English Version (Click Here)
Noong 2018 nabalita sa news ang napakataas na inflation rate, pero noong binasa ko ang mga comments sa news articles, parang marami ang hindi nakakaintindi sa inflation at kung paano ito gumagana. Halimbawa, pinupiri ng ibang tao ang pagtaas ng inflation rate dahil akala nila mabuti ito, at parang hindi rin nila naiintindihan kung gaano kalala ang sitwasyon dahil sinasabi nila na mataas rin daw naman inflation sa ibang bansa.
Akala rin ng iba, ang inflation sa Pilipinas ay tumaas dahil dumami daw ang nagkatrabaho at ang pagdami ng mga sumasahod ay nagdulot ng pagbaba ng halaga ng peso, pero hindi naman ito totoo (ito ay “cost-push” dahil sa bagong tax law at sa nilalaman din nitong excise tax sa fuel).
Ano ang inflation? Talakayin natin ang basics ngayon, kaya ipagpatuloy mo lang ang pagbabasa!
Ano ang inflation?
Kung hindi mo napansin, mas mura ang lahat ng bagay sa nakaraang sampu hanggang dalawampung taon. Halimbawa, ang isang daang piso ay makakabili ng napakaraming bagay noon, pero ngayon halos sapat lang ito para makabili ng isang hapunan. Ito ang inflation.
Ang inflation, ayon sa diksyonaryo, ay ang patuloy na pagtaas ng pangkalahatang presyo ng mga bagay na madalas naiuugnay sa pagdami ng pera at credit o utang base sa pangkasalukuyang dami ng goods (mga bagay o kagamitan) and services (serbisyo o trabaho) sa isang ekonomiya o market. Ayon din sa Investopedia, ito ang pagsukat sa pagtaas ng presyo ng mga piling goods and services sa isang ekonomiya sa loob ng isang nakatakdang panahon. Kasama rin dito ang pagbaba ng purchasing power (dami ng kayang bilihin) ng isang currency o salapi ng isang bayan.
Sa madaling salita, ang inflation ay tungkol sa kung paano tumataas ang presyo ng mga bagay sa pagdaan ng panahon, at ang numero o porsyento na ginagamit para ilarawan ito ay ang tinatawag na inflation rate.
Sanhi ng Inflation:
Ang inflation ay pwedeng uriin ayon sa sanhi nito. Ang dalawang pangunahing klase ay demand-pull at cost-push, tapos may isa pa na tinatawag na built-in.
Demand-Pull Inflation – Nakita mo na ba kung paano ang presyo ng isang laruan o ng pagkain ay tumataas kapag nagiging mas popular ito? Isipin mo kung mangyari iyon sa lahat ng bagay sa isang market at maiisip mo kung paano gumagana ang demand-pull inflation. Maraming dahilan kung bakit pwede itong mangyari, tulad ng kung naeenganyo ang mga tao na gumastos ng pera (kaya nagtataasan ang mga presyo), tumaas ang paggastos ng gubyerno, dumami ang supply ng pera, o iba pa.
Cost-Push Inflation – Isipin mo kung ikaw ay isang manufacturer ng bakal na kagamitan tapos dumoble ang presyo ng bakal. Para manatiling profitable (kumikita ang iyong negosyo), kailangan mong taasan ang presyo mo dahil mas mahal nang magpagawa nito. Bukod pa roon, ang mga manufacturers ng kotse, building contractors, electronics, at halos lahat din ng mga gumagamit ng bakal ay mapipilitan ding magtaas ng presyo. Ganoon gumagana ang cost-push inflation.
Side note: Naramdaman ng Pilipinas itong cost-push inflation noong nagkaroon ng bagong tax law (TRAIN) na may kasamang excise tax on fuel. Dahil nagmahal ang langis o gasolina, ang lahat ng nangangailangan nito tulad ng transportasyon (halos lahat kailangan magcommute at magdeliver ng mga produkto), plastics manufacturers (ang paggawa ng plastik ay gumagamit ng oil), pagkain (na nagangailangan ng transportasyon mula sa mga sakahan at probinsya), at napakarami pang iba ay kinailangang magtaas ng presyo para kumita.
Built-In inflation – Kapag tumataas ang presyo ng mga necessities tulad ng pagkain, tubig, kuryente, at iba pa dahil sa inflation, mangangailangan ng mas mataas na sweldo ang mga tao para mabuhay. Mas mura nga naman ang mga bilihin dati, at mas mababa din ang sahod noon. Lagi namang may inflation sa pagdaan ng panahon, at kahit tumaas ang mga presyo, tumaas din naman ang sweldo ng mga trabahador dahil dito. Noon nga namang 2007, ang minimum wage sa NCR ay nasa P325-P365, pero sa 2018 ito ay naging halos P512 na.
Ilang punto tungkol sa inflation:
- Ang inflation, sa mababa o desenteng lebel, ay normal lang at nakabubuti ito. Ito’y nagdudulot ng pagtaas ng wages o sahod, patuloy ang pagdaloy ng pera sa ekonomiya, at para sa mga taong bumibili ng assets gamit mortgage o mga may matatagal na utang, ito ay “nagpapababa” ng utang. Ang inflation sa 2% hanggang 3% ay itinuturing maayos na lebel.
- Ang biglaang pagtaas ng inflation ay napakasama sa mga mamamayan. Nagmamahal ang mga bilihin kumpara sa sinasahod, nawawalang halaga ang savings o ipon, at “naghihirap” ang mga tao.
- Kung ang inflation rate ay hindi na makontrol at naaapektohan na nito ang ekonomiya, ang gubyerno o central bank ay papasok at gagamit ng monetary policies para kontrolin ito.
- Ang presyo o halaga nga rin pala ng mga stocks, real estate, at ilan pang investments ay tumataas din dahil sa inflation.
Ilang maling idea tungkol sa inflation:
Nakita ko sa mga comments sections na akala ng ibang tao mabuti ang biglaang pagtaas ng inflation rate. Hindi. Masama ito. Kung ikaw ay ordinaryong trabahador na may ordinaryong sahod, napakasama ng sobrang taas na inflation rate. Ito ay sinyales ng kakaiba at biglaang pagtaas ng presyo, at mas kakaunti ang mabibili mo sa pera mo. Kung dati nakakabili ka ng isang plastik na puno ng pagkain at groceries, ngayon mas kakaunti pa dito ang mabibili mo sa kaparehong halaga. Ikaw ay “mas mahirap” na dahil sa mataas na inflation, at mananatili ka sa sitwasyong iyon kung hindi tataas ang sahod mo.
Ang isa pang pagkakamaling nakita ko sa social media ay ang dapat ipagdiwang ang kaunting pagbaba ng inflationr ate. Hindi. Masyado pang maaga para magdiwang. Ang pagbaba ng inflation rate ay hindi palatandaan ng pagbaba ng presyo. Ang ibig sabihin nito, mas bumagal lang ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Isipin mo ang isang bag ng groceries na nagkakahalaga ng P1,000. Sa 6% inflation rate, ito’y magiging P1,060 ngayon. Kung sa pagdaan ng panahon bumaba sa 4% ang inflation rate, hindi nito ibig sabihin na P1,040 na lang kailangan mong ibayad. Kailangan mong magbayad ng 4% NA DAGDAG sa 6% dati. Kailangan mo nang magbayad ng P1,102.40 ngayon.
Deflation – Ito ay kabaligtaran ng inflation at nangyayari ito kung bumaba nga ang presyo ng mga bilihin. Kung may deflation, makakakita ka ng negatibong numero sa inflation rate.
Inflation at Investing
Isang huling payo tungkol sa inflation. Kapag sinimulan mo nang pag-aralan ang investing, kailangan siguraduhin mo na mas mataas ang kita ng portfolio mo kumpara sa inflation rate, lalo na kapag gusto mong lumaki ang pera mo sa pagdaan ng panahon. Buti na lang ang halaga ng ilang investments tulad ng stocks, mutual funds, real estate, gold, at iba pang assets ay lumalaki rin kasama ng inflation. Mag-iiba rin naman ang resulta mo, lalo na kapag hindi ka nagresearch at hindi mo alam na inilagay mo pala ang pera mo sa masasamang investments.
Bukod pa roon, ang ilang assets at investments na may mabababang yield o kita ay NALULUGI at bumababa ang halaga dahil sa inflation. Kahit maayos naman ang performance ng bonds (pwede mong tignan ang datos dito) hindi pa rin maganda ang kita nito tulad ng savings accounts, time deposits, money market funds, cash, atbp. Ang mga iyon ay pwedeng malugi dahil sa inflation sa pagdaan ng panahon. Tumataas ang numero, pero ang purchasing power o dami ng mabibili nito ay bumababa.
Isipin mo ito. Ang P1,000 ay napakalaking halaga noong 1980s at napakarami mong mabibili sa ganoong halaga noon. Sa kasamaang palad, kapag nag-invest ka sa savings account na 0.1% lang ang interes kada taon, ito’y magiging halos P1,040 lang sa taong 2020. Lumaki nga ang numero, pero wala kang masyadong mabibili sa perang iyon ngayon no?
Gayunpaman, kung gusto mong talunin ang inflation at kumita mula sa iyong investments, ang pinakamabuting pwede mong gawin ay maglagay ng pera sa mga assets tulad ng index funds at blue-chip companies (pwede rin sa real estate kung magaling ka). Kahit mas-volatile sila at mas maraming risk kumpara sa mga “mas-safe” na fixed-income investments (bonds, treasury bills, atbp.), mas mataas ang pagkakataon nilang talunin ang inflation at ikaw ay payamanin ka kaysa pahirapan.
Ang mga low-yield (mababang kita) na investments na hindi mas mataas ang kita kumpara sa inflation ay SIGURADONG TALO.
Mag-iiba pa rin naman ang resultang makakamit mo ayon sa gagawin mo at paglalagyan mo ng pera, kaya ang pinakamainam na pwede mong gawin ngayon ay magbasa, mag-aral, at malamang tataas ang pwede mong kitain. Read more, learn more, and eventually earn more.
Leave a Reply