English Version (Click Here)
*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
Ang isang mahalagang aral na natutunan ko mula sa napakaraming self-improvement books ay magiging napakahirap umasenso at magtagumpay sa buhay kung hindi natin kayang isipin at asahan na magtatagumpay nga tayo sa mga gusto nating gawin. Sa kasamaang palad, para sa karamihan sa atin, ang ating negatibong pag-iisip ay nakahahadlang sa atin. Sa librong Dynamic Laws of Prosperity ni Catherine Ponder, may bahagi doon na tinatawag na “Your Ten Lucky Steps” o ang iyong sampung maswerteng hakbang, at ang mga iyon ay makakatulong sa iyong makamit ang pagiisip na makakapagbigay ng pag-asenso.
Paguusapan natin ang sarili nating salin ng sampung hakbang dito at pwede mo silang subukan. Oo nga pala, kapag gusto mong basahin ang orihinal na bersyon at ang buong kabanata sa libro, pwede mong bilihin ang libro ni Catherine dito sa link na ito.
Ang Iyong Sampung Maswerteng Hakbang Patungo sa Pag-Asenso (Isang Aral Mula kay Catherine Ponder)
-
Una, mag-isip ka at itanong mo sa sarili mo kung may dahilan ba kung bakit hindi ka dapat yumaman at umasenso.
Itanong mo sa sarili mo kung may rason ba kung bakit dapat ikaw ay magdusa at maging hindi matagumpay kahit gaano ka magsikap o kahit gaano kabuti ang ginagawa mo sa mundo. Kung pinag-isipan mo itong mabuti, wala naman talagang rason kung bakit dapat kang magdusa. Kahit may ilan kang nagawang pagkakamali, dapat rin naman na ikaw ay patawarin, hayaang magpatuloy mabuhay nang mapayapa, at umasenso sa buhay.
Dahil ministro si Catherine Ponder, sinabi niya na dapat itanong mo sa sarili mo ito. May dahilan ba na ang Diyos, na gusto ang pinakamabuti para sa kanyang mga anak at gustong mabuhay tayo nang masagana, ay gugustuhing maghirap ka? Wala dapat.
Gusto ng Diyos na maging masaya tayo, at hindi natin ito dapat tutulan dahil lang pinilit tayo ng ibang mga tao na mag-isip na dapat mababa lang ang makakamit natin o dapat magdusa o maghirap tayo sa kung ano mang maling rason.
-
Isipin mong mabuti ang klase ng pamumuhay na pangarap mo.
Magkano ang gusto mong kitain? Anong klaseng bahay ang pangarap mong tirahan? Ano ang “tagumpay” para sa iyo? Habang paulit-ulit mo itong pinagiisipan, dapat nagiging mas detalyado ang pangarap mo. Itinuro ito ni Jack Canfield sa The Success Principles. Kaysa magpalaboy laboy lang tayo sa buhay, dapat pag-isipan nating mabuti ang tagumpay para sa atin at pagsikapan natin ito. Matatamaan lang natin ang ating target kapag gumawa tayo ng isa nito.
-
Isipin mo ang tagumpay na pangarap mo, hindi ang pangarap ng iba para sa iyo.
Ilang mga bata ang nagiging doktor, abogado, o engineer nang hindi nila gusto dahil lang gusto ito ng mga magulang nila? Ilan sa kanila ang mga nakakapagtapos at nakakakuha ng trabaho pero nabubuhay nang nayayamot, nakatali sa kanilang career, at hindi masaya dahil hindi naman iyon ang TUNAY na pangarap nilang gawin sa buhay? Kailangan mong iwasan ang nakakasakal na sitwasyong iyon at pag-isipan mo ang tunay mong pangarap sa buhay. May paraan naman para maging matagumpay at masaya sa paggawa ng gusto mong gawin, at ang kailangan mo lang gawin ay alamin mo kung PAANO.
-
Huwag mong ikukuwento ang mga pangarap mo sa iba.
Marami ang mahilig mangontra. Sasabihin nila “imposible” o “hindi praktikal” ang pangarap mo dahil nagaalala sila para sa iyo at ayaw nilang masaktan ka ng pagkabigo… pero sa katotohanan ang ginagawa lang nila ay dismayahin ka sa pagsisikap patungo sa iyong mga pangarap. Maaari nga na tama sila, pero gugustuhin mo bang mawala ang pagkakataon mong makamit ang gusto mo? Mayroon ka naman palaging pagkakataon, pero alalahanin mo na gaya ng sinabi ni Michael Jordan, pumapalya ka kaagad sa LAHAT ng bagay na HINDI mo susubukan.
-
Umaksyon ka patungo sa iyong mga pangarap.
Alam natin na ang mga pangarap ay hindi nagkakatotoo sa isang araw lang, pero pwede silang matupad KAPAG unti unti natin silang pinagtrabahuhan. Halimbawa, ang pagkita ng sampung milyon ay pwede simulan sa pagiipon ng isang piso sa bangko, o isang daan, o isang libo at saka patuloy na pagiipon sa pagdaan ng panahon. Pwede rin itong masimulan sa pagplano ng paghingi ng salary increase mula sa iyong boss, pagplano ng paglipat sa mas-mabuting trabaho, pagsusulat ng business plan, o iba pa.
-
Huwag kang mangamba, magalit, o mahinaan ng loob kapag wala kang maramdamang mabilisang pagbabago.
Uulitin ko na madalas hindi nagkakatotoo ang mga pangarap sa isang araw lang. Kapag tayo ay nagagalit o nangangamba kapag hindi natin ito nakakamit agad, magiging mas malala ang sitwasyon natin. Bukod sa pagpapahina ng ating loob at pagpatay sa ating enthusiasm o pagkasigasig sa pagsisikap para sa ating mga layunin at pangarap, pwede rin itong magdulot ng maraming pagkakamali. Isipin mo nga naman, ilan nga ba sa atin ang naloloko ng mga modus o nakakagawa ng masasamang desisyon sa negosyo dahil lang gusto natin ng “easy money” o madaliang pera?
-
Huwag mong pansinin ang negatibong opiniyon ng iba.
Mukhang kapareho lang ito ng ikaapat na hakbang, pero hindi. Hindi natin mapipigilan na habang nagsisikap tayo para sa ating mga layunin at pangarap, may mga taong mambabatikos o magsasalita ng masama tungkol sa atin. Huwag kang magpaapekto sa kanila. Porke’t hindi nila kayang gawin ang pinapangarap mo, hindi nito ibig sabihin na hindi mo rin kaya ito. Ikaw lang ang makakapagsikap ng mga pangarap mong makamit.
To avoid criticism say nothing, do nothing, be nothing.
― Elbert Hubbard
*Kung ayaw mo ng pamimintas, huwag kang magsasalita, huwag kang gumawa ng kahit ano, at maging walang-kwentang tao ka lang.
-
Ang mga pangarap ay nagkakatotoo sa isipan bago sila magkatotoo sa ating mundo.
Sabi ni Henry Ford, kung iniisip mo na kaya mong makamit ang isang bagay o hindi mo kayang makamit ang isang bagay, kahit alin doon ang pinapaniwalaan mo, malamang tama ka. Ang mga pangarap ay magkakatotoo muna sa isipan mo bago ito magkatotoo sa buhay. Isipin mo nga naman, ang bawat obra maestra na painting ay nagsimula muna bilang isang mental picture sa isipan ng artist bago ito mailagay sa canvas, at ito rin ay totoo sa mga pinapangarap na career, negosyo, imbensyon, at marami pang iba.
-
Alalahanin mo na kung kinaya ito ng iba, kakayanin mo rin.
Ang isa pang kabanata sa librong The Success Principles ni Canfield ay nakapangalang “Success Leaves Clues”. Ang tagumpay ay nagiiwan ng bakas. Kung may kailangan kang gawin, malamang may nakagawa na nito. Gusto mong gumaling sa golf? Mag-aral ka mula sa isang propesyonal na golfer. Gusto mong gumaling sa pag-invest sa stocks? Pag-aralan mo ang mga itinuro ng mga propesyonal tulad nina Warren Buffett o ang instructor niya na si Benjamin Graham, ang may-akda ng The Intelligent Investor. Gusto mong gumaling sa paghahawak ng pera? Pag-aralan mo ang mga itinuro ng mga personal finance experts tulad nina Robert Kiyosaki, ang may-akda ng Rich Dad, Poor Dad o si Richard Bach, ang may-akda ng The Automatic Millionaire.
Tulad ng pagsunod sa mga guide sa bundok para marating ang tuktok nito, pwede mong makamit ang mga bagay na katulad ng mga nagawa ng mga eksperto at propesyonal kapag sinundan mo ang itinuturo nila. Ito nga naman ang paraan kung paano tayo nagkakaroon ng mga abugado, doktor, engineers at iba pa. Pinag-aaralan nila ang mga bagay na nadiskubre ng iba.
All riches have their origin in mind. Wealth is in ideas – not money.
— Robert Collier
*Ang lahat ng kayamanan ay nagsimula sa isipan. Ang kayamanan ay nasa mga idea – hindi sa pera.
-
Tandaan mo na ang lahat ng dakilang bagay ay nariyan na sa mundo ng posibilidad.
“It’s always impossible until it’s done”, sabi ni Nelson Mandela, ang anti-apartheid revolutionary na naging presidente ng South Africa noong 1994-1999. Mukha palaging imposible ang isang bagay hanggang may nakagawa na nito. Kung iisipin mo ang pagasenso ang sangkatauhan, mapapansin mo na may malaking katotohanan sa mga salitang iyon. Dati imposibleng lumipad ang mga tao hanggang may nakaimbento ng eroplano, at dati rin imposibleng marating ang buwan hanggang nakapagpadala tayo ng astronauts doon noong 1969.
Ang mga bagay tulad ng pagyaman at tagumpay ay madalas mukhang imposible hanggang makamit natin ang mga ito. Pwede nating palakihin ang ating pagkakataong makamit ito kapag pinag-aralan natin ang mga ginawa ng mga ekspertong nakapagsikap na para dito, pero sa huli tayo pa rin ang bahala sa ating mga aksyong gagawin. Ang eksaktong gawain nila na gumana para sa kanila ay pwedeng hindi natin magamit sa sitwasyon natin, pero kung susundin natin ang prinsipal na direksyon, malamang makakapunta tayo sa nais nating marating.
Dito muna tayo magtatapos sa sampung maswerteng hakbang patungo sa pag-asenso ni Catherine Ponder. Siya nga pala, bakit sa tingin mo tinawag silang “lucky steps”? Sa palagay ko, hindi ito dahil pampaswerte sila. Malamang ito’y dahil pinapataas nila ang pagkakataon mong magtagumpay, tulad ng kung paano ang teamwork at pagpaparami ng iyong pagshoot ng bola ay pwedeng makapagpataas ng iyong pagkakataong manalo sa isang laro ng basketbol.
Kung mapapalaki nila ang pagkakataon nating makamit ang tagumpay, bakit hindi natin sila subukan diba?
Leave a Reply