English Version (Click Here)
Matapos pag-aralan at sundan ang mga tuntunin ng napakaraming personal finance at investment books gaya ng “The Millionaire Next Door,” “The Motley Fool Million Dollar Portfolio,” “The Bogleheads’ Guide to Investing,” at iba pa, may iilang tuntuning paulit-ulit na lumilitaw dahil sa halaga nila. Kung ikaw ay baguhan pa lamang, ito ang sampung tuntunin na kailangan mong malaman tungkol sa kung paano mag invest sa stocks:
1. Mag-Aral Muna
Sabi ni Warren Buffett, ang isa sa pinakamayamang bilyonaryo ngayong 21st century, ang “risk o panganib ay nagmumula sa kamangmangan.” Libro man, seminar, blog articles, o kahit ano pa, kailangan pag-aralan mong mabuti ang mga investment guides bago ka magsimula. Kung hindi, malamang mawawala ang pera mo sa mga “investments” na nalulugi, at madali ka ring maloloko ng iba.
Sabi nga ni Jim Rohn, “Ang pormal na edukasyon ay magbibigay sa iyo ng pangkabuhayan; ang sarili pag-aaral o self-education ang magpapayaman sa iyo.” Kapag nag-aral ka ng kusa mo, malamang matututunan mo ang mga susunod na tuntunin (at marami ka pang ibang mas-mahalaga at mas-advanced na lessons na matututunan).
2. Magsimula ka sa Mabuting Paghawak ng Pera
Ito ang madalas na panimulang kabanata ng mga investment books at tema ng maraming finance books (gaya ng “The Millionaire Next Door”): Bago ka magsimulang mag-invest, kailangan mo munang matutunang maghawak ng pera. Halos imposibleng magpayaman kapag palagi mong inaabuso ang credit cards mo, palagi kang nangungutang, at patuloy mong inuubos ang sweldo mo. Magsimula ka sa isang budget o savings plan (pwede kang magsimula sa mas-maliit na pursyento) at pag-aralan mong kontrolin ang paggastos mo hanggang makasanayan mo ito.
3. WALANG Garantisado
Isa itong aral na kailangan mong palaging alalahanin: Walang GARANTISADONG Kita. Huwag mong pansinin ang mga “approximate” returns dahil madalas yun yung “best case scenario,” at iwasan mo ang mga broker na nangangako ng matataas na kita dahil madalas isa itong scam.
4. Ang Past Performance ng isang Mutual Fund ay hindi nakaaapekto sa Future Performance
“Ang ate ko nag-invest ng P50,000 sa mutual fund na ito tapos six months lang mayroon na siyang P70,000!” Ang mga experienced investors ay lumalayo sa mga kuwentong ganoon. Ang kaibigan ko ininvest ng lahat ng ipon niya sa mutual fund na iyon at lumaki ito ng 10 to 20% sa susunod na ilang buwan. Dahil natuwa siya sa kita, nag-invest pa siya ng ilang libo… hanggang sa susunod na mga buwang nakalipas, BUMAGSAK ang price ng fund. Ang investment ng kaibigan ko ay NALUGI ng halos 30% sa loob lamang ng tatlong buwan (kawawa naman yung “best performing fund”).
Hindi mo mahuhulaan ang future performance ng isang fund kung ang pagbabasehan mo lamang ay ang past performance nito. Sabi ng research, ang ilang top performers ay nagiging worst performers pagdaan ng panahon. Pakinggan mo ang sinasabi ng mga experto:
Jack Brennan, Vanguard CEO: “Fund rankings are meaningless when based on past performance, as most are.” (Walang kwenta ang mga fund rankings na nakabase sa past performance, at marami ang ganito.)
Jason Zweig: “Buying funds based purely on their past performance is one of the stupidest things an investor can do.” (Ang pagbili ng funds dahil sa kanilang nakaraang records ay isa sa pinakamasamang pwedeng gawin ng isang investor.)
Jack Bogle: “There is simply no way under the sun to forecast a fund’s future based on its past record.” (Walang posibleng paraan kung paano mo malalaman ang kinabukasan ng isang fund kung ang pagbabasehan mo ay ang nakaraang performance nito.)
(Source: Larimore, Taylor, Mel Lindauer, Michael LeBoeuf, and John C. Bogle. “Performance Chasing and Market Timing Are Hazardous to Your Wealth.” The Bogleheads’ Guide to Investing. Hoboken (N.J.): J. Wiley, 2006. 153-67. Print.)
5. I-Invest mo ang perang hindi mo kailangan
Inuulit ko na walang garantisado sa buhay. Kahit ang pinakamabuting investment ay pwede pa ring pumalya (dahil sa lindol, pagnanakaw, pagbabago ng markets, atbp.). Huwag mong i-invest ang perang kailangan mo para makakain, makapagbayad ng tubig at kuryente, at pambayad sa edukasyon ng mga anak mo para lamang makapag-invest. Gamitin mo na lang ang perang sinayang mo sana sa mga pasarap sa buhay, gaya ng mamahaling gadgets at brand name na kape. Pag-aralan mo nga muna ang tamang paghawak ng pera.
6. Stocks, huwag Bonds
Kontra sa kaalaman ng karamihan, mas-Safe at mas-profitable ang Stocks kaysa sa Bonds sa mahabang panahon. Kung gusto mong makita ang mga graphs at research, basahin mo ang “The Single Best Investment: Creating Wealth with Dividend Growth” ni Lowell Miller at “The Ten Roads to Riches: The Ways the Wealthy Got There (And How You Can Too!)” nina Kenneth L. Fisher and Lara Hoffmans.
7. Mag-invest ng pangmatagalan
Ang ilang pinakamagaling na investors sa mundo gaya nina Warren Bufett ay nagpapayo na kailangan mong pumili ng pinakamabubuting kumpanya at mag-invest ka sa mga ito ng pangmatagalan (dalawampung taon o higit pa). Ang presyo ng mga stock ay palaging nagbabago araw-araw depende sa emosyon ng karamihan, pero sa pagdaan ng panahon, ang mga mabubuting kumpanya ay nananalo kaya piliin mo sila ng mabuti. Alalahanin mo ang sinabi ni Benjamin Graham: “Sa madaling panahon, botohan ang stock market, pero sa mahabang panahon, ito ay timbangan.”
8. Mag-Diversify: Mag-invest sa maraming Kumpanya at Industriya
Narinig mo na ba ang kasabihang “don’t put all your eggs in one basket?” (huwag mong ipunin ang lahat ng itlog mo sa isang bayong). Huwag kang mag-invest sa kaunting kumpanya lamang; kailangan mong mag-invest sa napakarami. Halimbawa, kapag nag-invest ka sa iisang kumpanya lamang at ito’y pagawaan ng computer parts tapos maraming ibang kumpanya na naka-imbento ng mas-magagandang produkto, malulugi ang mga stock shares mo (basahin mo ang “The Innovator’s Dilemma” para malaman mo kung paano nakakasira ng ilang kumpanya ang mga bagong innovations). Ang isa pang halimbawa ay kapag nag-invest ka sa maraming kumpanya… pero lahat sila’y nasa real estate development industry. Kapag bumagsak ang real estate market, malulugi ka ng husto.
Mag-diversify ka sa mga investments mo at pumili ka ng mga mabubuting kumpanya sa iba-ibang industriya. Sabi ni Lowell Miller, ang may-akda ng “The Single Best Investment,” kailangan mo ng mga 20 o 30 na iba-ibang kumpanya sa iyong portfolio. Kung kaya mo rin, huwag kang sa equities lang mag-invest (stocks, atbp.) kundi pati na rin sa ibang asset classes (gaya ng real estate kapag napag-aralan mo silang mabuti).
9. Piliin mo ang Index Funds
Kung gusto mo ng mas-madali at hindi ganoon ka-volatile na investment (kung ikukumpara sa pag-research at pagpili ng individual stocks), ito ang payo ni John Bogle, ang dating CEO ng Vanguard group at ang nagtayo ng unang Index Fund (Vanguard 500). Di gaya ng ibang mutual fund na nagtratrade/nagsusugal sa mga kumpanya para palakihin ang kita, ang mga Index Fund ay gumagaya lamang o nag-eemulate ng market (kaya may diversification rin ito). Hindi nga ito madalas makakasama sa “top 10,” hindi rin ito makakasama sa “10 worst” (tandaan, ang past performance ay hindi makaaapekto sa future performance). Bukod pa roon, ang mga Index Funds ay may lower management costs kung ikukumpara sa ibang funds na malaki ang kinukuha sa investments mo pagdaan ng panahon, kumita ka man o hindi.
10. Kontrolin mo ang Emosyon mo
Ang isa sa pinakamasamang pwede mong gawin ay hayaan mong kontrolin ng emosyon mo ang investment decisions mo (o kahit ano pa mang financial decision). Kapag masyado kang nawiwili sa isang nauusong stock, baka bilhin mo ito kung kailan ito overpriced at malugi ka kapag bumaba sa normal ang presyo nito. Kapag masyado ka ring natuwa sa kaunting profit, baka magbenta ka ng maaga at hindi mo makuha ang mas-malaki pa nitong kita. Kapag natakot ka naman sa pagbaba ng market, baka ibenta mo ang stocks mo sa mabubuting kumpanya at wala kang magawa kapag tumaas na muli ang presyo nito. Pag-aralan at piliing mabuti ang mga mabubuting kumpanya at mag-invest ka sa mga ito habang mabuti ang negosyo nila, kahit ano pa man ang gawin ng market sa presyo ng stock nila.
Balik-aral:
- Mag-Aral Muna
- Magsimula ka sa Mabuting Paghawak ng Pera
- WALANG Garantisado
- Ang Past Performance ng isang Mutual Fund ay hindi nakaaapekto sa Future Performance
- I-Invest mo ang perang hindi mo kailangan
- Stocks, huwag Bonds
- Mag-invest ng pangmatagalan
- Mag-Diversify: Mag-invest sa maraming Kumpanya at Industriya
- Piliin mo ang Index Funds
- Kontrolin mo ang Emosyon mo
Ito’y sampung beginner-level investor tips na natutunan ko mula sa kasulatan ng mga experto. Marami pang ibang kailangang pag-aralan (gaya ng “money cost averaging, atbp.), pero hindi ko muna sila ikukuwento sa ngayon.
Kung gusto mong mag-aral pa, pwede mong tignan itong mga rekomendasyon ko sa mga Amazon Links sa ibaba:
(English-only ang mga librong ito.)
Siya nga pala, may guide ako sa pagpili ng mga mabubuting libro dito: “Paano Pumili ng Pinakamabuting Libro: Guide Para sa naghahanap ng Self-Improvement at Non-Fiction”
Leave a Reply