*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
English Version (Click Here)
Pwede mong matutunan ang halos lahat ng kailangan mo mula sa internet dahil sa mga blogs, videos, at marami pang iba. Sayang nga lang at kailangang maiksi ang mga blog posts kaya madalas hindi nila mabibigay ang detalyadong impormasyon tungkol sa mga bagay na gusto mong matutunan. Sa kabilang dako naman, ang mga libro ay kayang magbigay ng mas-marami at mas-kumpletong ng impormasyon dahil sa haba nila kumpara sa mga blog articles at videos.
Bago ako nagsimulang magsulat sa blog, halos dalawang taon din akong nagsulat at nagrewrite ng isang success at personal finance book. Ganoon katagal bago ako nakagawa ng maayos na manuscript, at naramdaman kong matagal na panahon pa ang kailangan bago ko ito maipublish. Doon ko naisip magsimulang magsulat ng blog: gusto kong makatulong sa iba agad gamit ang pagsusulat ng nakakatulong na impormasyon! Halos dalawang taon din ang inabot ko bago ko naipagpatuloy ang aking libro, at sa wakas eto na ang resulta:
(Puntahan mo ang libro ko gamit ang image link na ito!)
Siya nga pala, heto ang tatlong mahalagang aral na matututunan mo doon.
1. Kaya mong magtagumpay.
Heto ang isang medyo obvious na idea: maraming nabibigo sa buhay dahil hindi nila naisip na pwede silang magtagumpay. Medyo nakakatawa nga itong isipin, pero pagtuonan mo ito ng pansin. Naisip mo bang magtagumpay sa pagbubuo ng real estate business? Paano naman ang pagtatayo ng isang mutual fund company? Bumalik sa university para sa post-graduate studies upang makapasok sa isang career na mas-mataas ang sweldo? Kung sa isip mo kaya mong magawa ang mga iyon, malamang gagawin mo sila. Kapag sinubukan mo, kahit may pagkakataong mabigo ka, meron ding pagkakataon na MAGTAGUMPAY KA. Kung hindi mo naman ginawa, edi walang mangyayari (mananatili ka sa pagkabigo).
Ginamit ko ang mga unang chapters/kabanata ng libro tungkol sa self-improvement dahil sa rasong ito: kailangang matutunan ng lahat na ang tagumpay ay hindi lang para sa iilang maswerte. Ito’y PARA SA LAHAT. Kailangan mo lang alalahanin ang ilang bagay. Ang una ay pare-pareho lang tayong lahat. Mula sa janitor na naglilinis sa kubeta, hanggang sa bilyonaryong CEO, at hanggang sa mga pulubing nanlilimos sa daan at mga holdaper sa eskinita, pare-pareho tayong mga tao. Ang pagkakaiba lang ay ang iba sa atin ay NATUTUNAN kung paano magsikap yumaman at matagumpay sa buhay… at ang iba hindi. Sa ngayon, hindi PA.
Alalahanin mo ang itinuro ng kaibigan ni T. Harv Eker: “If you’re not as successful as you want, it means there’s something you don’t know.” (Kung hindi ka pa kasing-tagumpay katulad ng pinapangarap mo, ibig sabihin nito may hindi ka pa natututunan.) Ano nga ba ang kailangan mong pag-aralan para umasenso? Paano magsuot ng mabuting damit at paano kumausap ng maayos sa mga employers? Paano maghanap ng mas-mabuting career? Paano gumawa ng business plan at magapply para sa isang loan? Paano magtayo at magpatakbo ng negosyo? Paano palakihin ang iyong negosyo ng sampung beses sa susunod na tatlong taon? Ano man ang kailangan mo, kaya mo itong matutunan. Bakit hindi mo simulan ngayon?
2. Ang pag-iisip mo ay magiging basehan ng iyong realidad.
Sabi, ang pinag-iisipan mo ay magiging gawain mo, makakasanayan mo ang mga ginagawa mo, at ang mga nakasanayan mong gawin ang basehan ng iyong kapalaran. Ang quote na iyon ay maraming variations dahil ito ay isa sa pinakamahalagang alituntunin sa buhay. Ano man ang pinagiisipan natin ay makakaapekto sa ating mga desisyon at gawain, at ano man ang gawin natin ay makakapekto sa ating kinabukasan. Kung ang pinagiisipan mo ay hindi makatutulong sa iyong makamit ang kayamanan at tagumpay sa buhay (hal. iniisip mo na nakakatamad gawin ang mga mahahalagang bagay sa buhay at pinili mong sayangin ang iyong pera’t oras sa aliwan), malamang makukuha mo ang kapalarang puno ng pagkabigo at pagsisisi. Sa kabilang dako naman, kung ang pag-iisip mo ay tungkol sa iyong kinabukasan at nagiisip at nagplaplano ka tungkol sa tagumpay at kasaganaan, malamang gagalaw ka sa paraang makatutulong sa iyong makamit ang mga iyon. Kapag sila’y pinagsikapan mo, malamang sila ang makakamit mo.
3. Matagal makamit ang kayamanan… pero SULIT ITO.
Sabi ni Jack Canfield, ang isang realidad ng buhay ay ang malalaking pag-asenso ay nangangailangan ng mahabang panahon; hindi ito nagaganap ng biglaan. Maraming nagsasayang ng oras at pera sa pagsusugal at pagtataya sa lotto dahil gusto nila ng biglaang pagyaman, at dahil dito sila’y nagiging biguan. Sinasayang nila ang oras nila sa pagtataya sa pekeng pag-asa kahit pwede naman nilang gamitin ang pera’t panahon nila upang pagsikapan ang pag-asenso at kasaganaan sa buhay gamit ang sarili nilang kakayahan.
Halos lahat ng tagumpay, kahit ang mga “biglaang” tagumpay, ay nangailangan ng ilang taong pagpupunyagi at pagaaral bago sila naganap. Ang mga band member ay nangailangan ng ilang taong pagpractice bago sila nakagawa ng “smash hit” na mga kanta, ang mga CEO at founders ng mga kumpanya ay nangailangan ng ilang taon ng pagpupunyagi at pag-aaral bago nila nalikha ang kanilang mga produkto at negosyo, at kahit ang mga biglaang “dot-com” millionaires ay nangailangan ng ilang taong pag-aaral ng programming bago nila nalikha ang kanilang mga unang programs/produkto.
Huwag mong kalilimutan na kailangan mo muna ng panggatong bago ka makagawa ng apoy, at bago mo makamit ang tagumpay kailangan mo munang pagsikapan ito. Iyon ay isang aral na idiniin ko sa huling bahagi ng aking libro, at ito’y itinuro ko sa paraang maghahanda sa iyo para dito at magbibigay sa iyo ng lakas ng loob para simulan ang iyong pag-asenso.
Iyon ang tatlo lamang sa pinakamahahalagang aral na itinuro ko sa aking libro, at marami pang laman ito. I-click mo lang ang image link sa ibaba at pwede mo itong bilihin sa Amazon!
Leave a Reply