English Version (Click Here)
Itinuro ni Mahatma Gandhi na ang iyong paniniwala ay magiging pagiisip mo, ang pagiisip mo ay magiging salita, ang iyong salita ay magiging paggalaw, ang paggalaw mo ay iyong makakasanayan, ang iyong mga nakasanayang gawin ay magiging pinahahalagahan o values mo, at ang iyong values ay magiging iyong tadhana. Sa madaling salita, ang mga bagay na pinaniniwalaan mo ay magiging basehan ng tadhanang makakamit mo sa buhay.
Kapag may masamang paniniwala ka tungkol sa pera, malamang magdudulot ito sa iyo ng napakaraming problema sa pera. Narito ang sampung masamang paniniwala tungkol sa pera na kailangan mong iwasan ngayon kapag pangarap mong pagbutihin ang pagkakataon mong umasenso sa buhay.
10 Masamang Paniniwala Tungkol sa Pera na Magdudulot ng Iyong Pagkabigo sa Pag-Asenso
1. “Money is the root of all evil.” (“Pera ang ugat ng lahat ng kasamaan”)
Ito ang pinakakilalang masamang pagiisip tungkol sa pera at madalas ito ay galing sa maling kasabihan. Ang tunay na kasabihan ay hindi “Money is the root of all evil. (Ang pera ang ugat ng lahat ng kasamaan)” kung hindi “ang PAGMAMAHAL SA PERA ang ugat ng kasamaan” (The LOVE OF MONEY is the root of all evil). Isipin mo kapag nakahanap ka ginto na nagkakahalaga ng ilang libong dolyar sa inyong bakuran, iisipin mo ba masama iyon? Kapag naimbento mo ang lunas o cure sa cancer at kumita ka ng ilang milyon mula sa nadiskubre mo, masama ka bang tao dahil marami kang pera? Dito nawawasak ang maling paniniwala na “masama ang pera”. Hindi masama o mabuti ang era, ito ay simbolo lamang ng mabuting ginagawa mo. Kahit ang iba kumikita ng pera mula sa pagnanakaw o krimen, ang karamihan ng tao sa mundo ay kumikita nito sa paggawa ng mabuti. Isipin mo na lang ang lahat ng negosyante, doktor, artista, programmer, trabahador, at iba pang propesyon sa mundo. Kumikita sila mula sa kabutihang gawa nila, at malamang ikaw rin. Kapag mas mahalaga ang iyong propesyon, mas maraming pera kang kikitain.
The lack of money is the root of all evil. — Mark Twain
(Ang kawalan ng pera ang ugat ng lahat ng kasamaan.)
2. Sakim ang mga mayayamang tao.
Madalas, hindi ka magiging isang tao na ayaw mong maging at dahil wala sa atin ang pangarap maging sakim o “masama”, wala sa atin ang may gustong maging kahit anong taong nauugnay sa mga iyon. Sa kasamaang palad, ang mga taong nagiisip na magiging sakim sila kapag sila ay naging mayaman ay magsasabotahe nila ang kanilang pagsisikap. Malamang sasayangin nila ang mga nakukuha nilang bonus o gagawa sila ng hindi mabuting desisyon sa negosyo kapag lumaki ang kita. Madalas mananatili lamang sila sa pag-asenso kung saan sila komportable (“middle class lang, hindi mayaman”).
Ang isa pang dahilan kung bakit may mga nagiisip ng ganito ay dahil sa pagkainggit. Iniisip nila na dapat binibigyan at ililibre sila palagi ng kanilang mga mayayamang kaibigan, pero nagagalit sila kapag hindi sila pinagbigyan. Isipin mo rin ito. Ano ang mararamdaman mo tungkol sa mga “kaibigan” mong nakikisama sa iyo dahil lamang gusto nila ang pera mo? Malamang iiwasan mo sila. Kapag hindi mo pinagbigyan ang pangaabuso nila sa iyo (hingi ng hingi sila ng pera), malamang tatawagin ka nilang “sakim”. Isipin mo nga iyon. Gusto nila ang perang pinagsikapan mo para sa iyo at iyong pamilya, at tatawagin ka nilang sakim dahil ayaw mong ibigay sa kanila ang perang iyong pinaghirapan.
3. “Mas mabuting maging mahirap pero masaya kaysa maging mayaman at malungkot.”
Ito ay karaniwang tema sa mga teleserye sa Pilipinas. Ang mga kontrabida ay madalas mayaman at maraming problema sa pamilya, ang mga bida ay palaging medyo mahirap pero may mapagmahal na pamilya. Ilang dekada ng ganoong tema sa mga palabas ay posibleng isang dahilan kung bakit iniisip ng mga pinoy na magulo ang mga pamilya ng mga mayayaman. Sasabihin ko sa iyo hindi iyon totoo dahil marami akong nakilalang mayayamang kaibigan na may mabubuting pamilya noong ako ay nasa kolehiyo (government scholar ako dati sa isang mamahaling unibersidad sa bansa), at marami rin akong kilalang mahihirap na pamilya na puro problema sa buhay.
Ito’y karaniwang palusot ng mga tao para sa kanilang pagkabigo sa paghahawak ng pera. Sasabihin nila mas gusto nilang maging “masaya” kaysa maging mayaman (masaya nga ba talaga sila?), pero sa totoo ang pagiging masaya sa buhay ay walang kinalaman sa pagiging mayaman o mahirap. Pwede ka ngang maging mahirap pero masaya, pero pwede ka ring maging mahirap at malungkot. Hindi mo kailangang pumili sa dalawang iyon. Pwede kang maging masaya AT mayaman. Huwag mong kakalimutan ang mga nangyayari sa mga “mahihirap” na bida kapag nagtagumpay sila sa kanilang negosyo o pangarap. Nagiging mayaman sila.
Whatever may be said in praise of poverty, the fact remains that it is not possible to live a really complete or successful life unless one is rich. No man can rise to his greatest possible height in talent or soul development unless he has plenty of money; for to unfold the soul and develop talent he must have many things to use, and he cannot have these things unless he has money to buy them with. — Wallace D. Wattles
(Ano man ang papuri ang sinasabi tungkol sa kahirapan, ang katotohanan ay imposibleng mabuhay ng kumpleto o matagumpay kung hindi ka mayaman. Walang tao ang makakakamit sa pinakamataas niyang talento o pagpapabuti ng kaluluwa kung wala siyang madaming pera; dahil para magbukas ang kaniyang kalooban at para mahasa ang talento kailangan niya ng maraming bagay na magagamit, at hindi niya makakamit ang mga ito kung wala siyang perang pambili.)
4. “Money can’t buy happiness.” (“Hindi nabibili ng pera ang saya sa buhay.”)
Isa pa itong palusot ng mga tao. Tama nga, hindi nabibili ang kasiyahan, pero mabibili nito ang napakaraming bagay: mabuting tahanan para sa iyo at sa pamilya mo, masustansyang pagkain para hindi kayo magutom o mamatay sa food poisoning, panggamot kapag kayo ay nagkasakit, pera para sa pagpapaaral ng iyong mga anak, pambili ng airplane tickets para makapaglakbay kayo at makita ang pinakamagagandang lugar sa mundo, at marami pang iba. Kahit hindi nabibili ng pera ang kasiyahan sa buhay, kapag mayroon kayong higit sa sapat na pera mas madali ang mabuhay ng masagana at masaya. Di ba nga, mahirap maging masaya kapag ang pamilya mo ay naninirahan sa kalsada at namamatay sa gutom.
Money can’t buy happiness, but neither can poverty. — Leo Rosten
(Hindi nabibili ng pera ang kasiyahan sa buhay, pero hindi rin naman ito mabibili ng kahirapan.)
5. “We’ve always been poor.” (“Mahirap lang kami.”)
Iniisip ng ibang tao na dahil ganoong pamumuhay ang kinamulatan nila, ibig sabihin noon wala na silang magagawa para baguhin ito. Ang patayot ay payatot habang buhay, ang mahirap ay habang buhay magiging mahirap. Hindi nga naman kailangang manatiling ganoon basta may kagustuhan kang umasenso at hindi ka takot magsikap ng husto. Ang payatot ay pwedeng maging maskuladong athleta, ang mahirap ay pwedeng yumaman. Kailangan lang nilang gumawa ng ispesipikong mga bagay at gumamit ng napakaraming oras at pagpupunyagi para makamit nila ang kanilang mga pangarap. Ang makakamit na tagumpay ay magiiba sa bawat tao (bilyonaryo vs. middle class, olympian vs. hobbyist athlete), pero naroon palagi ang posibilidad. Kayang kaya nating lahat umasenso sa buhay at makabubuti sa ating lahat ang pagsisikap at pagpupunyagi.
Empty pockets never held anyone back. Only empty heads and empty hearts can do that. — Norman Vincent Peale
(Ang kawalan ng pera ay hindi nakahahadlang sa kahit sino. Ang kawalang-laman ng puso’t isipan lamang ang nakakagawa noon.)
Leave a Reply