English Version (Click Here)
*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
Bumili ako ng bagong libro na Negotiating 101 ni Peter Sander. Marami itong laman na payo tungkol sa mga basics ng negosasyon at nagulat ako dahil palagi niyang iginigiit ang konsepto ng “win-win” (dapat manalo o may benepisyo lahat). Pinag-usapan na natin ito sa isa pang article tungkol sa negosasyon at naalala ko kung paano una ko itong nakita sa librong The 7 Habits of Highly Effective People ni Stephen Covey.
Ano nga ba itong konseptong “win-win” na ito? Pag-usapan natin dito!
Basics ng Negosasyon : Ano ang “Win-Win”?
Napansin ni Peter Sander na pag pinaguusapan ng mga tao ang “negosasyon”, iniisip ng marami ito ay tungkol sa international politics, deals sa negosyo, at iba pang dekiladong sitwasyon o usapan. Ang negosasyon ay higit pa doon. Ito ay tungkol sa halos LAHAT ng mga deals o pakikitungo natin sa iba, mula sa pagkumbinsi sa mga bata na gawin ang kanilang mga gawaing-bahay at homework, pagbili ng karne at gulay sa palengke, at iba pa.
Ano naman ang tungkol dito sa “win-win” na ito at bakit ito mahalaga sa basics ng negosasyon? Pagusapan muna natin ang iba’t ibang klaseng deals o negosasyon ayon kay Stephen Covey sa librong The 7 Habits of Highly Effective People.
Win-Lose (Panalo ka, Talo sila)
Ang unang salita ay tungkol sa estado mo, at ang ikalawa ay tungkol sa estado ng iba. Ang ibig sabihin ng win-lose ay sinusubukan mong maisahan ang ibang tao.
Ito ang madalas iniisip gawin ng mga tao kapag nakikipag-negosasyon sila. Iniisip nila kailangan nilang gipitin at abusuhin ang ibang tao at siguraduhing matatalo at uuwi sila na umiiyak. Katumbas nito ang pagaabuso sa tindera at pilitin silang bentahan ka sa presyong malulugi sila.
Habang minsan nakakatuwa ang “win-lose” style, ikaw ang magiging mas malaking talunan sa matagal na panahon. Isipin mo lang kung gaano mo kagustong makausap at makanegosyo sa mga mapang-abusong tao at mandaraya. Hindi ito nakakatuwa diba? Mas maeenganyo kang iwasan sila kapag marami namang mas mababait at mas mabubuting tao na pwede mong makausap at makanegosyo.
Kung nasanay ka na iniisahan mo ang ibang tao, mag-ingat ka! Malamang iiwasan ka ng iba at mauubos ang iyong mga mabubuting kliente, mga suki, kaibigan, at kamag-anak.
Lose-Win
Kapag unang natutunan ng mga tao ang idea na “win-win”, iniisip nila dapat “magpakabait” sila at magbigay lang nang magbigay sa iba. Sa kasamaang palad, ang magpatalo para maging “mabait” at ang sobra-sobrang pagbibigay ay HINDI win win. Ito ay LOSE-win. Talo ka, panalo sila. Bukod sa mga mawawala sa iyo sa mga transaksyong iyon, matututo ang iba na abusuhin ka palagi, at dahil doon mas marami ang pagkalugi mo sa pagdaan ng panahon.
Huwag mong gagawin ang “lose-win” para lang magmukhang mabait. Maghanap ka ng solusyon na may tamang benepisyo para sa LAHAT.
Lose-Lose
Ito siguro ang pinakamasamang deal. Bakit gugustuhin ng isang tao na ang lahat ng panig, kasama sila, ay matatalo? Simple lang. Madalas nangyayari ito kapag nagkakagalit-galitan ang mga tao na ginusto na nilang saktan ang isa’t isa kahit sila ay mapahamak din. Isipin mo na lang ang mga negosasyon na nagiging away lamang at ang mga tao doon ay nagaaway, napipinsala, at pinaparusahan dahil sa gulong sinalihan nila.
Win-Win
Ito ang uri ng deal o resulta na dapat nating puntiryahin. Ito ang resultang lahat ng panig ay nakakabenepisyo sa nangyari at natatapos ang usapan na masaya ang lahat. Isipin mo kung bibili ka ng hapunan sa tindahan. Bumili ka ng masarap na pagkain na maayos ang presyo at pareho kayong magbebenepisyo. Makakakuha ka ng masarap na pagkain, tapos ang tindero din ay kikita mula sa niluto nila. Isipin mo kung isasama mo ang mga anak mo na manood ng magandang pelikula kung gagawin nila ang kanilang mga gawaing-bahay at homework. Tinuturuan mo silang maging responsable sa kanilang gawain at pagaaral, at makakanood din sila ng pelikulang gusto nila.
Iyon ay mga halimbawa lang ng mga patas na transaksyon, at iyon ang dapat mangyari ayon sa mga basics ng negosasyon. Pagtuonan mo ng pansin ang mga business deals, pabor at iba pang pakikitungo sa iba kung saan ang lahat ay magiging masaya.
Ang buhay ay madalas “give and take” (magbigay para makakuha), kaya dapat ikaw ay patas sa lahat, lalo na sa mga taong tapat.
Ngayon, paano naman ang mga taong ayaw maging patas? Paano ka makikitungo sa mga taong gustong maisahan ka? May isa pang payo tungkol sa basics ng negosasyon: Matutong UMALIS na lang.
No Deal – Iwanan mo lang.
Kailangan isama mo ito palagi sa iyong mga posibleng desisyon at isa rin ito sa mga mahahalagang basics ng negosasyon. Kapag napasok ka sa masamang sitwasyon o negosasyon, kailangan mong matutong lumayo. Maraming iba pang transaksyon o oportunidad ang mas makabubuti sa inyo.
Ano ang isang halimbawa ng isang deal na dapat mong iwanan o iwasan? Isipin mo kung may isang nagbebenta ng ilang tonelada ng copper (tanso), lead (tingga), at iba pang metal at gusto niya itong ibenta sa iyo sa ilang milyong piso. Ano ang dapat mong gawin kapag hindi ka interesado at wala ka namang pera para dito? Simple. Iwanan mo lang ang deal nila.
Maiiwasan mong magsayang ng oras at pera sa pagnenegosasyon sa mga bagay na hindi mo naman gusto, at ang nagbebenta ng metal ay magkakaroon din ng panahon para makipagnegosasyon sa iba tulad ng mga electronics o construction companies na may mahahalagang paggagamitan sa mga metal na iyon.
Ang “no deal” din ay isa sa pinakamabuting paraan ng pakikitungo sa mga mandaraya o mapang-abusong tindero na pinupuwersa kang bumili ng mga bagay na hindi mo naman kailangan. Kahit na pwede mo silang makuha sa mas maayos o mas mababang presyo, kung hindi mo naman sila kailangan o gustong gamitin, mawawalan ka pa rin ng pera na nagamit mo sana sa iba pang mas mahahalagang bagay.
May kasabihan, “no man is an island”. Walang tao na isla. Kailangan natin palaging makipagnegosasyon sa ibang tao, alam man natin o hindi. Ito man ay para sa mga napakahalagang business deals, pagbili ng mga bagay bagay, o panghingi ng mauupuan na hindi ginagamit, kailangan natin palaging makipag-ugnayan sa ibang tao. Kailangan natin palaging subukan ang “win-win” at maging makatarungan, kahit hindi makatarungan ang iba (iwasan mo ang mga pandaraya nila), at kahit hindi rin patas ang galaw ng ating tadhana at kamalasan sa buhay.
Leave a Reply