English Version (Click Here)
Bawasan ang unemployment, tumulong sa mga nangangailangan, ubusin ang kahirapan at nagugutom sa mundo. Ang mga iyon ang mga layuning karapat-dapat gawin. Kailangan nga lang nating mag-ingat dahil ang ibang solusyon ay higit na nakakasama kaysa makatulong. Basahin mo ang mga babalang ito mula sa “The Ten Cannots” ni William J. H. Boetcker.
“The Ten Cannots” (Sampung Hindi Pwede) ni William J. H. Boetcker
- Hindi mo mapapalaganap ang kasaganaan sa pagtutol sa pagtitipid.
- Hindi mo mapapalakas ang mahihina sa pagpapahina ng mga malalakas.
- Hindi mo matutulungan ang mga karaniwang tao sa pagpupuna sa mga nagsikap.
- Hindi mo mapapaasenso ang sumusuweldo sa pagpapababa sa nagbabayad ng sweldo.
- Hindi mo matutulungan ang mahihirap sa paninira sa mga mayayaman.
- Hindi ka makakagawa ng seguridad sa buhay gamit ang pangungutang.
- Hindi mo matutulungan ang sangkatauhan sa pagpapalaganap ng galit sa kapwa.
- Hindi ka makakalaya sa sakuna sa pagwawalgas ng higit sa iyong kinikita.
- Hindi mo mabubuo ang mabuting pagkatao at lakas ng loob ng ibang tao sa paninira ng kanilang pagkukusa at tiwala sa sarili.
- At hindi ka makakatulong sa iba sa paggawa ng mga bagay na kaya at nararapat nilang gawin ng kusa.
Hindi mo mapapalaganap ang kasaganaan sa pagtutol sa pagtitipid,
magagawa ang seguridad sa buhay gamit ang pangungutang,
o makalaya sa sakuna kapag nagwawalgas ka ng higit sa iyong kinikita.
Sa pagwalgas ng pera sa pangkatuwaan at mga bagay na hindi kailangan, wala ka nang matitira para sa pagpapayaman o seguridad sa buhay. Mas-malala pa ito kapag ikaw ay nangutang para mabayaran sila. Sabi nga sa biblia, “ang nangutang ay alipin ng nagpautang(Proverbs 22:7).” Kung napasok ka sa sakuna (aksidente, naospital, atbp.) at nangangailangan ka ng maraming pera, huwag mong kalilimutan: Kailangan mo pa ring bayaran ang bagong cellphone o entertainment system na binili mo gamit credit card o payday loan.
Hindi mo mapapalakas ang mahihina sa pagpapahina ng mga malalakas,
at hindi mo matutulungan ang mga karaniwang tao sa paninira sa mga nagsikap.
Ang isang tao naging magaling na atleta sa pageensayo ng apat na oras araw araw pagkatapos magtrabaho at ang isang tao naman natuto ng business, investing, at leadership skills sa pagbabasa ng mabubuting nonfiction books araw araw. Ikaw nagsayang ng ilang oras panonood ng TV at nakakatawang internet videos. Kung pinaalis mo ang dalawang iyon, ikaw ba’y magiging mas-magaling na atleta o matututunan mo ba ang business, investing, at leadership? Hindi. Nawala lang ang mga tao na makakatulong sana sa iyong magtraining o tuturuan ka sanang maging mas magaling na tao.
Hindi mo matutulungan ang sangkatauhan sa pagpapalaganap ng galit sa kapwa.
Hindi mo malulutas ang kamangmangan, kahirapan, sakit, illiteracy, polusyon, world hunger, at iba pang problema sa mundo kapag masyado kang abala sa pagmumuhi sa iba dahil sa kanilang paniniwala at pananaw sa buhay. Hindi mo din dapat kamuhian ang iba dahil sa mga biyayang natanggap nila at mga napagsikapan nilang tagumpay. Mainam na pagtuonan natin ng pansin ang mga biyaya at talentong mayroon tayo at gamitin natin ang mga ito para makamit ang sarili nating tagumpay kaysa magpuna ng iba. Kailangan gawin natin ang ating tungkulin sa pinakamabuting paraan na alam natin.
“Some people don’t get to succeed in life because they spend most of their energy and time being envious of those who have succeeded, instead of learning from them.” – Edmond Mbiaka
(Ang ibang tao hindi nagtatagumpay dahil madalas ginagamit nila ang lakas at oras nila para mainggit sa mga nagtagumpay kaysa matutunan ang ginawa ng mga ito.)
Hindi mo matutulungan ang mahihirap sa paninira sa mga mayayaman,
at hindi mo mapapaasenso ang sumusuweldo sa pagpapababa sa nagbabayad ng sweldo.
Mayroong ngang mga kriminal na yumayaman sa masamang paraan at karapat dapat silang parusahan. Mag-ingat ka lang dahil napakalaking PAGKAKAMALI ang pag-iisip na ang LAHAT ng mayayaman ay masasama. Ang karamihan sa kanila ay nagsikap gamit ang paggawa ng mahahalaga at mabubuting bagay.
Kung gusto nating tumulong sa iba, kailangan nating tandaan na ang “Robin Hood” style ng pagnanakaw sa mayaman at pagbigay sa mahirap ay hindi gagana. Isipin mo na lang. Para sa isang pulubi, IKAW ay mayaman. Kung ninakaw ko ang lahat ng mayroon ka (bahay mo at lahat ng ari-arian ng pamilya mo) para ibigay sa mahihirap, matutuwa ka ba? Ang mga pulubi ba ay magkakaroon ng trabaho o negosyo at magiging self-sufficient matapos makatanggap ng ilang libong piso? Hindi. Malamang gagastusin lang nila ang pera sa pagkain at manlilimos lang uli kapag naubusan.
Pag-isipan mo rin ito. May doktor na nagtayo ng clinic malapit sa iyo at kumikita siya ng maraming pera. Tama ba na sirain mo ang clinic na nagpapagaling ng ilang-daang may sakit linggo linggo dahil mas malaki ang kinikita niya kaysa sa iba? Mas marami ba ang pasyenteng mapapagaling kapag ginawa mo iyon? Hindi. Isipin mo rin kapag may nagtayo ng construction company. Tama ba na sirain ang negosyong iyon, tanggalan ng trabaho ang ilang-daang construction workers, at bawasan ang matatayong mga proyekto dahil lang yumaman ang negosyanteng iyon (o sa ibang salita… “dahil naging mas mayaman siya kaysa sa iyo”)? Dadami nga ba ang mga bahay at gusaling magagamit ng mga tao kapag ginawa mo iyon? Hindi.
Pag-isipan mo ito: Sino ang gumawa at nagbenta sa iyo ng computer mo? Iyong telepono? Ang building materials ng bahay mo? Pagkain? Iyong tubig inumin? Internet? Kuryente? Kotse? Damit? Lahat ng iyong pagmamay-ari at gamit? Hindi ba mas mabuti ang buhay mo dahil sa lahat ng iyon, at hindi ba yumaman ang mga taong iyon dahil nagbenta sila ng mga bagay na nagagamit ng mga tao para mapabuti ang kanilang buhay?
Hindi ba IKAW ay kumikita ng pera at kayamanan sa paggawa ng mga produkto o pagbigay ng serbisyong gusto o kailangan ng iba? Tama ba na may sumira ng iyong negosyo o tanggalin ka sa trabaho dahil mas “mayaman” ka kaysa sa kanila?
Hindi mo makakamit ang tagumpay sa paninira ng iba. Ang ginagawa lang noon ay manatili ang LAHAT ng tao sa pagkabigo at paghihirap. Ang oras at lakas na ginamit mo sa paninira? Ginamit mo sana iyon para pagsikapan ang sarili mong tagumpay.
Hindi mo mabubuo ang mabuting pagkatao at lakas ng loob ng ibang tao sa paninira ng kanilang pagkukusa at tiwala sa sarili,
at hindi ka makakatulong sa iba sa paggawa ng mga bagay na kaya at nararapat nilang gawin ng kusa.
Ang mga tao ba ay susubok magtayo ng negosyo o kumuha ng trabaho kapag magbibigay ka ng libreng pagkain at pera? Hindi. Wawalgasin lang nila ang perang binigay mo sa pangkatuwaan. Bakit nga ba sila kukuha ng trabaho kung bibigyan mo naman sila ng libreng pera? Iyon ang isang malaking paraan para maging biguan ang isang tao – gawin mo ang lahat ng trabaho nila para sa kanila. Kapag nawala ka (namatay o nagkasakit), sila’y magiging walang kwenta dahil umasa sila sayo ng napakatagal. Hindi mo sila tinulungan dahil sa paglutas mo ng kanilang problema – ginawa mo lang silang mahina.
Ano ang pinakamabuting paraan para matulungan ang iba? Ang sikreto ay nasa lumang kasabihan: “Bigyan mo ng isda ang isang tao at makakakain siya ng isang araw. TURUAN mo siya kung PAANO mangisda at makakakain siya habang buhay.” Turuan mo ang mga tao at ipakita mo kung paano sila magtatagumpay sa sarili nilang pagsisikap.
“I am for doing good to the poor, but I differ in opinion about the means. I think the best way of doing good to the poor is not making them easy in poverty, but leading or driving them out of it.” – Benjamin Franklin
(Pabor ako sa pagtulong sa mahihirap, pero iba ang pamamaraan ko sa kung paano. Sa palagay ko ang pinakamabuting paraan para makatulong ay hindi sa maging madali ang buhay nila sa kahirapan, kundi sa pamumuno o pagpilit sa kanila na makaahon dito.)
Leave a Reply