing, business management, at marami pang iba. Kahit pwede mong makuha ng libre ang ilang aral mula sa internet o sa sarili mong karanasan, mas mabilis kapag matutunan mo ang mga ito mula sa mga qualified na instructors at authors o manunulat.
-
Yaman para sa pakikipagkaibigan, pamilya, at iba pang relationships
Hindi ko sinasabing magbribe ka ng mga tao o magtapon ng pera para makipagkaibigan. Kung gusto mong makipagkita sa mga kaibigan nang mas madalas, malamang kakailanganin mo ng kaunting pera para magcommute. Ang tickets para sa bus, gasolina, at pagkain ay hindi nga naman libre diba.
-
Bakasyon para palawakin ang iyong karanasan
Nakapaglakad ka na ba sa masiglang kalye sa India? Naranasan mo na ba ang kumukutitap na nightlife ng Korea? Paano naman yung maaliwalas na cultural landscape ng Japan? Kailan ka huling nakapaglangoy sa isang malinis na tabing-dagat na punong puno ng corals at isda, o ang huling beses na nakita mo ang isang nakamamanghang tanawin sa tuktok ng isang mataas na bundok? Ang mundo natin ay may napakaraming magagandang lugar na naghihintay sa iyong madiskubre sila. Kung gusto mong maranasan silang lahat, kailangan mong matutunang magsikap para umasenso at magbudget para dito.
-
Pamana para sa iyong pamilya
Wala sa atin ang mabubuhay habang panahon at pwede tayong mapahamak sa hindi natin inaasahang oras. Pwede tayong masagasaan ng bus bukas, o atakihin sa puso o maistroke. Ano ang iiwan mo sa pamilya mo kapag may nangyaring masama? Iiwanan mo ba silang masagana, o ilulubog mo sila sa kahirapan?
-
Tumulong sa iba
Sa ating huling halimbawa, tandaan natin na pwede nating gamitin ang pera para tumulong sa iba. Isipin mo lang ang mga organisasyon tulad ng Red Cross na tumutulong kapag may kalamidad o mga foundations tulad ng HERO na tumutulong pagpaaralin ang mga orphans o mga ulila (isa ako dating HERO scholar). Maraming mga charities at organisasyon na dedikado sa pagtulong sa iba at marami sa kanila ang makikinabang ng husto mula sa mga donasyon mo. Hindi lang limitado sa donasyon ang pagtulong sa iba. Kailan ka ba huling bumili mula sa isang mahirap na tindera? Ang pagbili sa kanila ay makakatulong sa pamilya nilang makakain ngayong gabi.
May mga tao na nabubuhay na mayroong maling paniniwala na “masama ang pera” o “hindi mahalaga ang pera.” Napakadelikadong pagiisip ang mga iyon dahil pwede silang madulot ng kamangmangan sa paghawak ng pera. Bakit ko nga naman magsisikap pag-aralan ang tungkol sa pag-invest o pagprotekta sa iyong finances kapag iniisip mo na “hindi mahalaga ang pera” o “masama ang pera” diba?
Ang pera ay isang medium of exchange. Ito ay kagamitan na pwede nating kitain para pagbutihin ang ating buhay. Alalahanin mo ang aral nito mula kay Catherine Ponder, ang nagsulat ng The Dynamic Laws of Prosperity:
“There is nothing wrong with money, or in our wanting money. It is a God-given medium of exchange, and there’s nothing evil about that.”
(Walang masama sa pera o sa paghangad ng pera. Ito ay isang kagamitan sa transaksyon na ibinigay ng Diyos, at walang masama dito.)
Tulad ng langis, kuryente, ginto at tanso, may halaga ang pera dahil sa paggamit natin nito. Huwag mong kasusuklaman o mamaliitin ang pera at kasaganaan kung ayaw mong ipahamak ka ng mga maling paniniwalang iyon.
Huwag mong kakalimutan na kahit maraming ibang kayamanan sa buhay bukod sa pera, hindi natin ito dapat gawing dahilan para balewalain ang ating pag-asenso at pagsisikap yumaman. May karapatan tayong lahat na mabuhay nang masagana sa ating mga pakikisama sa iba, kalusugan, karunungan, kabutihang-loob, at iba pa, kasama na rito ang pagkakaroon ng maraming pera.
Leave a Reply