English Version (Click Here)
Tulad ng pagkuha ng bagong trabaho at pagtayo ng bagong negosyo, may panganib palagi sa pag-invest. Kahit pwede kang kumita ng maraming pera mula sa mga investments na napiling maayos, pwede ka ring magkamali at malugi sa maling napiling masasamang investments. Mas-gusto mo ba ang safety at mas-mababang volatility, o mas gusto mo ang mas-risky at volatile na investments na pwedeng kumita ng mas malaki.
Narito ang maikling guide sa kung paano pumili ng investments ayon sa kakayahan mong sikmurain ang panganib o “risk tolerance”.
Disclaimer: Mag-research ka pa rin! Kahit gaano pa man ka-“safe” o kaganda ang isang investment, wala itong kwenta kapag na-scam ka lang dahil hindi mo sinuring mabuti ang binili mo.
Oo nga pala, kapag hindi mo pa nababasa ang tungkol sa mga basic investments, pwede mong basahin muna ang mga articles na ito:
- Paano Mag-Invest para sa mga Baguhan: Limang Investments na Dapat Mong Alamin
- Ano ang Mutual Funds? (Isang Maikling Guide para sa mga Baguhan)
- Ano ang Magandang Investment Para sa mga Beginners?
Paano Pumili ng Investments Ayon sa Iyong Kakayahang Sikmurain ang Panganib o “Risk Tolerance”
Conservative Investors: Mamaba ang Volatility, Mababa rin ang Kita
Para sa mga baguhan sa investing, ang ibig sabihin ng “volatility” (o “risk”) ay ang bilis ng paggalaw ng presyo ng isang investment. Di tulad ng mga stocks at currencies kung saan ang presyo ay gumagalaw tulad ng isang roller coaster, ang mga investments na ito ay mas-stable. Hindi sila gumagalaw masyado, pero hindi rin sila kumikita ng malaki.
Disclaimer #2: Dahil isa itong article para sa mga baguhan, gagamit tayo ng ordinaryong lenggwahe kaysa sa mas-pormal na investment terms dito. Dahil doon, pwedeng hindi 100% na tumpak ang descriptions dito. And pakay lang dito ay maintindihan mo ang basics.
- Saving Accounts (sa Bangko) – Ito ang mga karaniwang savings accounts sa bangko. Mababa lang ang kikitain mo sa interest dito kaya halos hindi mo ito pwedeng tawaging “investment.” Lalagyan lang ito ng pera.
- Money Market Funds – Ito ay mga funds kung saan ang mga managers ay nagtratrade ng mga short-term na investments. Madalas safe at panatag sila, pero hindi sila kumikita masyado. Mas-malaki naman ang kita nito kumpara sa savings accounts.
- Time Deposits (sa Bangko) – Katulad nito ang mga savings accounts sa bangko, pero mas mataas ng kaunti ang kanilang interest rate. Dahil doon, hindi mo madaling mawiwithdraw ang pera at pwede kang magkaroon ng penalty kapag sinubukan mong bawiin ang pera bago ang maturity date (parang expiration date o deadline sa pagbayad).
- Corporate Bonds – Pag pinag-uusapan ang “bonds”, madalas corporate bonds ang tinutukoy nila. Ang mga kumpanya ay minsan nangangailangan ng pera para sa mga proyekto kaya naglalabas sila ng bonds para makahiram ng pera sa mga tao. Kapag bumili ka ng bond, nagpapahiram ka sa kanila ng pera. Kapag nagmature ang bond, ibabalik nila sa iyo ang pera mo na may karagdagang interes.
- Government Bonds at Treasury Bills – Katulad ng corporate bonds, naglalabas din ng bonds ang gubyerno. May iba-ibang klase tulad ng t-bills, TIPS, municipal bonds, at iba pa. Pag-aralan mo kung ano ang meron sa iyong lugar o bansa.
- Bond Mutual Funds at (Exchange-Traded Funds) ETFs – Ito ay mga mutual funds at ETFs na nagiinvest sa bonds. Hindi sila ganoon ka-volatile tulad ng stock funds, pero hindi rin ganoon kataas ang kita nila.
*Babala: Ang inflation ay pwedeng makabawas sa iyong kita. Isipin mo, ang isang P1,000 investment ay malaking pera noong 1970… pero kung ito’y naging P1,050 lang dahil iniwan mo ito sa isang savings account, edi parang nawalan ka ng pera. Ang P1,050 sa 2018 ay hindi kasing halaga ng ganoong pera noong 1970. Sa madaling salita, kapag masyadong mababa ang kita, edi NALUGI KA dahil sa inflation.
Moderate Investors: Katamtamang Volatility at Kita
- Balanced Mutual Funds at ETFs – Ito ay mga mutual funds at ETFs na nag-iinvest sa mga stocks at bonds (pati iba pang investments) para pababain ang risk o panganib.
- “Blue Chip” Stocks – May iba-ibang klase ng stocks, at ang mga “blue chips” ay ang mga pinakamalalaki at pinakakilalang kumpanya, tulad ng Coca-Cola, Apple, at iba pa. Sa Pilipinas, pwede mong sabihing ang PLDT, Globe, Meralco, at iba pang malalaking kumpanya ay kasama dito. Dahil malaki na sila at matatag na, hindi ganoon kabilis ang paggalaw ng kanilang stock prices tulad ng mas-maliliit na kumpanya. Kahit madalas mas-mataas ang pwede mong kitain sa kanila kumpara sa bonds (lalo na kapag nagbibigay ito ng dibidendo sa mga shareholders), tandaan mo lang na stocks pa rin sila at volatile pa rin ang presyo nila.
- Stock Index Funds at ETFs – Ang mga index funds ay nagiinvest sa napakaraming stocks para gayahin ang isang buong market. Parang inaaverage nila ang stocks sa market na iyon, kaya kahit hindi tumataas ang presyo nila masyado tulad ng mga big winners, hindi rin sila nalulugi ng husto tulad ng mga biggest losers.
Aggressive Investors: Mataas na Volatility pero Mataas ang Pwedeng Kitain
- Stocks/Equities – Ito ay mga bahaging pagmamay-ari sa mga kumpanya. Depende sa kung gaano kaayos ang pagpapatakbo sa kumpanya, ang presyo ng stock nila ay tataas o bababa. Dahil doon, napakavolatile ng presyo ng mga stocks, lalo na sa mga mas-maliliit o mas-bagong kumpanya.
- Stock Mutual Funds at ETFs – Ito ay mga mutual funds na nagiinvest sa mga stocks, at makakaiba sila ayon sa kanilang investment strategy. Ang mga agresibong growth funds ay madalas napakavolatile dahil ang mga money managers ay madalas magtrade ng stocks para subukang palakihin ang kita. Minsan mabuti ang trabahong nagagawa nila, minsan din naman hindi.
- Forex Trading – Ang forex market ay mas-volatile pa kumpara sa stock market, at pwede kang kumita dito mula sa pagbili o pagbenta ng mga currency pairs (hal. “EUR/USD”, “USD/JPY”, “GBP/USD”, atbp.). Kailangan mo ng mabuting istratehiya at disiplina dito kung gusto mong kumita dito. Ang forex market ay parang stock market, pero napakabilis at imbis na pinagmamasdan mo ang galaw ng mga kumpanya, pinagmamasdan mo ang mga pares ng BANSA at ekonomiya.
- “Junk” Bonds – Ito ay mga bonds na mag BB rating o mas mababa pa, at madalas iniissue ito ng mga hindi ganoon kagaling na kumpanya. May panganib na mag-default (hindi magbayad ng utang) sila at malugi ang investment mo kapag nangyari iyon. Mas-mataas ang rates nila kumpara sa mga “maaayos” na bonds, pero mataas din ang panganib. Hindi ito inirerekomenda ng mga investment professionals.
- Cryptocurrencies – Kung narinig mo na ang mga salitang Bitcoin, Etherium, at Dogecoin, iyon ay mga halimbawa ng cryptocurrencies. Tulad ng forex, bumibili (o nagbebenta/”short sell”) ka ng pera, at inaasahan mo na ang perang binili mo ay tataas ang halaga. Isang halimbawa ay kung sa Pilipinas, may ibang bumibili ng dolyar at inaasahang tumaas ang halaga nito kumpara sa piso. Ang mga cryptocurrencies ay ilan sa pinakavolatile na speculative investments, at napakabilis gumalaw ng presyo ng mga ito.
Iba pa:
- Real Estate – Ito ay pag-invest sa lupa at bahay. Pwede kang bumili at magbenta ng lupa, o idevelop ito at gawing paupahan (rental properties). Madalas kakailanganin mo ang maraming pera para dito, at pwede kang mawalan ng malaking pera kapag hindi mo alam ang ginagawa mo.
- Commodities at Precious Metals – Pwede kang mag-invest sa mga resources tulad ng oil o langis, lumber o kahoy, cotton, at iba pa. Kasama rin dito ang ilang mga precious metals o mahahalagang metal tulad ng ginto at pilak. Mag-ingat ka nga pala sa mga scams tulad ng Emgoldex dati sa Pilipinas.
- Options – Ito ay parang mga kontrata na pwede mong gamitin para bumili o magbenta ng mga bagay (hal. stock options) bago ang isang nakatakdang panahon. Isipin mo na parang nagbayad ka para sa isang reservation, at kapag gumalaw ayon sa gusto mo ang presyo, pwede mong bilhin o ibenta ang investment ayon sa nakareserbang presyo at itrade uli ito para kumita. Halimbawa, bumili ka ng option para makabili ng 100 shares sa halagang P100 isa tapos tumaas ang presyo at naging P200. Gagamitin mo ang option para bilhin ang stocks sa presyong P100 at saka mo ibenta sa iba sa halagang P200. Kung hindi naman gumalaw ayon sa gusto mo ang presyo, hayaan mo lang mag-expire ang option para hindi ka malugi.
- Futures – Ito ay mga kontrata katulad ng options, pero required kang kumpletuhin ang kontrata. Dahil doon, mapanganib ito. Kapag hindi gumalaw ayon sa gusto mo ang presyo, pwede kang mawalan ng malaking pera.
- Antiques at Collectibles – Ang pagbili ng antiques at pambihirang bagay (hal. bihirang comic books at trading cards) para ibenta sa iba sa mas-mataas na halaga ay isang investing strategy. Kailangan maingat ka ng husto dito dahil maraming peke at scams, at dapat marami kang alam tungkol sa market mo. Marami ka rin dapat na kakilalang collectors na bibili ng mga nakolekta mo sa mas-malaking halaga.
- “Penny” Stocks – Ito ay mga stocks ng pinakamaliliit at pinakadelikadong kumpanya sa stock market. Hindi ito inirerekomenda para sa mga baguhan.
Dito na muna tayo magtatapos. Ayun ang mga pinakapopular na investments na mahahanap mo, pero marami din namang iba pa na hindi namin nabanggit dito. Hindi lang stocks, bonds, at mutual funds (at mga bagay na nakalista dito) ang pwede mong pagpuhunan bilang investments, kaya maghanap ka ng panahon para pag-aralan sila!
Tandaan, kapag mas-marami kang natutunan, mas-marami kang pwedeng kitain, at ang isa sa pinakamabuting investment na pwede mong gawin ay ang pagpuhunan ang iyong sarili at paramihin ang iyong kaalaman!
Leave a Reply