English Version (Click Here)
May kaibigan o kakilala ka ba na natutuwa kang makasama dahil mabuti ang pagtrato nila sa iyo? May kakilala ka naman ba na kinaaayawan mo dahil nilalait nila palagi ang mga ginagawa mo? Nagugustuhan mo bang suportahan ang una at iniiwasan mo naman ba yung isa? Para sa marami sa atin, ang kalidad ng ating buhay at kung gusto nating magtagumpay at hindi mabigo sa ating careers ay nakabase sa kung gaano tayo kagaling magbuo at mag-alaga ng ating mga pagkakaugnay sa iba. Para matutunan ang mga kakayahang iyon, ang unang tatlong aral mula sa How to Win Friends and Influence People ni Dale Carnegie ay napakahalaga.
Sabi nga, ang repetisyon ay ang susi ng karunungan at galing. Dahil ito’y isang classic na self-help book, malamang nabasa mo na ito dati pero hindi mo pa narereview. Marami na tayong narating mula sa panahon nina Dale Carnegie at ang ilang leader kagaya nina John Maxwell, Stephen Covey, Brian Tracy, at marami pang iba ay nagturo na ng mga aral na dumagdag at nagpabuti pa sa mga naituro nito (at isinama ko rin sila dito dahil mahalaga ang mga ito sa lesson), ngunit ang classic na librong isinulat niya ay isa pa rin sa pinakamabuti. Kung gusto mong maalala ang ilan sa mga basics, ituloy mo lang ang pagbabasa!
Note: Mabuti nang bilihin at basahin mo ang buong libro gamit ang affiliate link sa ibaba para matutunan mo ang buong lesson. Sabi nga nila, walang tatalo sa orihinal!
Mahalagang people skills mula kay Dale Carnegie
-
Nakakasakit ang mga salita. Ayon kay Dale Carnegie, “Huwag pumuna, magsumpa, o magreklamo (Don’t criticize, condemn, or complain)”
Madalas itong mangyari kapag may nag-uusap tungkol sa pagiging magulang, pulitika, at trabaho. Kung mabuti ang ginagawa mo at sinabi ng iba na mali ka, matutuwa ka ba? Magugustuhan mo bang gawin ang sinasabi nila dahil sinabi nila sa iyo na mas-magaling sila at ikaw ay walang kwenta? Malamang hindi! Alalahanin mo lang ito: Ang lahat ng tao, iniisip nila na tama ang ginagawa nila kahit sa tingin mo at sa tingin ng iba ito’y mali. Ang pagpuna o magsumpa ay nakakasakit lang ng damdamin at mas-lalo lang nilang ipipilit ang posisyon nila.
“Any fool can criticize, condemn and complain – and most fools do. But it takes character and self-control to be understanding and forgiving. “
(Kahit sinong hangal ay kayang pumuna, magsumpa, at magreklamo – at marami nga ang gumagawa nito. Pero kailangan mo ng mabuting pagkatao at pagtitimpi para maging maunawain at mapagpatawad) – Dale Carnegie
Paano mo ito magagamit sa iyong career o negosyo? Sa “Leadership Gold: Lessons I’ve Learned from a Lifetime of Leading” na isinulat ni John Maxwell, sinabi niya na “ang mga tao ay nilalayasan ang kapwa tao, hindi ang kumpanya.” Ang mga tao ay umaalis dahil sa mga boss na binabalewala sila, mga boss na hindi mapapagkatiwalaan, at mga boss na hindi marunong. Pagkakatiwalaan mo nga ba ang boss na laging ipinapalabas ang iyong pagkakamali para magmukhang marunong? Sa bawat oras na pinupuna ka, hindi ba hinahanap mo rin ang kanilang mga pagkakamali (at nakikita mo rin na hindi sila marunong)?
Hindi lang ito tungkol sa mga boss o sa mga taong nasa itaas mo. Ito ay totoo rin sa iyo at sa pagtrato mo sa ibang katrabaho mo.
Inuulit ko na ang lahat ng tao iniisip na mabuti ang ginagawa nila. Huwag kang manlait ng iba, mga kakilala, kaibigan, at kapamilya dahil ito’y nakakasakit lamang sa iyong mga relasyon. Sabi nga ni Stephen Covey sa “The 7 Habits of Highly Effective People,” kailangan mo munang umunawa, saka ka mauunawaan. Pagkatapos noon, doon ka lang makapagbibigay ng mabuting payo at mamuno ng maayos.
“There is nothing else that so kills the ambitions of a person as criticisms from superiors.”
(Walang ibang nakapapatay sa ambisyon ng isang tao bukod sa pagpuna ng kaniyang nakatataas.) – Charles Schwab
-
Nakakapagpalakas ng relasyon ang mabuting salita. Sabi ni Dale Carnegie, “Magbigay ng matapat at taos-pusong pagpupuri sa iba. (Give honest and sincere appreciation.)”
“I have yet to find the person however great or exalted his station, who did not do better work and put forth greater effort under a spirit of approval than he would ever do under a spirit of criticism.”
(Hindi pa ako nakakahanap ng tao na ano mang laki o taas ng kaniyang posisyon, na hindi nagbigay ng mas-mabuting trabaho at nagbigay ng mas-nakahihigit na pagpursigi sa kapaligirang puno ng pagpupuri kaysa sa mundo na puro pagpupuna.) – Charles Schwab
Itinuro nina Brian Tracy at Ron Arden sa “The Power of Charm” na kailangan mabilis kang magbigay ng pagpuri at itinuro din nina Ken Blanchard at Spencer Johnson sa “The One Minute Manager” na kailangan hulihin mo ang mga tao na gumagawa ng tama. Kapag nakita mo na mabuti ang ginagawa ng isang tao, sabihin mo lang sa kanila! Ipaalam mo na pinapahalagahan mo ang gawain nila at sila’y gagaan ang loob at magpupursigi pa.
Naglaro ka na ba ng team sport o videogame kung saan napaiscore ka ng mahalagang point at pinuri ka ng mga kasama mo? (“Great shot! Ayos yun!”) Kumanta ka na ba, nagdrawing, o nagpakitang gilas at sinabi ng iba na napakagaling mo? Malamang natuwa ka noon. Gawin mo rin iyon para sa iba. Magbigay ng matapat at taos-pusong pagpupuri.
Mag-ingat ka lang dahil ito’y iba sa pambobola. Ang hindi tapat na pagpuri o pambobola ay hindi gagana dahil ito’y may nakatagong intensyon… at nararamdaman ito ng iba. Pwede kang magsinungaling gamit ang mga salita, pero hindi mo maitatago ang iyong intensyon. Naaalala mo ba ang isang beses kung kailan pinuri ka ng kaibigan mo sa pagsabi ng “gwapo/maganda ka ngayon” o “isa ka sa pinakamabait na kaibigang kilala ko”… tapos nanghingi lang bigla ng pera? Malamang nainsulto ka bago pa man sila manghingi ng pera. Naramdaman mo siguro mula sa tono ng boses nila na sinusubukan ka nilang manipulahin gamit ang pambobola. Huwag mong gagawin iyon.
Sabi nga ni Dale Carnegie, simple ang pagkakaiba ng tunay na pagpupuri at pambobola: “Ang isa ay matapat at ang isa ay hindi. Ang isa ay galing sa puso; ang isa mula sa ngiting buwaya. Ang isa mapagbigay; ang isa sakim. Ang isa ay palaging hinahangaan; ang isa ay palaging kinasusuklaman.”
Kung may gumagawa ng mabuti, puriin mo sila ng tama.
“I shall pass this way but once; any good, therefore, that I can do or any kindness that I can show to any human being, let me do it now. Let me not defer or neglect it, for I shall not pass this way again.”
(Isang beses lamang ako magdadaan dito; ang kabutihan na kaya kong gawin at maipapakita ko sa iba, sana’y magawa ko na ngayon. Sana hindi ko ito iwasan o makaligtaan, dahil hindi na ako magdaan dito muli.) – Stephen Grellet
-
Ipakita mo kung ano ang mapapakinabangan nila. Ayon kay Dale Carnegie, “Ipalabas mo ang kagustuhan nila. (Arouse in the other an eager want.)”
Kung kailan mo ng tulong o kailangan mong gawin ng isang tao ang isang bagay na gusto mo, gagana ba ang pangungulit, pagpupuna, at pag-iinsulto sa kanila? “Ilang beses ko ba bang sinabi sa iyo na maglinis ka ng kwarto, maghanap ng trabaho, kumain ng mabuti at mag-exercise? Ang tamad mo talaga! Kaya palpak ka sa buhay! Hindi ka kasi nakikinig sa akin!” Gagana kaya iyon?
Kung may nagsalita ng ganoon sa iyo, siguro lalaban ka kaysa sumunod sa kanila. Paano mo nga ba mapipilit ang iba na gumawa ng mabuti o tumulong? Halimbawa, paano mo mapipilit ang iba na bigyan ka ng trabaho, bigyan ka ng pera, o tulungan kang makamit ang gusto mo?
Simple lang:
“You can have everything in life you want, if you will just help other people get what they want.”
(Makakamit mo ang lahat ng gusto mo, kung matutulungan mo ang iba na makuha nila ang gusto nila.) – Zig Ziglar
May naaalala akong kaibigan na mahilig manigarilyo at uminom ng beer. Kapag nakakasama ko siya, madalas kong marinig siyang pagsabihan ng kaniyang kasintahan na tigilan na ang mga iyon at palagi silang nag-aaway… kaya hindi na siya nakikinig. Sa paningin ko rin, kapag may nagpupuna o nagiinsulto, ang sinasabi nila ay “wala kang kwenta” at hindi “mahal kita.” Isipin mo na lang kung paano iyon nakakasira ng relasyon. Inuulit ko na huwag kang pumuna ng iba, magsumpa, o magreklamo.
Matapos ang sandaling panahon, nagpatingin ang kaibigan ko sa doktor at nalaman nila na siya’y prediabetic at nasisira na ang kaniyang atay (liver). Kung hindi niya babaguhin ang kaniyang habits at patuloy niyang sisirain ang kaniyang katawan, kailangan niyang mag-inject ng insulin at iba pang mamahaling gamot habang buhay. Nasaktan siya noon. Pangarap pa rin niyang makapaglakbay at mabuhay ng mabuti at mawawala ang lahat ng ito kapag nagpatuloy siya sa masasamang bisyo. Anong ginawa niya? Nagbago siya ng kusa. Tumigil siya sa paninigarilyo at pagiinom at nag-Gym siya. Matapos ang sandaling panahon, siya’y naging isa sa pinakamalakas ng bodybuilder sa siyudad namin (mukhang mas-malakas pa siya sa ilang bouncers sa mamahaling bars) at siya’y naging masigla at nagagawa niya ang mga gusto niyang gawin. Nagbago siya dahil ginusto niya. Hindi iyon magagawa ng panlalait o pagpupuna.
Kung gusto mong gawin ng isang tao ang isang bagay, ipakita mo kung paano siya makikinabang dito (at ipakita mo kung bakit masama na hindi nila ito gawin).
Kung gusto mong tulungan ang unhealthy mong kaibigan na kumain ng masustansyang pagkain at mag-exercise, sabihin mo kung bakit nila ito magugustuhan. Kung gusto niyang magtravel, ipaalam mo na kapag masigla sila, makakapunta sila sa magagandang beaches, gubat, at bundok. Kung gusto nilang makahanap ng pag-ibig, sabihin mo na magiging mas-maganda o mas-gwapo sila kapag sila’y fit at healthy. Kung pinapahalagahan nila ang kanilang pamilya, ipakita mo na kapag ipinagpatuloy nila ang ginagawa nila, baka mamatay sila sa diabetes o sakit sa puso bago nila makita ang kanilang mga apo.
Kung gusto mong maghanap ng trabaho ang tamad mong kapamilya, ipakita mo ang makukuha niya kapag mayroon siya. Kung mahilig siyang maglaro ng videogames, ipakita mo na magkakapera siya at makakabili siya ng mas-marami at mas-magagandang games kapag may trabaho siya. Kung mahilig siya sa fashionable na damit, sabihin mo na mabibili niya ang mga mas-magagandang damit kapag may trabaho siya. Kung mahilig naman siyang manood sa sinehan at concerts, ipakita mo na makakaya niyang makapanood ng mas-marami kapag may pera na siyang pambili ng tickets na gusto niya.
Kung gusto mong gawin ng isang tao ang isang bagay, ipakita mo kung paano siya makikinabang dito.
Siya nga pala, magagamit mo rin ito sa sarili mo. Kung gusto mong makakamit ng mabuting bagay o magbago, isipin mo lang palagi ang mga benepisyong makakamit mo kapag nagawa mo ito (at maliitin mo ang paghihirap o pagsisikap na kailangan mong gawin para dito para hindi ka matakot).
Ibigay mo sa iba ang gusto nila, at ibibigay din nila ang gusto mo:
Gusto mo ng pera kaya nanghihingi, nang-iinsulto, at sisigaw ka. Gagana kaya iyon? Malamang hindi. May ibang magbibigay ng barya para manahimik ka, pero hindi ka kikita ng mabuti mula doon.
Kung naibigay mo sa mga tao ang gusto nila, malamang tutulungan ka rin nila. Kung nakahanap ka ng taong nauuhaw sa mainit na araw, bentahan mo sila ng inumin. Kung nakahanap ka ng mga nagugutom at naghahanap ng makakain, magluto ka at bentahan mo sila ng pagkain. Gusto mo ng trabaho? Gamitin mo ang kakayahan mo para magawa ang kailangan nila at babayaran ka nila para sa iyong oras at pagod.
Para tulungan ka ng iba na makuha mo ang gusto mo, unahin mong tulungan silang makuha ang gusto nila! Hindi ito panloloko; ito’y paggawa ng mabuti para makatanggap ng mabuti.
“You can’t get there alone. People have to help you, and I do believe in karma. I believe in paybacks. You get people to help you by telling the truth, by being earnest.”
(Hindi mo ito mararating mag-isa. Kailangan mo ng tulong ng iba, at naniniwala ako sa karma. Naniniwala ako sa utang na loob. Tutulungan ka ng iba kapag makatotoo ka, sa pagiging masigasig.) – Randy Pausch
Sabi nga ni John Maxwell sa “Leadership Gold,” “kaunting leaders ang nagtatagumpay kung hindi sila sinusuporta ng napakarami.” Ito ma’y para sa iyong career, negosyo, at pakikipag-ugnayan sa iba, makatutulong sa iyong pag-asenso ang mga people skills na ito. Tandaan:
Huwag pumuna, magsumpa o magreklamo, magbigay ng matapat at taos-pusong pagpupuri, at ipalabas mo ang mapapakinabangan nila. Sa ibang salita, magsabi at gumawa ka ng mabuti para sa iba at gagawin din nila ito para sa iyo.
Leave a Reply