English Version (Click Here)
Kahit alam mo kung paano gumawa ng layunin, paano magplano, at kung paano maging mas productive sa trabaho, may isa ka pang kailangang tandaan. Kapag ang motivation o layunin mo ay hindi nagpapalakas ng iyong loob para umaksyon, hindi ka magtatagumpay. Uulitin ko: Kapag ang motivation o layunin mo ay hindi ka binibigyan ng lakas ng loob para umaksyon, hindi ka magtatagumpay.
Paano mo naman mahahanap ang motivation na iyon? Basahin mo lang ito dahil baka ito na ang isa sa pinakamahalagang aral na matututunan mo.
Ang Tanong para sa Tagumpay: “What is Your ‘WHY’?”
Kakabili ko lang sa librong Start with Why: How Great Leaders Inspire Everyone to Take Action na isinulat ni Simon Sinek at, kahit hindi ako sumasang-ayon sa lahat ng konseptong itinuturo niya, ang punto ng kanyang libro ay isang bagay na kaya nating lahat gamitin.
Karamihan sa mga negosyo at korporasyon ay gustong makabenta at madalas ginagawa nito gamit ang manipulasyon. Ang ilang halimbawa na alam ko ay mga magagaling na marketing tactics, pekeng “sale”, at marami pang iba. Itinuro din ni Sinek ang ilang halimbawa tulad ng komplikasyon sa mga rebates at iba pa. Hindi lang din naman mga negosyo ang gumagamit ng manipulasyon; ginagawa din ito ng mga indibidwal. Maraming nagpapahaba ng kanilang mga resume gamit mga pekeng achievement at naninira sila ng mga katrabaho para makakuha ng bagong trabaho o promotions.
Marami ang palaging gumagamit ng kasinungalingan at manipulasyon dahil gumagana ito. Ilang beses nga ba tayong naloloko para bumili ng mga bagay na hindi naman natin kailangan dahil may “big sale”? Ang masama dito, ang mga manipulasyon at kasinungalingan ay nangangailangan ng marami pang manipulasyon at kasinungalingan para mapanatili ang kita, at mas-nakakasama ito at nagiging mas-mahirap itong ipagpatuloy sa mahabang panahon (kung ang isang tindahan ay palaging nagsa-Sale, hindi na bibili ang mga tao dito kapag walang sale).
May paraan para makamit ang suporta ng mga tao ng hindi gumagamit ng manipulasyon, at yun ay ang pag-Inspire sa kanila na suportahan ka dahil mabuti ang ginagawa mo.
Kung bakit Nagtatagumpay ang may mga Mabubuting Layunin
Nagbigay si Simon Sinek ng maraming halimbawa ng mga kumpanyang mayroong mabuting layunin sa likod ng kanilang mga gawain, tulad ng Apple na gustong mag “innovate” at “break boundaries” bukod sa pagbebenta lamang ng computers, at Southwest Airlines na ginustong maging mas-accessible ang air travel para sa lahat sa panahong itinuturing luxury lang ito dahil sa matataas na presyo (at matataas na kita ng mga airline companies). Ang pagkakaroon ng mabuting rason ay mas nagiinspire ng suporta ng mga tao. Ito’y naiiba sa mga kumpanyang gusto lang kumita ng pera.
Ito rin ang dahilan kung bakit sinusuportahan ng mga tao ang mga leaders katulad nina Dr. Martin Luther King Jr. na nagcampaign para sa racial equality (kung hindi mo kilala si Dr. Martin Luther King Jr., bayani siya ng mga African-Americans sa U.S.A.). Hindi nila kinailangang magmanipula ng mga tao gamit ang pagsisinungaling sa eleksyon para makakuha ng boto o suporta. Mayroon silang nakakainspire na layunin na mabuting suportahan, at yun ang dahilan kung bakit sila tinulungan ng maraming tao para magtagumpay.
Ang konseptong ito ay hindi lang para sa mga leaders at kumpanya. Ito’y magagamit mo rin!
What is your “WHY”? Ano ang iyong Layunin?
Nagtataka ka ba kung bakit may mga taong nagtatagumpay pa rin kahit napakarami nilang problema at hadlang na hinarap sa buhay? Maraming tao ang nag-iisip na dahil walang kagamitan o oportunidad ang mga mahihirap, ibig sabihin nito sila’y nakatakdang maghirap habang buhay hangga’t magkaroon ng maka-milagrong pagbabago sa “sistema”. Para namang ang isang bagong batas ay gagawin mega-rich billionaire ang lahat, pati mga lasinggero, magnanakaw, at mga taong kontento sa mabababang trabaho ng hindi na nangangailangan ng pagsisikap.
Sayang lang at hindi mangyayari iyon. Pwede mong baguhin ang sistema, pero kung hindi nakakapagbigay ng lakas ng loob o inspirasyon ang mga pagbabagong ginawa mo, kakaunti lang ang makakaisip gumamit nito. Ang pag-asenso ay hindi ipinapamigay lamang. Ito ay PINAGSISIKAPAN.
Ito pa ang isang bagay na dapat pag-isipan. Kung walang pwedeng umasenso sa panahong ito, edi bakit maraming mga mahihirap ang nagtatagumpay pa rin SA HALIP ng mga hadlang na hinaharap nila?
May mga mahihirap na magsasaka na nagawang magpatapos ng kanilang mga anak ng kolehiyo.
May mga street children o batang kalye na nakakakuha ng scholarships sa mga pinakamabubuting paaralan sa bansa (ako mismo ay isang financial aid government scholar dati).
May mahirap na security guard na nakapag-graduate bilang cum laude sa paaralang pinagtratrabahuhan niya.
Napakarami pa ang katulad nila na nagtagumpay sa halip ng mga problema at hadlang na hinarap nila.
Bakit nila nakamit ang mga pangarap nila?
Madalas, ito’y dahil may matatag silang paghahanad para sa pangarap nila. Isang paghahangad na napakalakas, nainspire silang magsikap para lagpasan ang mga hadlang, pagkabigo, at problemang hinarap nila para maghanap o gumawa ng sarili nilang mga opportunidad. Ang aking ina ay dating isang mahirap na probinsyana sa isang malayong baryo. Iniisip ng marami, kasama na ang mga magulang niya dito, na siya’y magiging mahirap at hindi edukadong labandera lamang paglaki niya. Hindi ito ginusto ng aking ina kaya, noong bata pa siya, pinilit niya silang pagpaaralin siya katulad ng kanyang mga kapatid hanggang pumayag sila. Doon, ginawa niya ang lahat ng kanyang makakakaya sa pag-aaral, siya’y palaging nasa top ng kanyang mga klase, at nakakuha siya ng napakabuting career bago siya nag-asawa at nagfocus sa pag-alaga sa kanyang pamilya.
Ano ang kanyang pangarap? What was her “why”? Ayaw lang niyang magdusa ang mga anak niya sa kahirapan katulad ng naranasan niya. Ang pangarap na ito ay nagbigay lakas sa kanya sa halip ng lahat ng problemang naranasan niya sa buhay, at siya’y nagtagumpay.
Itatanong ko naman ito sa iyo:
Bakit ka nagtratrabaho sa iyong career o negosyo?
Bakit ka nanonood ng TV, nagbrobrowse ng internet, nagbabasa ng libro, o nagbabasa ng mga articles katulad nito?
Bakit mo ginagawa ang mga ginagawa mo araw araw?
Ito ba’y dahil gusto mo lang ng libangan pagkatapos ng nakakastress na araw sa trabaho, o dahil may mas-mataas kang layunin? Ginagawa mo ba ang mga gawain mo dahil gusto mo lang mag-enjoy sa buhay? Umasenso? Maging malaya mula sa mga paghihirap na mararanasan mo dahil sa mediocrity o kahirapan? Ito ba’y para maging popular ka? Dahil gusto mong maging proud sa sarili mo pagtanda mo tuwing nagbabalik-tanaw ka sa iyong buhay?
Dahil ba gusto mong mag-iwan ng mabuting legacy? Para sa iyong pamilya? Para sa iyong mga anak at apo?
Itanong mo sa sarili mo ito:
Bakit ka nabubuhay ng ganito? May layunin ka bang napakabuti na maiinspire ka nito para magtagumpay at umasenso?
Leave a Reply