English Version (Click Here)
Lahat tayo dadaan sa panahon ng pagsubok, at minsan sa mga panahong iyon nagiging sobrang lala ng mga nararanasan nating sakuna na halos maubos ang ating inspirasyon at motivation sa buhay. Nangyayari iyon sa lahat, at kailangan nating alalahanin na kung hindi natin kayang harapin ang mga problema sa ngayon, hindi nito ibig sabihin na hindi natin sila kakayaning lampasan.
Kapag napakarami tayong hinaharap na problema at pagkabigo, minsan mainam na tumigil muna tayo, magpahinga, at magbago ng pananaw tungkol sa mga problema natin. Kung malubha man ang kalagayan ng mundo, kailangan nating palakasin ang ating loob lalo na sa pagiisip natin tungkol sa ating kakayahang harapin ang ating mga problema.
Narito ang ilang aral na makakatulong kapag nakararanas ka ng panahon ng pagsubok.
Tatlong Payo sa Para sa Panahon ng Pagsubok
1. Burn out na? Baka ito’y panandaliang “brownout” lang
Mauubos talaga ang motivation mo kapag may sabay sabay kang hinaharap na mga problema. Baka may hinaharap kang kaso sa korte, nawalan ka ng trabaho o nalulugi ang iyong negosyo dahil sa pandemya at wala kang kita, o baka iniwan ka ng iyong mahal sa buhay (o pwedeng lahat ng iyon nang sabay sabay).
Kapag napakahirap na ang mga problema sa buhay, tila masarap magkulong na lang sa kwarto dahil nasosobrahan ka na sa stress.
Ganoon naman talaga ang buhay. Normal lang ang malungkot kaya huwag kang mangamba. Magpahinga ka lang muna kung kailangan mo na.
Pwede ka ngang magpatuloy sa pagtrabaho at pagsisikap, pero huwag kang maguilty kung ginusto mo munang magpahinga. Dahan dahanin mo lang, layuan mo muna saglit, at pag-isipan mo ang problema sa ibang pananaw. Hindi pa tapos ang mundo.
Saglit lang ang mga panahon ng sakuna. Pwede mo nga namang pilitin ang mga solusyon na gusto mo, pero malamang makakahanap ka ng iba pang mas malaki at mas mabubuting oportunidad na mas makabubuti para sa iyo. Kahit ano pa man, malamang magiging mas mabuti at mas matatag ang pagkatao mo dahil sa mga matututunan mo mula sa mga karanasang iyon.
2.“Don’t cut the trees during winter” – Iwasan ang mga madaliang desisyon
Sa librong Tough Times Never Last, But Tough People Do!, ikinuwento ni Robert H. Schuller ang karanasan niya noong bata siya. Kinailangan ng pamilya nila ng kahoy para hindi sila mamatay sa lamig noong isang panahong taglamig na iyon, at nakahanap ang kanyang tatay ng isang patay na puno. Sinuri niya ang mga natuyo nitong mga sanga para siguraduhin kung patay na nga ito. Noong napansin niya kung gaano kalutong ang mga sanga, nilagari niya ang puno para makakuha ng kahoy na panggatong para sa kanyang pamilya.
Pagdating ng panahon ng pagsibol (Spring), may mga bagong talbos ang pinagputulan ng puno. Akala talaga ng tatay niya noon na patay na ito at matagal niyang pinagsisihan ang pagputol niya sa punong iyon. Iyon ay napakahalagang aral na itinuro kay Robert ng tatay niya: “Never cut a tree down in the wintertime” (Huwag kang magpuputol ng puno sa panahon ng taglamig).
Huwag kang gagawa ng marahas at permanenteng desisyon sa panahon ng sakuna. Madalas panandalian lamang ang mga pagsubok at mareresolba mo rin lahat ito.
May isa lang tayong disclaimer: Huwag kang matakot gumawa ng mahirap pero mahahalagang desisyon kung kinakailangan. Minsan may mga kailangan kang isakripisyo para magpatuloy sa buhay. Kung pinagsisisihan mo ang isang desisyon, tandaan mo lang na palagi mong ginagawa ang lahat ng iyong makakaya ayon sa iyong limitadong kaalaman sa panahong iyon. Mas mabuti nang magdesisyon kaysa maghintay na lumala pa ang mga problema.
3. Panalo ang pagtitiyaga
Mahirap na ngang harapin ang sarili nating problema, pero paano pa kaya kung naging responsibilidad mo rin ang problema ng isang buong bansa? Narito ang isang napakahalagang aral tungkol sa pagtitiyaga mula sa ika-30 na presidente ng United States na si Calvin Coolidge:
(Basahin ang translation o pagsasalin sa ibaba.)
Pagsasalin sa Tagalog: Walang kahit anong bagay ang makakapalit sa pagtitiyaga. Hindi ang talento; ubod ng dami ang mga taong talentado pero hindi matagumpay. Hindi ang talino; dahil parang isang kasabihan na ang katalinuhang walang pinatutunguhan. Hindi rin ang edukasyon; dahil ang mundo ay puno ng mga edukadong pabaya. Ang pagtitiyaga at pagpupunyagi lamang ang makapangyarihan. Ang kasabihang ‘Press on!’ (Ipagpatuloy mo lang!) ay nakakalunas at palaging makakalunas sa mga problema ng sangkatauhan.
Nangyayari talaga ang panahon ng sakuna, pero kung matagal ka nang nabuhay, malamang nalagpasan mo na ang ilan sa mga ito. Malamang may naranasan ka nang mga panahon kung saan wala ka nang pag-asa pero narito ka pa rin (binabasa itong article kong ito) at nalagpasan mo iyon.
Kung kinaya mo sila, kakayanin mo rin ito!
Dito na muna tayo magtatapos at sana may mabuti kang natutunan mula dito sa article kong ito. May isa pa akong huling kasabihan na ipapamahagi sa iyo, at ipinagdadasal ko na mabigyan ka nito ng kinakailangan mong pag-asa at lakas ng loob upang makamit ang tagumpay.
The time above all others when it is most important for a man to hold fast to his faith and courage is when the way is so dark that he cannot see ahead.
— Source Unknown
Pagsasalin sa Tagalog: Ang oras kung saan pinakamahalaga ang pagkapit sa iyong pananalig at katapangan ay sa mga panahong sobrang dilim na ang iyong kinabukasan at wala ka nang makitang pag-asa.
[…] Tagalog Version (Click Here) […]