English Version (Click Here)
Sa dati kong naisulat (“The Rich vs Poor Myth: Ang Kayamanan ay hindi Ninanakaw; ito’y PINAGSISIKAPAN”), nasabi ko ang tungkol sa Philippine Poverty Rate na halos 26% na. Marami ang naghihirap, KAHIT HINDI NAMAN DAPAT MAGHIRAP.
Hindi lang din mga pulubi ang naghihirap. Kasama na rin ang mga middle class na naiipit sa “rat race” ng buhay. Tinatawag natin itong “isang kahig, isang tuka” o “living paycheck to paycheck.”
Ano nga ba ang solusyon? Ang isasagot naming mga finance bloggers ay Financial Education. Para sa karamihang walang pera o kasaganaan, ang solusyon ay PAG-ARALAN kung PAANO ito Pagsisikapan.
Pag-aralan kung paano gumawa ng “value” at oportunidad, gaya ng lahat ng mga nagsikap at yumaman (ipinaliwanag ko dito kung bakit).
Napakaraming success at finance books, seminars, government programs, at mga bloggers at manunulat na nagtuturo tungkol sa pagsisikap at pagaasenso… pero iilang lang ang mga gumagamit nito. Maibigay mo man ang PINAKAMAGALING na Wealth at Finance Training sa buong mundo, pwede ka pa ring mabigo sa pagpapasagana ng buhay ng iba.
Bakit?
Dahil marami ang hindi gagamit nito. Hindi nila kaya, o tinatamad silang pag-aralan at gamitin.
Ang Parabula ng Nagtatanim (Matthew 13:3-9 NIV)*
*Isinalin sa Tagalog ng YourWealthyMind.com
3 At nagkuwento siya ng maraming bagay gamit ang mga parabula, isa doon: “Ang isang magsasaka ay lumabas para magtanim ng mga buto.
4 Habang nagkakalat siya ng mga buto, ang ilan ay nalaglag sa daanan at kinain ng mga ibon.
5 Ang iba ay nahulog sa mababatong lugart kung saan kakaunti lang ang lupa. Tumubo ito agad dahil mababaw lang ang lupa, 6 pero noong tumindi ang sinag ng araw nasunog at nalanta ang mga halaman dahil wala silang malalim na ugat.
7 Ang ibang mga buto ay nalaglag sa tabi ng mga matitinik na halaman na, sa pagtubo, ay sumakal at pumatay lang sa mga halaman.
8 Ang iba ring mga buto ay nalaglag at tumubo sa mabuting lupa at namunga ng marami – ang mga bunga ay isandaan, animnapu, o tatlumpung beses na mas-higit pa sa itinanim. 9 Kung sino man ang may tainga, hayaang makinig.”
Ang parabulang iyon ay hindi lamang tungkol sa espirituwal na kaalaman (na ipinaliwanag sa Matthew 13:18-23 NIV), pero sa lahat ng uri nito, pati na ang kaalamang pinansyal.
Ang tamang edukasyon, kaalaman, at karunungan at parang mga buto na tumutubo at namumunga ng mga mabubuting bagay kapag ginamit ng mabuti, pero kakaunti lang ang gumagamit nito.
Apat na Uri ng Lupa, Apat na Uri ng Pagkatao
Ang ibang tao ay parang matigas na lupa sa tabi ng daan kung saan walang tumutubo. Bigyan mo man sila ng financial education at hindi sila makikinig. Hindi man lang nila susubukan. Matigas na ang puso’t isipan nila at hindi nila gustong magbago.
Dahil doon, ang kaalamang magagamit sana nila para makamit ang kanilang mga pangarap at layunin sa buhay at nawawala na lang sa hangin.
Ang iba ay parang mabatong lupa. May kaunti silang mabuting lupa na nagpapatubo ng mga magagandang idea. Natutuwa sila kapag may natutunan silang bago, pero kapag sinubukan nilang gamitin ito at naranasan nila ang mga maliliit na pagtitiis (gaya ng pag-iipon kaysa magwalgas sa mga karangyaan) o mga pagsubok at hadlang (sa pagnegosyo o pag-invest), nawawalan sila ng lakas ng loob at namamatay na lang ang kanilang mga pangarap.
Ang iba naman ay parang lupa na tinutubuan ng masasamang pag-iisip. Nakakahanap nga sila ng mga mabubuting idea, pero nasasakal lang ito ng mga maling pag-iisip. Natutunan nila kung saan makakakuha ng mabuting trabaho, magtayo ng negosyo, at mag-invest pero iniisip nila:
“Hindi namin kaya iyon, ‘mahirap’ lang kami.”
“Masama ang mga mayayaman (kaya hindi kami magpapayaman at aahon sa kahirapan).”
“Ok lang na magdusa kami sa gutom at kahirapan, kami naman ay (nagpapanggap na) masaya sa buhay.”
…at hindi na nila sinubukang magsikap. Ang mga maling pag-iisip at gawain ay hindi namumunga ng mabuti at nagbibigay lamang ito ng pagdurusa.
Mayroong iba naman na parang mabuting lupa. Kapag nakatanggap sila ng mabuting kaalaman at karunungan, mga buto ng kayamanan (“Mula Libro patungong Kayamanan”), aalagaan nila ito at gagamitin para makamit ang mas-mabuti at mas-masaganang kabuhayan kaysa sa kung ano man ang mayroon sila ngayon.
Ang mga iyon ang umaasenso mula sa mabuting edukasyon dahil ginusto nilang pag-aralan at gamitin ang mga natutunan nila. “Kung sino man ang may tainga, hayaang makinig.”
Hindi lang sa Uri ng Lupa
Marami sa mga mahihirap at sa mga middle-class na nagsasawa na sa buhay na “isang kahig, isang tuka” ay nangangarap na umasenso at mabuhay ng masagana. Marami ang may bukas na puso’t isipan gaya ng mabuting lupa… pero wala silang natatanggap na mga buto ng mabuting kaalaman.
Ang mga nakatira sa lansangan at hindi makahanap ng mabubuting libro, internet, o kahit anong uri ng mabuting edukasyon o ang mga masyadong napapagod sa trabaho para makuha ang susunod na sweldo kaya hindi nila magawang ituloy ang paghahanap ng kaalaman ay naiipit sa buhay at nahihirapang makamit ang kanilang mga pangarap.
May PAG-ASA pa
“Maghanap ka at mahahanap mo.” “Kapag handa na ang mag-aaral, lilitaw ang guro.”
Wala na bang pag-asa ang mga taong kagaya ng matigas, mabato, matalahib na lupa at ang mga hindi makahanap ng buto ng kaalaman?
Siyempre hindi! Kapag nakuha nila ang inspirasyon para habulin ang kanilang pangarap, maiisip nila ang mahiwagang tanong:
“PAANO ko makakamit iyon?”
Mula doon, magbubukas ang isipan nila at makakahanap sila ng mga posibilidad: Paraan para kumita pa ng pera, paraan para mag-ipon, o isang aral na magbubukas ng daan patungo sa iba-ibang karunungan at oportunidad.
Ang mga nangangailangan ay makakahanap, makakapag-aral, at makakagamit nito. Mahahanap nila ang daan… kagaya ng pagdating mo dito.
Sa ngayon, isipin mo muna: Sa Apat na Uri ng Lupa…
Alin ka sa apat na iyon ngayon?
Ano ang makakamit mo sa buhay?
Wala bang mangyayari? Masasakal ka lang ba ng mga maling pag-iisip? O mamumunga ka ng husto?
Ikaw ang Pipili.
Ang Iyong Mga Buto
Di gaya ng kawanggawa o pera, kapag nagbigay ka ng kaalaman at idea, ito ay dumadami sa dami ng nakarinig nito. Natutunan mo kung paano ito gamitin, at ang mga tinuruan mo ay makakaalam din nito.
Pwede kang maging magsasaka na nagbabahagi sa iba ng iyong kaalaman.
I-Share mo ito sa Facebook at hayaan mong mahanap ito ng mga naghahanap, at ibahagi mo rin sa amin ang iyong mga kaalaman sa comments dito!
Leave a Reply