English Version (Click Here)
*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
Kung nagsimula ka nang magbasa tungkol sa investing, malamang may narinig ka na tungkol sa investment na tinatawag na bonds. Tulad ng stocks, real estate (lupa), at mutual funds/ETFs, ang mga bonds ay isa ring popular na investment. Habang mas mababa ang yield (perang pwede mong kitain) ng mga ito, hindi sila masyadong volatile o pabago-bago ang presyo. Bukod pa doon, iba rin ang galaw ng presyo ng mga ito kumpara sa mga stocks at mutual funds.
Tinalakay na natin dati ang stocks at mutual funds sa mga nakaraang articles (iclick mo ang mga links), ngayon naman tatalakayin natin ang mga basics tungkol sa mga bonds at bond market dito!
Ano ang Bonds?
Ang mga bonds ay, sa simpleng salita, loans o perang ipinahiram mo sa mga kumpanya (corporate bonds) at sa gubyerno (treasury bonds, atbp.). Nagpapahiram ka ng pera sa isang kumpanya o sa gubyerno, at ibabalik nila ang pera mo na MAY KARAGDAGANG INTEREST sa maturity date ng nito.
Di tulad ng mga stocks kung saan mabilis ang pagtaas at pagbaba ng preyo ayon sa napakaraming factors o pangyayari (gaano kabuti ang pagkilos ng kumpanya, sentimiyento ng market, at marami pang iba), ang mga bonds naman ay mas-stable o hindi mabilis magbago-bago ang presyo. Hindi mabilis ang paggalaw nito dahil ang halaga nila bilang investment ay nakataya sa kanilang interest, maturiy date, bond rating, interest rate sa gubyerno, at iba pa.
Ang mga bonds, tulad din ng mga stocks, ay pwedeng bilhin o ibenta sa iba, pero ang presyo o halaga nito ay magiiba ayon sa mga factors na nakasulat sa itaas.
Bond Maturity
Madalas, kapag mas-matagal ang panahon bago ang maturity date ng bond, mas-malaki ang pwede mong kitain mula dito.
- Ang mga short-term bonds ay madalas may maturity date na halos limang taon lang at maliit lamang ang kita nito.
- Ang mga intermediate-term bonds ay madalas may maturity date na pito hanggang sampung taon.
- Ang mga long-term bonds ay madalas may maturity date na dalawampu hanggang tatlumpung taon at ito ang may mga pinakamalalaking kita kumpara sa ibang bonds.
Interest Rates
Ayon sa interest rate na inilabas ng gubyerno o ng central bank (sa Pilipinas ito ay ang Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP), pwedeng magbago ang presyo ng mga bonds. Kung tumaas ang interest rate, bababa ang presyo ng mga bonds. Kapag bumaba naman ang interest rate, tataas ang presyo ng mga bonds. Ang bonds ay nagiging mas mabuting investments (at mas mataas ang nagiging halaga nito) kapag mas mataas ang interest nito kumpara sa interest rate ng bangko sentral. Kapag mas mataas ang interest sa bangko sentral, mas kakaunti ang may gusto sa bonds na may mabababang interest kaya nagiging mas mura ang mga ito.
Bond Ratings at ang Risk of Default:
Siyempre, hindi lahat nagbabayad ng utang. Minsan ang mga bond issuers ay nalulugi at hindi sila makabayad ng mga utang. Kahit mas-“safe” ang bonds kumpara sa stocks, may risk o peligro pa rin na mag-default o hindi magbayad ng utang ang mga kumpanya at magiging walang kwenta ang bond mo kung nangyari ito.
Paano mo malalaman kung ang iyong bond (at ang kumpanyang nag-issue nito) ay mapapagkatiwalaan at stable o matatag? May mga rating systems para malaman ang “creditworthiness” ng isang kumpanyang nagi-issue ng bonds. Eto ang karaniwang ginagamit na mga letra:
- AAA, AA, A, BBB – Mga matatag na kumpanya.
- BB to B – Medyo mapanganib.
- Mas-mababa sa B rating – low-grade “junk bonds”. Mas-mataas madalas ang interest nila, pero mapanganib mag-invest sa mga ito. Ayon sa ibang propesyonal, mas mabuti pa daw mag-invest na lang sa stocks kumpara sa mga ito.
Pag-invest sa Bonds: Bakit mo Gagawin, at Bakit Naman Hindi?
Tinalakay na natin na hindi masyadong volatile ang mga bonds kumpara sa mga stocks at ilang klase ng mutual funds kaya magugustuhan mong mag-invest sa mga ito kapag kailangan mo ng stability sa iyong portfolio. Halimbawa, kapag parang roller-coaster ang paggalaw ng stock prices o tumatada ka na at hindi makabubuti sa iyo ang mawalan ng pera dahil sa mga pagkakataong masama ang galaw ng stocks, mainam na mag-reallocate o ilipat mo ang bahagi ng pera mo sa mga bonds at mutual funds na naglalaman ng bonds (tinatawag na “bond funds”).
Ang negatibo sa pagiging stable ng bonds ay, sabi nga natin, ang mababang yield o kita nito. Malamang hindi ka kikita nang malaki kapag sa bonds ka lang nag-invest. Sa matagal na panahon din (ilang dekada), hindi rin ganoon kataas kumpara sa inflation ang bonds, pero napakaganda naman ang pagtaas ng presyo ng mga stocks. Pwede mong tignan ang mga datos dito (Morningstar na may Ibbotson data) at dito (Financialsamurai.com na ipinapahayag ang datos ng AXA USA).
Kung ikaw ay medyo bata pang investor at gusto mong dumami ang pera mo, mas mabuti siguro na mag-invest ka sa mga stocks na napili mong mabuti at sa iba pang investments na may mas mataas na yield kumpara sa bonds.
Iyon ang iilan lang sa mga basics ng bonds at bond market na tatalakayin natin ngayon. Kung gusto mo ng karagdagang kaalaman, basahin mo lang ang mga librong ito sa ibaba:
ORVILLE NOBLE says
PARA SA MGA BAGUHAN ANO ANG DAPAT EINVEST AT ANO PO ANG 5 INVESTMENTS PO. SALAMAT SA SAGOT
Ray says
Hello Orville,
Buti na lang may article na akong naisulat tungkol diyan. Pwede niyo po iyong basahin dito sa link na ito (Paano Mag-Invest para sa mga Baguhan: Limang Investments na Dapat Mong Alamin)! Libre lang po, at baka malaki po ang maitutulong sa inyo!
Regards,
Ray L.
YourWealthyMind.com