English Version (Click Here)
Kamakailan lang, ipinahayag ng Philippine Stock Exchange (PSE) na ilalabas nila ang “short selling” sa Oktubre 2018. Dati nang mayroong short selling sa ibang bansa, pero sa Pilipinas kakaunti pa lamang ang nakakaalam kung ano ito.
Ano nga ba ang short selling o shorting? Habang alam ng mga experienced o beteranong investors na ito ang paraan para kumita mula sa pagbaba ng presyo ng isang stock, hindi alam ng mga baguhan kung paano ito ginagawa. Paguusapan natin ang basics ng short selling dito.
Ano ang Short Selling? (Pagtrade ng Stocks, Currencies, atbp.)
Sa pag-invest sa stock market, alam ng karamihan ang tungkol sa pagbili ng stock shares ng mga magagaling na kumpanya, paghintay sa pagtaas ng presyo nito, at pagbebenta ng stock shares kapag tumaas nga ang presyo. “Buy low, sell high”, ika nga.
Sa ganitong paraan ka pwedeng kumita kapag alam mong tataas ang presyo o halaga ng isang investment.
Gumamit tayo ng isang halimbawa. Kung iniisip mong aasenso ang “Company A” (P100 kada share), malamang tataas ang presyo ng stock nito sa pagdaan ng panahon. Dahil doon, bumili ka ng ilang shares para maibenta ito matapos ang ilang buwan o taon. Kung bumili ka ng sampung shares sa halagang P100 at tumaas ang presyo nito at naging P150 matapos ang anim na buwan, kikita ka ng P500 (bawas ng transaction fees at iba pang costs) kung binenta mo ang lahat ng iyong shares.
Ito ang pinakakilalang paraan para kumita mula sa pag-invest sa stocks, at ito ay tinatawag na “long” trade o “long position”. Para kumita nang husto dito, kailangan mong matutunan kung paano pumili ng mga magagaling na kumpanya at investments na tataas ang halaga sa pagdaan ng panahon. Bukod sa pagbebenta ng shares sa mas-mataas na halaga para kumita, kikita ka rin minsan ng pera mula sa dibidendo na ibinibigay ng kumpanya sa kanilang mga stockholders.
Paano Malugi sa Long Trade
May pahamak nga pala. Kapag mali ang akala mo (hal. masamang investment pala ang kumpanya o nagkaproblema ito) at bumaba ang halaga ng investment, edi mawawalan ka ng pera. Isang halimbawa nito ay kung ang stock price ng Company A sa P50 at ibinenta mo ang sampung shares ng palugi. Nawalan ka ng higit P500 sa transaction na iyon (na mababawasan pa ng transaction costs at ibang fees).
Paano kung alam mong bababa ang presyo ng stock?
Dito ka ngayon gagamit ng “short” (“short sell” o “short position”). Ano naman ngayon ang short selling? Ito ang kabaliktaran ng pinagusapan nating transaction kanina. Kaysa buy low ngayon at magbenta sa mas-mataas na presyo mamaya, dito “SELL HIGH NOW, at saka ka bibili sa mas-mababang halaga MAMAYA.”
Paano ito ginagawa?
Kapag ikaw ay nagshort, nanghihiram o “nangungutang” ka sandali ng shares mula sa iyong broker para maibenta sa kasalukuyang mataas na presyo. Kapag bumaba na ang presyo, icloclose mo na ang transaction, bibili ka ng shares (sa mas mababang presyo) at ibabalik mo ang mga shares sa broker.
Halimbawa, kung sa tingin mo bababa ang presyo ng stocks ng “Company A” (dahil nagkaproblema ang kumpanya, may hindi sila magandang produkto, o iba pang rason), pwede mong ishort ang stock nila sa presyo ngayon (hal. P100) at iclose it mamaya. Kung nagshort ka ng 10 shares sa halagang P100 at bumaba ang presyo sa halagang P50 pagdaan ng ilang buwan kung saan nai-“close” mo na ang transaction, parang nagbenta ka ng sampung shares sa halagang P100 at bumili ka sa halagang P50 lamang. Sa ganoong paraan, kumita ka ng P500 (bawas pa ng transaction fees at iba pang costs).
Paano Malugi sa Short Trade
Ang risk o pahamak naman dito ay kabaliktaran ng long transaction. Inaasahan mong bumaba ang presyo… pero kung TUMAAS ang presyo, mawawalan ka ng pera. Halimbawa, sa pagshort ng sampung shares sa halagang P100 bawat isa pero tumaas sa halagang P150 ang presyo pag nagclose ka, parang ibinenta mo nang palugi ang P150 bawat share sa halagang P100. Sa ganoong paraan, nawalan ka ng higit sa P500 (bawas pa ng transaction fees at iba pang costs).
Oo nga pala, hindi mo pwedeng iwasan ang pag-“close” ng trade kapag tumaas ang presyo at nalulugi ka. Pwedeng mag-margin call o “buy in” ang broker mo para bawiin ang mga shares nila. Isa pang pahamak ay kapag nagshort ka at kumita ng dibidendo ang stocks bago mo mai-close ang trade. Kailangan mo itong bayaran sa broker kaya karagdagang bawas sa iyo ito.
Para kumita ng husto mula sa pag-short ng stocks (at iba pang investments), kailangan magaling kang magbasa ng markets. Di tulad ng pag-invest sa magandang kumpanya, dito nagiispeculate o nanghuhula ka na bababa ang presyo ayon sa iyong research o pagsusuri. Ibang kakayahang alamin kung mabuti ang pagpapatakbo sa isang kumpanya at aasenso it. Iba rin naman ang kakayahang alamin kung hindi mabuti ang pagtakbo nito at itaya ang pera mo na bababa nga talaga ang presyo. Kung mali ang hula mo, pwede kang mawala ng malaking pera.
Tatapusin na muna natin ang aral dito. Sana naipakitang mabuti nitong article na ito ang pagkakaiba ng pagbili ng stocks, at ang pagshort o short sell nito.
Oo nga pala, hindi lang para sa stocks lang ang shorting. Nagagamit din ito sa ibang mga bagay tulad ng currencies at iba pang investments! Ganoon pa man, kung gusto mong matutunan ang iba pa tungkol sa pag-invest sa stock market o mutual funds, basahin mo lang ang iba naming articles sa ibaba!
- Ano ang Iba’t-ibang Uri ng Stocks?
- 5 Tips para Maintindihan ang Stock Market
- Sampung rason para Mag-Invest sa Stocks na nagbibigay ng Dibidendo
[…] Madalas ginagamit ng mga traders ang technical analysis para maghanap ng mga patterns sa mga charts at subukang kumita mula sa mga galaw nito. Pwedeng bibili sila ngayon para ibenta mamaya, o mag-“short sell” para kumita kapag iniisip nilang bababa ang presyo (basahin mo ang tungkol sa short selling dito). […]