English Version (Click Here)
Hindi nilikha ng Diyos ang tao upang maging mahirap.
Wala sa pagkatao natin ang angkop sa pagdurusa at paghihirap. Ang mga tao ay nilikha upang maging masagana, masaya, at matagumpay.
Hindi ginawa ang tao para magdusa, tulad ng katotohanang hindi siya ginawa upang maging baliw o kriminal.
– Orison Swett Marden, Prosperity: How to Attract It
Minsan napupunta ako sa pinakamagagandang malls at shopping centers sa Pilipinas gaya ng Greenbelt, SM Aura, Bonifacio High Street, at iba pa. Sa bawat paglingon ko may mga mayayaman na kumakain sa mga restaurant na ang bawat ulam ay mas-mahal pa sa pangaraw-araw sweldo sa isang trabahador, suot ang mga damit na kasing-mahal ng sweldo nila sa isang buwan, at bumibili ng mga gadgets na aabutin tayo ng ilang taong pag-iipon para mabili.
Sa kabilang dulo ng siyudad, ilang kilometro lang sa mga magagarang lugar ay mga komunidad na mahihirap at hindi kayang mabuhay ng sapat. Ayon sa report ng ABS-CBN tungkol sa Philippine Statistics Authority (PSA) Annual Poverty Indicators Survey (APIS) noong 2014, halos isa sa apat na Pinoy ay naghihirap. Dahil sa kawalan ng mabuting pagkakakitaan, marami ang napipilitang mamulot ng basura para makahanap ng pagkain, natutulog sa kahon sa kalsada, at nanlilimos ng ilang piso para lang mabuhay.
Habang ang ilang mga bata ay naglalaro sa lansangan dahil hindi sila kayang pag-aralin ng kanilang mga magulang (ang edukasyon ay isang susi para makaahon sa kahirapan), ang mga anak ng mga mayayaman ay binibigyan ng lubos-lubusang mga kagamitan, masustansyang pagkain, pinakamabuting edukasyon, at napakarami pa.
Parang hindi ito tama diba?
Oo. Hindi nga ito tama. Paano naman natin ito masosolusyonan?
Sa TV naririnig natin ang mga corrupt na pulitikong nagnanakaw ng ating pinagsikapang pera at buwis para makabili sila ng pasarap sa buhay, at may mga masasamang negosyante ring nag-aabuso ng kanilang mga trabahador. Iisipin mo nga naman na mapang-abuso ang LAHAT ng mga mayayaman…
…buti na lang hindi iyon totoo.
Ang idea na “masasama ang LAHAT ng mayayaman” (at, sa kabila nito “dapat maghirap ang mga tao” dahil “banal ang pagiging mahirap”) ay napakalaking kasinungalingan. Ang kaalamang iyon ang kailangan para matulungan ang mga mahihirap at mapuksa ang kahirapan.
It is shockingly right instead of shockingly wrong for you to be prosperous.
— Catherine Ponder, The Dynamic Laws of Prosperity
(Tamang tama, at hindi mali, na ikaw ay mabuhay nang masagana.)
Ang Kayamanan mula sa Kasamaan ay madaling Maglaho
Mayroon ngang mga corrupt na pulitiko at negosyante na nangaabuso ng kanilang kapangyarihan, marami sa kanila ay hinuhuli at pinaparusahan. Ganoon iyon mula noong unang panahon: ang mga masasamang namumuno ay hinuhuli o pinapatay.
Mga negosyanteng nandaraya ay nilalayuan ng kanilang mga kliente kaya bumabagsak ang kanilang negosyo.
Ang mga empleyado na nandaraya sa kanilang mga boss sa pagiging tamad sa trabaho kahit binabayaran sila ng maayos ay tinatanggal at binibigyan ng masamang referrals.
Ang mga magnanakaw na nandurukot lang ng mga wallet at cellphone kaysa magsikap ng maayos ay naghihirap buong buhay nila at pinaparusahan dahil sa krimeng ginawa nila.
Aabutin man ng ilang dekada bago may mangyari, pero ang kasamaan ay nagdudulot ng sarili niyang kaparusahan. Aanihin natin ang ating itinanim. Habang may mga kriminal na makakatakas, marami ang MAPAPARUSAHAN. Huwag kang magkakamaling isipin na kailangan mong subukang gumawa ng krimen o mandaya para yumaman. Para itong dalawang pinto papasok sa isang kuwartong puno ng kayamanan. Ang isang pinto ay mas mahirap buksan, ang kabilang pinto ay may nakakabit na bomba (buhay bilang kriminal). May pagkakataong hindi sumabog ang bomba… pero susubukan mo ba kahit napakaraming mas-mabuti at LEGAL na paraan para umasenso at yumaman?
Huwag na huwag kang magkakamaling isipin na ang krimen o pandaraya lang ang paraan para umasenso sa buhay. Isasakripisyo mo ba ang iyong integridad at pagkatao, baka pati na rin ang iyong kalayaan o iyong buhay, para sa pera?
Mayaman at Mahirap
Kahit napaparusahan ang mga kriminal, marami pa ring mga nagsisikap at nagpapagod sa trabaho pero NAGHIHIRAP pa rin. Bakit nga ba ang ilan ay nabubuhay ng masagana habang ang simpleng magsasaka, jeepney driver, tigawalis ng kalsada, at iba pang gaya nila ay nabubuhay sa wala?
Kapag iniisip lang natin ang pagkakaiba ng buhay ng mga mayayaman at mahihirap, nakakalimutan natin ang isang napakahalagang tanong:
Paano pinagsikapan ng mga mayayaman ang kayamanan nila?
Sagot: Sa paggawa ng NAPAKAHALAGANG bagay!
Ang mga doktor ay nanggagamot ng may sakit at nagliligtas ng buhay kaya malaki ang kinikita nila.
Ang mga architect ay nagdidisenyo ng mga magagarang building kung saan tayo nagtratrabaho’t naninirahan kaya malaki rin ang kinikita nila.
Ang mga engineer ay ginagamit ang kanilang kaalaman sa math at science para masolusyonan ang atin mga problema at pagandahin ang mga ginagamit nating bagay kagaya ng mga buildings, airplane, barko, tulay, at iba pa kaya kumikita rin sila ng malaki.
Ang negosyanteng nanghiram ng malaking loan para makabili ng food processing equipment at kumuha ng isandaang trabahador para gumawa ng pagkain na nabibili ng milyon-milyong pamilya at kumikita ng marami.
Ang isa pang negosyanteng kumuha ng loan para makabili ng materyales at nag-aarkila ng mga trabahador para magtayo ng shopping mall na nagbibigay ng oportunidad sa ilang negosyong may libo-libong empleyado ay kumikita rin ng marami.
Ang bawat-isa sa mga kinuwento ko ay mayayaman.
Sino ang sinaktan nila? Sino ang inabuso nila? WALA!
Napakahalaga ng ginawa nila at ang kayamanang pinagsikapan nila ay isang GANTIMPALA para doon. Nagagamit nila ang perang PINAGSIKAPAN nila para makabili mga gusto at pangarap nila sa buhay gaya ng paglalakbay, pambili ng masasarap na pagkain, pambili ng magaganda at magagarang bahay, at higit pa. Inaani natin ang ating itinanim.
Ang mga makikitid ang isipan ay nakikita na mas-magara at mas-maganda ang kagamitan ng mga mayayaman kaysa sa kung ano man ang mayroon sila kaya iniisip nilang “hindi ito tama” o “inaabuso” sila. Ang pinapansin lang nila ang ang mga tunay na kriminal at sakim na mayayaman, at kinakaligtaan nila ang mga taong NAGSIKAP nang tama para umasenso.
Nakakalimutan nila na karamihan sa mga mayayaman ay NAGSIKAP para makamit ang kayamanan nila. Ang isang dahilan kung bakit sinasabi ng mga makikitid ang isipan na “masama ang pagiging mayaman” ay dahil naiinggit sila. Yun ang isang halimbawa ng pagiging utak-talangka: mas-gusto nilang pagsalitaan ng masama kaysa magsikap at magpayaman rin.
Hindi mo mapapalakas ang mahihina sa pagpapahina sa mga malalakas… Hindi mo maiaangat ang mga trabahador sa pagpapababa sa mga nagbabayad sa kanila… Hindi mo matutulungan ang mga mahihirap sa paninira ng mga mayayaman.
— Rev. William John Henry Boetcker
Rags to Riches
Madaling sabihin na malaki ang kita ng mga doktor… pero hindi natin kayang bayaran ang medical school.
Madaling sabihin na malaki ang kita ng mga architect at engineer… pero hindi natin kaya ang kolehiyo.
Madali ring sabihing malaki ang kita ng mga negosyanteng nagbebenta ng pagkain sa milyon-milyong katao o nagtatayo ng mga bahay at buildings… pero hindi natin kayang kumuha ng mga loans at hindi natin alam kung paano gawin ang nagagawa nila.
Madali talagang sabihin na ang mga mayayaman ay may mga oportunidad at advantages na wala tayo kaya kawawa tayo, pero nakakalimutan natin ang isa pang NAPAKAHALAGANG tanong…
Paano sila nagsimula?
*Poof!* Parang magic smoke ikaw ay nagmamay-ari na ng multi-trillion-dollar business empire na gumagawa at nagbebenta ng pinakamabubuting medical equipment sa buong mundo! …Hindi. Hindi ganoon mangyari yun.
Isang janitor nagsikap para mapaaral ang kaniyang anak. Ang anak niya ay nag-aral ng mabuti at nagtapos ng medicine saka naging magaling at mayamang doktor.
Isang pamilya ng magsasaka nagsikap para makatapos ng kolehiyo ang kanilang anak. Ang anak nila ay naging magaling na architect na nagdidisenyo ng mga hotel at condominium.
Isang jeepney driver at vendor sa palengke nagsikap para makatapos ng engineering ang kanilang anak. Ang anak na iyon ay nagdidisenyo at nagtatayo ng mga dam para sa mga power companies na nagbibigay kuryente sa buong sambayanan.
Isang mahirap na bata nagbebenta ng sabon, kandila, at sinulid araw-araw sa palengke ay nagtayo ng maliit na tindahan. Pinapalaki niya ito kada taon, kumukuha ng maraming trabahador at nagtayo ng pabrika na gumagawa ng pagkaing naibebenta ng mura sa buong bansa.
Isang may-ari ng sari-sari store nagsimulang magpalaki ng kaniyang tindahan at nagbenta ng sapatos. Pinalaki muli ang tindahan para magbenta ng damit, pagkain, at iba pa, at patuloy pinalaki ang kaniyang tindahan hanggang nakakapagpatayo na siya ng shopping malls sa buong bansa.
LAHAT ay nagsimulang Mahirap
Pagmasdan mo ang bawat “rich kid” at bawat mayamang pamilya sa buong mundo. Pagmasdan mo ang kanilang mga magulang, mga lolo’t lola, hanggang sa kanilang mga ninuno: LAHAT sila nagsimulang mahirap gaya ng mga kasama nila. Mayroon lang sa kanilang NAGSIKAP para gumawa ng mas-mahalagang bagay para magpayaman. Wala sa kanila ang pumalakpak lang tapos biglang nagkaroon ng bilyon bilyong piso sa bangko.
PINAGSIKAPAN nila ang kung ano man ang mayroon sila at nagsasaya sila gamit ang mga GANTIMPALANG NARARAPAT sa kanila. Inaani nating lahat ang ating itinanim.
Masasabi natin na ang mundo, ang gubyerno, at ang lahat ay mapang-aapi sa mga mahihirap at napakaraming kailangang pagdaanan… pero alalahanin mo na may libo-libong kataong nagsikap umahon mula sa kahirapan kahit ano pa man ang humadlang sa kanila. Nagsimula man silang maliit at nagsikap ng ilang taon, pero nagtagumpay sila.
Magagawa mo rin iyon.
Edukasyon, hindi Limos
Lahat tayo, lahat ng pamilya, komunidad, at bansa ay nagsimulang mahirap. Ang mga ninuno nating lahat ay nakatira dati sa gubat, kuweba, at bahay kubo, pero sa bawat henerasyon nagsikap tayo para makuha ang ano mang mayroon tayo ngayon. Ang iba nagsikap ng mas-mabuti kaya sila yumaman, pero ang karamihan naman, gaya ng mga nakatira sa lansangan, ay hindi pa nagsisimula.
Hindi natin kailangang magbigay palagi ng limos o baguhin ang laws of physics para puksain ang kahirapan. Naniniwala ako na posibleng puksain ang kahirapan hindi sa pagbigay-limos, pero sa edukasyon. Kahit sino, kahit mahirap, ay kayang magpayaman kapag natutunan nila ang ginawa ng mga mayayaman na, at napakaraming paraan para magawa nito. Kailangan lang nating pag-aralan kung paano.
Hindi natin mapupuksa ang kahirapan sa pagkuha mula sa mayayaman at pagbigay sa mahihirap. Iyon ay PAGNANAKAW sa NAGSIKAP para ibigay lamang sa hindi pa karapat-dapat.
Kalimutan mo na ang ideang inaapi ng mga mayayaman ang mga mahihirap. Kalimutan mo na ang idea na inaapi tayo ng iba. Kung pangarap nating umangat sa buhay, pag-aralan natin kung ano ang kailangan nating gawin para makamit ang pangarap natin.
Hindi naman “Rich vs. Poor (Mayaman vs. Mahihirap)” o “The Haves vs. The Have-Nots (Mga mayroon at mga Wala)” ang mundo…
Ito’y tungkol sa mga “Nagsikap at ang mga Hindi pa NAGSISIMULANG Magsikap.”
Alin ka sa dalawa ngayon?
Ano man ang dahilan o palusot mo sa kawalan mo ng tagumpay, mayroong katulad mo pero nagsikap pa rin at nakamit ang pangarap nila.
— Barbara Reynolds
Ano man ang papuri ang sinasabi tungkol sa kahirapan, ang katotohanan ay imposibleng mabuhay ng kumpleto o matagumpay kung hindi ka mayaman.
Walang tao ang makakakamit sa pinakamataas niyang talento o pagpapabuti ng kaluluwa kung wala siyang madaming pera; dahil para magbukas ang kaniyang kalooban at para mahasa ang talento kailangan niya ng maraming bagay na magagamit, at hindi niya makakamit ang mga ito kung wala siyang perang pambili.
— Wallace D. Wattles, The Science of Getting Rich
Buod:
Mali ang pag-iisip na ninanakaw ng mga mayayaman ang pera ng mga mahihirap. Marami sa mga mayayaman ay dating mahirap, pero yumaman sila dahil gumawa o lumikha sila ng mga mahahalagang bagay na kinakailangan ng iba, at dahil doon kumita sila ng marami. Walang taong pumitik lang ng kanilang daliri at nakakuha ng bilyon bilyong piso. Kung hindi ka pa successful o mayaman, kailangan mong pag-aralan at gawin ang ginawa ng mga successful at mayayaman para makamit mo rin ang asensong pinagsikapan nila.
Kung narinig mo na ang kasabihan na “bigyan ang isang tao ng isda at makakakain siya ng isang araw, pero turuan mo siyang mangisda at makakakain siya habang buhay,” yun ang aral na nais kong ipahiwatig dito. Para matulungan mo ang mga mahihirap, kailangan mo silang turuan ng kaalamang magagamit nila para umasenso, bigyan mo sila ng inspirasyon para pagsikapan ang kanilang mga pangarap, at bigyan mo sila ng lakas ng loob para iwasan ang lahat ng nagsasabing imposible ito para sa kanila. (Yun nga pala ang dahilan kung bakit ko sinimulan ang blog na ito.)
The poor do not need charity; they need inspiration. Charity only sends them a loaf of bread to keep them alive in their wretchedness, or gives them an entertainment to make them forget for an hour or two; but inspiration will cause them to rise out of their misery. If you want to help the poor, demonstrate to them that they can become rich; prove it by getting rich yourself.
— Wallace D. Wattles
(Translation: “Hindi kailangan ng mga mahihirap ang limos; kailangan nila ng inspirasyon. Ang limos ay nagbibigay lamang ng tinapay para mabuhay sila sa kahirapan, o kasiyahang nagbibigay limot ng isa o dalawang oras; pero ang inspirasyon ang magbibigay sanhi para makaahon sila mula sa kanilang paghihirap. Kung pangarap mong tulungan ang mga mahihirap, ipakita mo sa kanila na kaya nilang yumaman; patunayan mo sa sarili mong pagsisikap at pagpapayaman.“)
Leave a Reply