English Version (Click Here)
Malamang narinig mo na ang ibang mga kakilala mong naguusap tungkol sa stocks na gusto nilang bilihin o ibenta o kung anong mga mutual funds ang dapat nilang kunin bilang investment. Baka may narinig ka nang nagsabi na kailangan mong tignan ang mga charts at “P/E ratios”, bumili kapag bumaba sa ganitong halaga ang presyo o magbenta kapag tumaas naman ito, pero baka may narinig ka na ring mga payo na kailangan mong bilihin ang ilang kilalang investment at itago ito nang higit dalawampung taon.
Ano nga ba ang dapat mong gawin?
Depende. Gusto mo bang mag-trade at subukang kumita ngayon, o gusto mo bang mag-invest nang pangmatagalan? (Pwede mo ring gawin pareho). Kung hindi ka makapagdesisyon o ngayon mo pa lang sinusubukang pag-aralan ang pag-invest at hindi mo pa ganoong alam ang pagkakaiba ng mga traders at investors, edi sinusuwerte ka ngayon! Paguusapan natin iyon dito!
Sa mundo natin ngayon, ang karamihan sa atin ay kumikita mula sa ating mga trabaho o negosyo. Bilang mga empleyado o freelancers, binebenta natin ang ating oras, kakayahan, at pagod. Bilang mga negosyante naman, bumibili at nagbebenta tayo ng mga produkto at serbisyo. Alin man sa dalawa, ginagamit natin ang ating oras at pagod para kumita.
Buti na lang may mga personal finance at investing authors at teachers tayo ngayon tulad nina Robert Kiyosaki, George S. Clason, at marami pang iba, at itinuro nila na may iba pang paraan para kumita. Pwede nating gamitin ang pera natin para kumita PARA sa atin gamit ang pag-invest sa mga stocks, bonds, mutual funds, currencies, real estate o lupa, at marami pang iba.
Ano ang Pinagkaiba ng mga Traders at Investors?
Kapag tinitignan natin ang mga stocks, currencies, funds, at iba pang investments, may dalawang kilalang paraan para suriin ang mga ito. Pwede tayong magconcentrate sa mga charts at numero para maghanap ng mga pattern at ito ang tinatawag na technical analysis, pero pwede rin tayong gumawa ng masusing pagresearch sa mga kumpanya o assets at ikumpara ito sa market, trends, at sa kabuoan ng ekonomiya para alamin kung mabuti ba talaha itong gamitin bilang investment para sa mahabang panahon. Iyon naman ang fundamental analysis.
(I-click mo ito para matutunan ang pagkakaiba ng technical at fundamental analysis.)
Pwede nating subukang kumita mula sa mga short-term (mabilisang) paggalaw ng presyo bilang mga traders, o pwede nating subukang kumita mula sa pangmatagalang katatagan ng investment bilang mga investors. Kung magiging magaling tayo sa pag-trade o sa pag-invest ay mababase ayon sa ating temperament o pagkatao at sa istratehiyang gusto nating gamitin. Pag-usapan na natini ang ilang kilalang pagkakaiba ng mga traders at investors.
Traders:
- Ang mga traders ay sinusubukang kumita mula sa mabilisang price movements (sa “short term”).
- Madalas ginagamit ng mga traders ang technical analysis para maghanap ng mga patterns sa mga charts at subukang kumita mula sa mga galaw nito. Pwedeng bibili sila ngayon para ibenta mamaya, o mag-“short sell” para kumita kapag iniisip nilang bababa ang presyo (basahin mo ang tungkol sa short selling dito).
- Minsan kakailanganin mo ng mas maraming oras at tiyaga para mag-trade. Madalas kakailanganin mong pagmasdang mabuti ang mga galaw ng charts, at kailangan mo ring makinig ng mga balita para sa mga mahahalagang announcements (kaunting fundamental analysis sa istratehiya ng trader).
- Dahil madalas may mga fees ang mga broker sa bawat transaksyon, madalas mas maraming babayarang fees at “spread” (ang pagkakaiba ng buy/”offer” at sell/”bid” price) ang mga traders.
- Kung natutuwa kang manonood ng mga charts at numbers, makinig sa mga financial news, nagugustuhan mong “laruin” ang market na parang isang seryosong strategy game, baka mas magustohan mo ang maging isang trader.
- (Babala: Ang payo ko ay huwag mong ituring “pagsusugal” ang stock market. Hindi ka naroon para maglaro, naroon ka para magsikap para sa iyong pamilya at sa inyong kinabukasan.)
Investors:
- Ang mga investor ay hindi naghahanap ng mabilisang kita. Naghahanap sila ng mga mabubuting assets na pwede nilang gamitin at pagkakitaan sa pagdaan ng ilang taon.
- Mas madalas ginagamit ng investors ang fundamental analysis dahil kailangan nilang siguraduhing tama ngang gamiting investment ang mga napiling assets na pagpupuhunan nila para kumita sa pagdaan ng panahon. Kikita sila mula sa mga dibidendo (sa stocks) at capital appreciation o pagtaas ng halaga ng mga ito.
- Ang pag-invest nang pangmatagalan ay mangangailangan ng mas maraming oras at tiyaga sa simula habang pinagaaralan ang napiling investment. Pagkatapos noon, madalas hahawakan lang nila ang investment na napili nila at iiwasan nila ang mga tsismis na makaaapekto sa presyo ng investment nila.
- Hindi madalas mag-trade ang mga investors kaya hindi rin sila madalas magbayad ng mga broker’s fees.
- Kung may self-control ka para iwanan lang ang iyong niresearch at piniling investments kahit ano pa man ang mga tsismis na marinig mo tungkol dito, malamang magiging mabuti kang investor. Di tulad ng ibang bagay sa buhay, mabuting maging “tamad” kapag ikaw ay nag-iinvest.
Sana mas marami kang natutunan tungkol sa pagkakaiba ng mga traders at investors. Alin mang istratehiya ang mas gusto mong gamitin (pwede mo silang pagsabayin), alalahanin mo na kailangan mo pa ring magresearch at magplano nang husto kung gusto mong maging mas matagumpay.
Pagdating sa pera at pag-invest, mayroon palaging risk o panganib. Pwede mong bawasan ang panganib kapag mas marami kang natutunan at mas nasanay ka sa ginagawa mo. Diba nga, mapanganib magmaneho sa gilid ng bangin… pero mas mapanganib kapag hindi ka marunong magmaneho pero tinapakan mo pa rin ang gas pedal.
Tandaan: ALAMIN MO ANG GINAGAWA MO!
Huwag mong isugal ang perang pinaghirapan mo. Gamitin mong mabuti ang napili mong mabuting investment o trading strategy!
Sana nag-enjoy ka sa pagbabasa nito! Kung gusto mong matuto pa tungkol sa mga stocks, bonds, mutual funds at ibang investments, basahin mo ang iba naming articles dito!
- Ano ang Mutual Funds? (Isang Maikling Guide para sa mga Baguhan)
- Investing 101: Ano ang Compounding (Compound Interest)?
- Ano ang Magandang Investment Para sa mga Beginners?
[…] Tagalog Version (Click Here) […]