English Version (Click Here)
Noong nakaraang buwan, nagkita kami ng mga kaibigan ko sa isang mall para manood ng isang bagong spy movie. Doon, nilason ng supervillain o kontrabida ang ilang milyong tao upang palakihin ang illegal niyang negosyo. Doon din mayroong politikong hinayaang mamatay ang ilang milyong tao dahil magiging mas popular siya mula dito.
Sa dulo ng movie, nakarma sila. Ang kontrabida/supervillain ay namatay dahil sa sarili niyang lason at ang korupt na politiko ay nakaposas at ikukulong dahil sa kanyang krimen. Kung nanood ka ng maraming action movies, mapapansin mo na madalas mangyari ang ganoon. Ang mga kontrabida ay napaparusahan at ang mga bida ay ginagantimpalaan. Nakukuha ng mga tao ang nararapat sa kanila. Ayun ang law of karma o ibig sabihin ng nakarma.
Kahit ang kahulugan ng karma ay nagmumula sa salita ng Sanskrit para sa “action” o “gawa”, ito’y tinatawag din sa espiritwal na tuntunin ng cause and effect (sanhi at epekto o bunga). Ang lahat ng ginagawa natin (at HINDI ginagawa o kinakaligtaang gawin) ay nakaaapekto sa ating buhay. Ang mabubuting gawain ay nagdudulot ng mabuting resulta, ang kasamaan ay nagdudulot ng masasamang resulta. Kahit “obvious” ito, madalas nating nakakalimutan kung paano nito naaapektohan ang mga gawain natin at ang ating kapabayaan ay nagdudulot ng ating mga problema at kabiguan.
Ngayon, paano natin magagamit ang karma para umasenso? Basahin mo lang ito.
Paano Gamitin ang Karma para Umasenso
1. Relationships
Isang araw, may isang matandang babaeng pumasok sa isang department store dahil malakas ang bagyo sa labas. Habang hindi siya pinansin ng karamihan sa sales staff, may isang mabait na salesman na nagbigay sa kanya ng upuan at, pagkatapos ng ilang sandali, tumulong din sa kanyang kumuha ng taxi. Sa susunod na araw, si Andrew Carnegie, ang isa sa pinakamayamang tao sa America noon ay tumawag sa store at nagpabili ng mga kasangkapan sa bahay para sa kanyang palasyo sa Scotland. Ang matandang babae pala noong isang araw ay kanyang ina. Ipinatawag niya ang salesman na tumulong sa kanyang ina at sinigurado niyang ang mabait na salesman ay nakatanggap ng lahat ng komisyon sa sales na iyon.
Ito ang isa sa pinakamadalas na paraan kung saan natin napapansin ang karma sa ating buhay. Kapag mabait tayo sa iba at magiging mabait din sila sa atin. Kapag bastos o masungit tayo sa lahat ng nakakakilala natin, huwag tayong magtaka kung ganoon din ang pagtrato nila sa atin. Habang hindi ka agad gagantimpalaan sa bawat mabuting gawain, dahil sa laws of probability malamang makakatanggap ka rin ng kabutihan sa pagdaan ng panahon.
Tandaan mo lang din na hindi ito gagana sa “pagtulong” sa mga abusado, tulad ng mga nangungutang ng pera at hindi nagbabayad. Gumagawa ka ng mali dahil sa pagsuporta sa kanilang mga bisyo (nagwawalgas ng pera), at ang matatanggap mo lang dito ay kasamaan (patuloy silang manghihingi sa iyo).
Hindi ka rin makakatanggap ng mabuting karma kapag tumutulong ka dahil may gusto kang ipagawa o makuha. Nangmamanipula ka lamang. May mga kakilala kang naaalala ka lang kapag may kailangan sila sa iyo. Mga taong ngumingiti at nambobola lang dahil may gusto silang ipagawa. Malamang iniiwasan mo lang sila at mas gusto mo silang tanggihan dahil sa gawain nilang iyon. Tumulong ka sa iba dahil ito ang tamang gawain. Iyon ang isang paraan para magustuhan ka ng mga tao.
2. Health / Kalusugan
Literal na tama ang kasabihang “You are what you eat.” Kanin, noodles, karne, gulay, herbs, keso, asukal, o kahit ano pa, ang lahat ng iyon kinakain at iniinom kapag ito’y nadigest at naabsorb na ng katawan mo ang nutrisyon, ito’y nagiging parte ng mga bagong cells ng iyong katawan. Dugo, muscle, balat, at lahat na pati na rin ang iyong UTAK.
Ngayon isipin mo lang na gumagawa ka ng sarili mong kotse. Sasakyan mo ba ang kotseng ginawa mo mula sa kinakalawang at basurang parte at mumurahing plastik, o yung ginawa mo mula sa dekalidad na bakal, glass, at iba pang materyales? Kung ayaw mong sumakay sa kotseng gawa sa basura, bakit mo gugustuhing maging gawa sa basura ang iyong katawan?
Sabi ko nga, ang karma ay nakaaapekto sa LAHAT ng ginagawa mo, tulad ng iyong mga kinakain at iniinom. Kumain ka ng healthy o masustansyang pagkain tulad ng karne, gulay, at herbs ng maayos at magiging malusog ka. Kumain ka ng sobra sobrang sitsirya at unhealthy na pagkain at aanihin mo ang mga sakit tulad ng diabetes, sakit sa puso, at iba pa. Magexercise para lumakas ang katawan. Maging tamad ka at hihina lang ang katawan mo dahil hindi mo ginagamit.
3. Finances o Pera
Ang iyong kinikita ay nagmumula sa kalidad at halaga ng trabahong ginagawa mo. Ito ang dahilan kung bakit ang mga nagwawalis sa kalsada ay hindi nakatatanggap ng sweldong kasing laki ng natatanggap ng mga pinakamagagaling na surgeon o doktor, at kung bakit ang karaniwang empleyado ay hindi napropromote katulad ng empleyadong masipag.
Ang isang tuntuning itinuro ni Napoleon Hill ay tinatawag na “going the extra mile.” Kung gumagawa ka ng mas marami at mas mabuting trabaho kaysa sa bayad na natatanggap mo, ikaw ay makakatanggap ng bayad na higit na mas malaki sa iyong gawain (isipin mo na lang kung gaano karaming trabaho ang ginagawa ng mga entrepreneur bago umasenso ang kanilang mga startup na negosyo). Habang iniisip natin na iba ang ating mga employer, sinabi ni Hill na karamihan sa mga tao ay magkakaparehong may kaunting kasakiman. Kung mabuti kang empleyado, hindi ka gugustuhing bitawan ng iyong employer. Kung nakatanggap ka ng offer dahil nakita ng iba ang galing mo, imamatch nila ito para manatili ka sa kanila. Kung hindi, makakahanap ka ng mas mabuting oportunidad kapag naghanap ka ng mas maayos na employer.
Hindi lang iyon. Ang paggamit mo sa iyong pera ay nakaaapekto din sa iyong kinabukasan. Nagsasayang ka ba ng pera sa mga luho at katuwaan, o nagiipon ka ng kaunti at nagiinvest ka sa mga assets na nagpapalaki sa iyong kinikita?
4. Future Opportunities/Mga Oportunidad sa Iyong Kinabukasan
Para sa karamihan, ang job opening ay job opening lang. Para sa iba, iyon ay dream career.
Para sa karamihan, ang stock market ay parang casino kung saan mawawalan lang sila ng pera. Para sa mga natutong pumili ng mabubuting kumpanya at mag invest dito, ang stock market ay mabuting investment opportunity.
Para sa karamihan, ang bakanteng lote ay bakanteng lote lang. Para sa mga nag-aral mag invest sa real estate, ang loteng iyon ay pwedeng maging investment na nagkakahalaga ng ilang milyong dolyar ng rental income.
Hindi mo makakahanap ang mga oportunidad kung hindi mo natutunang pagmasdan sila, at hindi mo sila magagamit ng maayos kung hindi mo sila alam o pinaghandaan. Ang lahat ng oportunidad na mahahanap mo sa buhay ay magmumula sa mga pinagaralan mong gamitin.
Kung gusto mong makakuha ng mas marami at mas mabuting oportunidad sa iyong career, negosyo, relationships at iba pa, kailangan mong paghandaan ito. Tulad ng pagiimpake ng mga gamit na kailangan para sa isang paglalakbay o outing, pwede mo ring gawin ito para sa mga kakailanganin mo sa iyong kinabukasan, tulad ng paginvest para sa retirement, pagbili ng insurance, paghahanda para sa mga posibleng problema sa trabaho (downsizing, retrenchment, atbp.), at iba pa.
5. Personal Achievement/Pagasenso
Ang repetition o paguulit-ulit ay mahalaga sa pagaaral kaya uulitin ko ito: ang lahat ng ginagawa mo at HINDI mo ginagawa ay nakaaapekto sa iyong buhay. Tulad ng kung paano pwede mong piliing magtanim ng buto ng mansanas pero hindi mo ito pwedeng piliting maging puno ng orange, pwede mong piliin ang iyong mga gawain pero hindi mo pwedeng piliin ang kalalabasan o kahihinatnan nito. Ang kabutihan ay nagdudulot ng mabuti, ang kasamaan ay nagdudulot ng marami pang kasamaan.
Ngayon, paano mo ginagamit ang iyong oras?
Sinasayang mo ba ito sa panonood ng TV? Pakikipagtsismis kasama ang mga kaibigan? Paglalaro ng video games palagi? Pagwawalgas ng pera? Pagsusugal ng iyong sweldo sa casino? Paguubos ng pera sa luho at pangungutang?
O…
Pinaghahandaan mo ba ang iyong pagasenso at mabuting kinabukasan? Ipinagpapatuloy mo ba ang pagaaral at pagpapabuti sa sarili? Pagiipon ng pera at paginvest sa assets? Pakikisama sa mabubuti at mapagmahal na kaibigan at kapamilya? Pagtulong sa kapwa?
Ikaw ang bahala. Pwede mong piliin ang gagawin mo, pero hindi mo pwedeng piliin ang kahihinatnan nito. Itakda mo ang iyong mga goals o layunin at simulan mong gawin ang mga bagay na magbibigay g mabuting resulta. Iyon nga naman ang ginagawa ng mga nagtatagumpay sa buhay.
Leave a Reply