*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
English Version (Click Here)
Nagbigay si Orison Swett Marden ng mabuting payo para malaman natin kung sulit man o hindi ang paggastos natin ng pera: “It is wholly a question of what you get out of your expenditure, not its amount, which makes it a wise expenditure or a foolish one.” Ang nakuha mo sa iyong paggastos, hindi ang laki ng halagang ginastos mo, ang batayan ng kabutihan o pagkasulit ng iyong gastusin. Kung lamang ang pakinabang na nakuha natin kumpara sa ginastos, mabuti ang paggastos natin. Eto lang ang kailangan nating tandaan. Ang halaga ng bagay ay hindi palaging maitutugma sa presyo nito, at napakaraming gastusin ang walang kwenta gaano pa man kaakit-akit ang bawas o pagkamura nito.
Heto ang isang maiksing guide na pwede mong gamitin para malaman kung maayos ba ang iyong paggastos ng pera.
Paano gawin sulit ang paggastos
-
Ang walang kwentang bagay, kahit may diskwento, ay wala pa ring kwenta
Dito nagsasayang ng pera ang napakaraming tao. Gaano pa man kaganda o kaakit-akit ang isang bagay at gaano pa man ito kamura, kapag wala itong kwenta edi wala itong kwenta.
Habang iniisip natin na sulit ang paggastos ng P100 sa isang bagay na dating naka presyong P200 (50% off na sale), hindi ganoon kasimple ang buhay. Ilang beses nga ba tayong bumili ng mga bagay na hindi naman natin kailangan dahil lamang ito ay naka-SALE? Mga mamahaling damit na isang beses lang natin ginamit. Mga magagandang gadget o kagamitan na binili natin na ngayon ay nangongolekta na lang ng alikabok sa aparador. May mga bagay din tayong binili para sa “retail therapy” o pagshopping dahil nakakatuwang magshopping.
Kapag hindi naman natin kailangan ang isang bagay at hindi naman nito pinapabuti ng husto ang ating buhay, hindi ito nakabubuti para sa atin kahit gaano pa man ito kamura. Ang pakinabang na nakukuha mo ang mahalaga, hindi ang presyo.
Dati kinailangan kong bumili ng bagong boardshorts para sa limang araw na training seminar sa Boracay. Madalas sa ganoong sitwasyon bibili lang ako ng mumurahing pares (P250) sa tiangge, pero naisip kong bumili ng mas-mamahaling pares (P1,600 pero discounted na) na gawa sa napakatibay na tela na katulad nitong pares na ito sa Ripcurl. Tatlong taon at ilang napakamalupit na outdoor events at training na ang nakalipas, maganda at matibay pa rin ang boarshorts na nabili ko. Sulit na sulit iyon kahit mahal.
Mabuti ang paggastos para sa matibay at dekalidad na kagamitan lalo na kapag madalas mo itong gagamitin. Sa pagbili ng mumurahing gamit dahil lang mura ito, hindi ka lang magmumukhang cheap at hindi mo lang din mararamdaman ang pagkacheap mo, pwede ring pumalya ang iyong kagamitan sa pinakamasamang panahon. Isipin mo na lang kung nagha-hiking o mountain climbing ka sa gilid ng bangin at nasira at nadulas ang sapatos mo. Ayaw kong mangyari sa akin iyon at malamang ayaw mo rin iyong mangyari sa iyo.
Siya nga pala, huwag mong iisipin na “mamahalin” ay “dekalidad” na agad. Napakaraming mamahaling bagay ang walang kwenta. Ang kalidad ay kalidad, at kapag sinuri mong mabuti ang mga binibili mo, pwede kang makahanap (o magrenta) ng napakabuting bagay sa mumurahing halaga.
-
Mabubuting karanasan kaysa sa kagamitan
Kaysa magaksaya ng pera sa mga bagay na hindi naman nakakapagbigay ng kasiyahan (hal. mga binili para sa “retail therapy” o shopping shopping lang), subukan mong gamitin ang pera para sa masasayang karanasan. Ang mga masasayang karanasan ay nakakapagbigay ng mas maraming kasiyahan sa pagdaan ng panahon. Subukan mo lang buksan ang aparador mo. Ilan sa mga bagay dito ang nakakapagpasaya pa rin sa iyo? Ngayon subukan mo naman alalahanin ang huling beach trip kung saan kasama mo ang iyong mga matalik na kaibigan at kapamilya, ang huli mong paglakbay sa malayong lugar, o ang huli mong outdoor adventure. Malamang mas maraming kasiyahan ang naibibigay ng iyong mga alaaala kumpara sa mga bagay bagay lang na nabili mo sa mga nakaraang buwan.
-
Gumastos ka ayon sa makakaya mo
Pwede ka nga namang gumastos ng ilang daang libong piso sa isang luxury five-star vacation o napakamamahaling bagay… pero sulit pa rin ba sila kapag nababaon ka nang todo sa utang? Pagkatapos isama ang stress at sakit sa ulo na makukuha mo sa dambuhalang monthly payments, ang walang katapusang pagkatakot mula sa posibilidad na ikaw ay mabankrupt, at ang opportunidad na mawawala sa iyo dahil sa pagsira mo sa iyong stabilidad, sulit pa ba iyong? Malamang hindi na.
Ito ay isa pang bagay na kailangan mong pagisipan. Napakaraming mamahaling bagay ang mabuting bilihin… kapag may pera kang pambili. Napakaraming bagay ang hindi sapat na dahilan para mabaon sa utang. Sabi nga nila, “Live within your means”. Mabuhay ka ng ayon sa iyong makakaya.
No one can be happy, no matter how optimistic, who is forever in the clutches of poverty, of harassing debt.
(Walang magiging masaya, gaano man kaganda ang pananaw nila sa buhay, kapag sila ay habang buhay na nabaon sa kahirapan, at mapang-aping utang.)
— Orison Swett Marden, Prosperity: How to Attract It
-
Mahalagang alamin ang tamang sitwasyon
Ang isang kaibigan ko dati ay nagbayad ng halos P100,000 para sumakay sa isang helicopter. Sulit ba ito? Kapag isa siyang ordinaryong trabahador na may ordinaryong kita at wala namang mahalagang okasyon, malamang hindi. Sa panahon kasing iyon, malapit na siyang mamatay dahil sa altitude sickness (AMS) habang umaakyat patungong Mt. Everest base camp. Kinailangan siyang i-airlift patungo sa ospital para mailigtas ang kanyang buhay. Sulit ba ang pagbayad sa helicoper? Siyempre naman. Namatay na sana siya kung hindi siya nai-airlift, at buti na lang nabayaran naman ito ng insurance niya.
Kapag pinagiisipan mo ang paggastos mo ng pera, ang pakinabang na makukuha mo ang mas mahalaga kumpara sa presyo. Ang kalagayan at panahon ay nakaaapekto sa halaga ng mga bagay. Halimbawa, para sa isang Inuit hunter na nakatira sa puro yelong lugar ng Canada, ang isang maayos na hunting rifle ay mas mahalaga kumpara sa isang million-dollar painting.
Kapag may kailangan kailangan ka tulad ng isang medical treatment na makakapagligtas ng iyong buhay, isang napakabuting oportunidad para pagbutihin ang iyong buhay, o isang paraan para pigilan ang pahamak (hal. insurance, paglagay ng fire alarm, atbp.), huwag mo nang pagisipan ang pagbayad ng malaking halaga. Kapag din mayroong napakabuting oportunidad tulad ng pagkakataong makipagkilala sa isang VIP client at makakuha ng isang million-dollar na kontrata, huwag mo na rin masyadong pagisipan ang magbayad ng mahal. May dahilan nga naman kung bakit ang mga pinakamatataas na executives ay nakikipag-lunch meeting sa mga magagarang hotels at restaurants kaysa sa McDonald’s.
-
Pagpuhunan o mag-invest ka sa mga bagay na kumikita ng pera
Pwede kang gumastos ng isang milyong dolyar para bumili ng walang kwentang gintong istatuwa ng koneho… o pwede mong gamitin ang ganoong pera para bumili ng mabuting rental property na pwede mong pagkakitaan ng ilang daang libong piso kada buwan sa susunod na ilang dekada. Isa lang doon ang mabuting gastusin o investment.
Ito ang itinuro ni Robert Kiyosaki sa Rich Dad, Poor Dad. Kailangan mong alamin ang pagkakaiba ng asset sa liability, at bumili ka ng assets. Ang mga asset ay naglalagay ng pera sa iyong bulsa, ang mga liabilities ay nagaaksaya ng pera. Ang paggamit ng piso para kumita ng sampung piso ay napakabuting deal at dapat pag-aralan mong gawin ito nang mas madalas. Pag-aralan mong mag-invest sa mga assets tulad ng stocks, bonds, mutual funds, real estate, sarili mong negosyo, at iba pa.
Oo nga pala, may mga pagkakataong taliwas sa ating inaasahan. Minsan ang ibang asset ay liabilities pala, at pwede ring mangyari ang kabaliktaran nito. Kung ang rental property ay nasa masamang lugar at hindi ito kumikita ng pera, edi sayang lang ang isang milyon kapag binili mo ito. Sa kabilang dako naman, kapag naibenta mo ng isang daang milyong dolyar ang gintong istatuwa sa isang auction dahil ginawa pala ito ng isang kilalang artist, edi iyon ang mas-mabuting investment. Nagiiba ang halaga ng bagay ayon sa panahon o sitwasyon.
-
Pagpuhunan o mag-invest ka sa iyong sarili
Bakit maraming nagbabayad ng malaking halaga para pag-aralin ang kanilang mga anak sa kolehiyo? Simple lang. Ito’y dahil ang kaalaman at connections na makukuha ng mga anak nila ay makakatulong ng husto para makakuha sila ng mabubuting trabaho at kumita ng pera. Mas-maraming pera ito kumpara sa ipinambayad nila para makapag-aral.
May nakakalimutan ang maraming tao. Ang edukasyon ay hindi dapat matapos sa graduation. Hindi mo kailangan ng karagdagang pag-aaral sa isang iskwelahan para ipagpatuloy ang iyong pag-aaral. Pwede mong matutunan ang kaalaman ng mga eksperto at propesyonal kapag binasa mo ang mga libro at guides na isinulat nila. Hindi lang libro, marami ding online articles, instructional videos, online tutorials, live workshops, at napakarami pang iba na pwede mong gamitin para paramihin ang iyong kaalaman.
Isipin mo lang ito. Kaysa gumastos ng P500 sa tatlong latte sa mamahaling coffee shop, paano kung bumili ka na lang ng mahalagang libro? Paano kung ito ay isang investing book at natutunan mo dito kung paano kumita ng ilang libong piso sa loob ng sampung taon gamit ang pag-invest sa stocks, bonds, mutual funds, real estate, at marami pang iba. Hindi ba sulit iyon? Sulit na sulit nga.
Kinikita natin ang pera natin ngayon dahil natutunan nating gawin ang trabahong ginagawa natin. Kapag natutunan natin ang mga bagay na nakakapagpabuti sa kalidad ng ating trabaho, malamang pwede nating palakihin ang ating kinikita. Ang ilang daang piso at ilang oras pagbabasa para makamit ang kaalamang makakapagpaunlad sa atin ng husto. Hindi ba mabuti iyon?
(Siya nga pala, sa pagbabasa ng mga articles katulad nito, marami ka nang nagagawa para pagbutihin ang iyong sarili, kaya ipagpatuloy mo lang!)
An investment in knowledge pays the best interest.
(Ang pamumuhunan sa kaalaman ay namumunga ng pinakamabuting interes o dibidendo.)
— Benjamin Franklin