English Version (Click Here)
*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
Huwag kang titigil sa pag-alam ng mga bagong bagay at huwag kang titigil sa pagpapabuti ng iyong sarili. Habang mabuting balikan ang mga nabasang libro upang maalala ang mga bagay na dati mong nakalimutan, mahalaga pa ring pag-aralan mo ang mga bagong kaalaman. Narito ang iilan kong mga paboritong libro sa mga bago kong nabasa, at malamang may makukuha kang mabubuting kaalaman mula sa mga ito.
Tignan mo lang ang mga inirerekomenda ko dito!
Limang Mabubuting Libro na Dapat Mong Basahin Ngayong Taon
Investing 101: From Stocks and Bonds to ETFs and IPOs, an Essential Primer on Building a Profitable Portfolio (Adams 101) ni Michele Cagan
Sabi ni Warrenn Buffet, “risk comes from not knowing what you’re doing.” Lubos na mapanganib kapag hindi mo alam ang ginagawa mo. Ang isa sa pinakamahalagang tuntunin tungkol sa investing ay kailangan alamin mo kung ano ang pinaglalagyan mo ng pera na pinaghirapan mo. Hindi nga ituturo ng librong ito kung paano magbasa ng mga komplikadong charts o financial reports, pero ituturo nito ang basic economics at mga pangunahing impormasyon tungkol sa pinakakilalang investment vehicles o investments tulad ng stocks, bonds, mutual funds, treasury bills, currencies, properties, at iba pa.
Bago mo pa man isiping ilagay ang pera mo sa kahit anong investment, basahin mo muna ito para maintindihan mo kung ano talaga sila. Ang kaunting kaalaman ay madalas makakapigil sa malalaking pagkalugi.
What They Don’t Teach You at Harvard Business School ni Mark H. McCormack
Pwede mo nga namang pag-aralan ang lahat ng business at economic theories na gusto mo, pero wala pa ring tatalo sa tunay na experience o karanasan. Habang hindi nga naman mabuting pamalit ang pagbabasa ng librong ito, marami ka pa ring makukuha mula sa business lessons na natutunan ng mga eksperto tulad nina Mark McCormack mula sa kanilang karanasan sa buhay.
Ang mga mahahalagang aral tulad ng kung paano alamin ang pagkatao ng iba, paggawa at pagpapatuloy ng mabuting reputasyon, pagpapabuti ng iyong kakayahan sa mga negosasyon, pagiging mas epektibo sa trabaho, at marami pang iba ay pwede mong matutunan dito. Kung gusto mo ng maayos na simula o gusto mong dagdagan ang iyong kasalukuyang kakayahan at kaalaman, mabuting basahin mo ang librong ito ni McCormack at tignan mo ang mga bagay na matututunan mo.
Made to Stick: Why Some Ideas Survive and Others Die nina Chip Heath at Dan Heath
Narinig mo na ba ang kwento tungkol sa mga taong nakainom ng pampatulog sa mga bar, nagising sa isang bathtub na puno ng yelo, at nalaman nilang ninakawan sila ng kidney (bato)? Paano naman yung kwento tungkol sa mga kriminal na nagbibigay ng halloween candy na puno ng droga at matatalas na labaha o razor blades?
Buti na lang, hindi talaga nangyari ang mga kuwentong iyon. Bakit nga ba sila kumalat bilang urban legends at bakit sila nananatili sa isipan ng mga tao? Ipapakita ng librong ito kung bakit, at ituturo din nito kung paano mo pwedeng gawing kaalaala ang iyong mga mensahe at idea.
Hindi ko sinasabing gagawa ka ng bagong urban legends, pero matututunan mo ang ilang idea kung paano mo pwedeng isulat ang iyong resume, business product description, o email sa paraang maaalala ito ng iyong susunod na employer o customer. Kung hindi mo pagaaralan ang mga idea dito, malamang ang mga mensahe mo ay ibabasura lang ng mga tao at ang mga pinakamabubuti mong idea ay mananatili lamang sa kawalan at pagkalimot.
Dollars and Sense: How We Misthink Money and How to Spend Smarter nina Dan Ariely at Jeff Kreisler
Narinig na natin ang mga pangunahing payo tungkol sa paghahawak ng pera tulad ng “pay yourself first”, “gumawa ng budget”, “unahin ang mga pangangailangan at hindi ang mga gusto lang”. Ang librong ito ay HINDI tungkol sa mga iyon. Ito ay tungkol sa mga pangunahing psychological na dahilan kung bakit tayo nagsasayang ng pera at kung bakit tayo gumagawa ng mga walang kwentang desisyon tungkol sa pera.
Bakit nga ba natin sinasayang ang pera natin sa mga bagay na hindi naman natin kailangan kung pwede naman natin itong iinvest para sa kinabukasan natin at ng mga anak natin? Bakit hindi natin pinagiisipan ang mas-mabubuting paraan para gamitin ang ating pera (at nagsisisi tayo sa mga walang kwentang bagay na nabili pagkatapos nating magbayad)? Bakit tayo madalas nababaon sa utang kapag gumagamit tayo ng credit? Malalaman natin ang sagot sa mga tanong na iyon at marami pang iba sa librong ito.
Sa pag-alam natin sa mga aral na iyon, malalaman din natin ang ilang mga istratehiya kung paano natin mapipigilan ang ating pagaaksaya ng pera. Dahil doon mas bubuti ang pagkakataon nating umasenso, lalo na tungkol sa pera.
Don’t Sweat the Small Stuff and It’s All Small Stuff: Simple Ways to Keep the Little Things from Taking Over Your Life ni Richard Carlson
Alam mo ang kasabihang “don’t judge a book by its cover” (huwag mong huhusgahan ang isang libro ayon sa balat nito)? Sa ilang taon hinusgahan ko ang pamagat nitong libro at inisip ko isa nanaman itong ordinaryong self-help book. Matapos ko itong basahin, kahit ordinaryo nga naman talaga ang mga aral dito, mahalaga pa rin ang nilalaman nito.
Habang ang karamihan sa mga self-help at self-improvement books na nabasa ko ay tungkol sa mga aral tulad ng kung paano mo papalakasin ang iyong tiwala sa sarili (confidence), paano gumawa ng goals o layunin, at paano maging overachiever o mas matagumpay sa buhay, ito naman ay tungkol sa mga simpleng bagay tulad ng kung paano magtanggal ng stress, paano pangasiwaan ang mga nakakainis na tao, paano mahanap ang kasiyahan sa sitwasyon mo ngayon, at marami pang iba.
Kung sa tingin mo mukhang maganda ang mga aral na iyon, basahin mo lang ang classic na librong ito. Ang pag-alam at paggamit sa iilang payo dito ay malamang makakabawas sa napakaraming stress, galit, at sakit sa ulo sa matagal na panahon.
Dito na muna tayo magtatapos. Baka magdagdag pa ako ng iba pang libro sa listahang ito sa pagdaan ng panahon, pero malamang gagawa na lang ako ng bagong article sa mga iba pang librong irerekomenda ko. Gayunpaman, kung gusto mong malaman ang iba pang librong nagustuhan kong basahin, iclick mo lang ang mga links ng mga libro sa itaas!
Leave a Reply