English Version (Click Here)
Gustuhin mo man o hindi, mahalaga ang pera sa buhay natin ngayon. Kung gusto mong mabuhay at umasenso sa panahon ngayon. kailangan mong matutunang gamitin ang pera ng mabuti. Kung pangarap mong yumaman, narito ang 30 na payo tungkol sa paghahawak ng pera na kailangan mong matutunan ngayon.
30 Pinakamahalagang Payo Tungkol sa Pera na Kailangan Mong Matutunan Ngayon
1. Alamin mo ang iyong kalagayang pinansyal. Masagana ka ba at mayroong ilang libong nakainvest sa mabubuting negosyo at assets, o nabaon ka ba ng ilang daang libo sa utang? Hindi mo masosolusyonan ang iyong mga problema kapag hindi mo aaminin kung may problema ka pala, at hindi mo mahahanap ang mga oportunidad para umunlad kapag hindi mo sila hahanapin.
2. Gamitin mo ang pinakamabuting paraan para makaipon ng pera: “Pay yourself first!” (Ang idea dito ay “mag-ipon muna”) (Maglagay ka muna ng pera sa ipon bago gumastos.)
3. “It’s not how much you earn, but how much you keep.” (Hindi lang sa kinikita kundi pati na rin sa naiipon.) Walang kwenta ang mataas na sweldo kapag isinugal o winalgas mo lang ito sa mga mamahaling kagamitan na hindi mo naman kailangan.
4. Mag-ipon ka para sa mga oportunidad at emergencies. Ang ipon na ito ay pwedeng maging capital para sa iyong negosyong naisip itayo, o perang magagamit kapag nawalan ka bigla ng trabaho.
5. Iwasan mo ang sobrang pangungutang.
No one can be happy, no matter how optimistic, who is forever in the clutches of poverty, of harassing debt.
— Orison Swett Marden
(Walang magiging masaya, gaano man kaganda ang pananaw nila sa buhay, kapag sila ay habang buhay nabaon sa kahirapan, at mapang-aping utang.)
6. Alamin mo ang pinagkaiba ng mga pangangailangan at mga bagay na kagustuhan lang. Mas madaling bilihin lahat ng pangangailangan natin para mabuhay, pero halos imposibleng bilihin ang lahat ng ginugusto natin sa buhay.
7. Huwag kang bibili ng mumurahing bagay dahil lang mura ito. Ang P500 na natipid sa isang P1,500 na gamit ay isa pa ring gastos na P1,000.
Beware of little expenses. A small leak will sink a great ship.
— Benjamin Franklin
(Mag ingat sa maliliit na gastusin. Ang maliit na butas ay nakakapagpalubog ng malaking barko.)
8. Bumili ka ng dekalidad na kagamitan sa maayos na presyo. Mas-tatagal ang mga ito at mas-mabuti ang resultang makukuha mo mula sa mga ito.
9. Gumastos ka sa mga karanasang nakabubuti. Magiging mas masaya ka mula sa kanila kumpara sa kapag bumili ka lang ng mga bagay bagay lamang.
10. Pagpuhunanan mo ang iyong kalusugan. Mas-mura ito kumpara sa pagbayad sa doktor at panggamot.
11. Pagplanuhan mo ang iyong mga gastusin. Pagkain, kuryente, tubig, tuition para sa iyong mga anak, pambayad sa mga utang, pambayad para sa telepono at internet, pagkakaroon ng naka, insurance, atbp. Pagplanuhan mong mabuti ang mga kasalukuyan at darating na gastusin para hindi ka mabigla. Ang biglaang pagsulpot ng napakalalaking gastusin ay pwedeng sumira sa iyong buhay pinansyal, lalo na kapag kinailangan mong manghiram ng napakalaking halaga (at mabaon sa utang) para pagpuhunan ang mga ito.
12. “You must know the difference between an asset and a liability, and buy assets.” — Robert Kiyosaki (Kailangan mong alamin ang pagkakaiba ng assets at liabilities, at bumili ka ng assets). Simple lang ang pinagkaiba nila. Ang mga assets nagbabalik ng pera, ang mga liabilities ay gastos lang. Halimbawa, ang kotse ay gastusin na nagbabawas lang ng pera (depreciation, maintenance, gas, atbp.) kaya isa itong liability para sa karamihan, pero para sa isang taxi/Uber/Grab driver na kumikita mula sa kanilang kotse, ito ay isang asset. Ang masamang stock mula sa walang kwentang kumpanya na nawawalan lang ng halaga ay isang liability, pero ang stock mula sa mabuting kumpanya na lumalaki ang halaga sa pagdaan ng panahon at kumikita ng dibidendo ay isang asset. Pag-aralan mo kung ano ang mga assets at mag-invest ka sa kanila!
13. Pag-aralan mo kung paano mag-invest. Stocks, bonds, mutual funds, real estate o lupa, precious metals, commodities, sarili mong negosyo, atbp. Maraming assets ang pwede mong pagpilian, kaya pag-aralan mo ang mga ito at mag-invest ka sa mabubuting assets na gusto mo.
14. Pag-aralan mo ang ginawa ng mga experto, hindi ang gawain ng mga pekeng experto. Huwag mong papaniwalaan ang lahat ng nababasa mo (kasama na ang article na ito), at mag ingat ka sa mga “propesyonal” na nagbebeta ng kanilang “expert advice”.
15. Pag-aralan mong mabuti ang iyong investments. Kung hindi, baka mailagay mo ang pera mo sa isang scam, o maloko ka lang ng isang broker na sinungaling.
16. Iwasan mo ang mga “popular” na stocks at investments. Bumili ka lang kapag mainam bilihin ang isang investment, hindi dahil sabi sabi lang ng iba na mabuti ito. Doon nabubuo ang market bubbles at kung bakit maraming nalulugi sa pag-invest. Hinahabol nila ang mga “exciting” stock picks at bumibili sila kapag sobrang taas na ng presyo nito, at saka sila nalulugi kapag nagka-correction o bumaba sa tamang halaga ang presyo ng binili nila.
I will tell you how to become rich. Close the doors. Be fearful when others are greedy. Be greedy when others are fearful.
— Warren Buffett
(Ituturo ko sa iyo kung paano yumaman. Isarado mo ang pinto. Matakot ka kapag nagiging sakim ang iba. Maging sakim ka kapag natatakot ang iba.)
17. Tanggapin mo ang volatility (pagbago bago ng presyo). Walang sigurado sa mga mabubuting gawain. Kailangan mo lang gumawa ng edukadong desisyon (hindi hula hula) at gumawa ng kalkuladong aksyon. Kapag gumaling o naging dalubhasa ka rito, mas tataas ang pagkakataon mong magtagumpay.
18. Maging mapagmasid (observant) ka. Makakahanap ka ng mabubuting oportunidad, at palatandaan ng panganib (hal. tindahang maraming customers = pwedeng mabuting investment; tindahang dati ay puno ng customers pero wala nang tao ngayon = red flag o mapanganib kapag maginvest ka dito).
19. Mag ingat ka sa mga “advisers” (stock brokers, forex brokers, atbp.) na gusto kang pagsabihan kung paano mo dapat gamitin ang pera mo (sa investments). Malamang kumikita sila ng komisyon mula sa iyo, kumita ka man mula sa advice nila o hindi (malugi).
20. Tanggalin mo na ang maling paniniwala mo tungkol sa pera. “Money is evil” (masama ang pera)? “Rich people are evil” (masama ang mayayaman)? Kapag nakahanap ka ng isang kilo ng ginto sa iyong lupa, iisipin mo bang masama ito? Kapag nakaimbento ka ng gamot sa cancer at kumita ka ng maraming pera dahil marami kang nailigtas mula dito, ibig sabihin ba noon masama kang tao? Uulitin ko, alisin mo na ang maling paniniwala mo tungkol sa pera.
21. Hindi ka magtatagumpay kung puro pagkabigo lang ang iniisip mo. Iwasan mo ang kahirapan sa iyong pagiisip at pagtuonan mo ng pansin ang mga oportunidad na nahahanap mo sa buhay.
22. Huwag mong kakalimutan, ang pera ay simbolo ng mabuting ginawa mo. Ang mahahalagang bagay na ginagawa mo sa trabaho o negosyo ay nagiging pera, at pwede mong gamitin ang perang iyon para mabili ang mga mabuting nilikha ng IBANG tao sa kanilang mga trabaho at negosyo.
23. Pag-isipan mong magtayo ng sarili mong negosyo. Hindi para sa lahat ang pagiging entrepreneur… pero baka sakali mabuting landas ito para sa iyo. Ganoon pa man, ikaw lamang ang makakapagdesisyon para sa sarili mo.
24. Ang pagiisip mo tungkol sa pera ay makakaapekto sa iyong finances. Hindi ka aasenso kapag iniisip mong maghihirap ka habang buhay.
25. Huwag kang magpapahiram ng pera sa mga mapang-abuso. Mas lalo mo lang silang sinasaktan dahil sa pagsuporta mo sa kanilang bisyo at pagpapahina mo sa kanilang kakayahang umasenso gamit ang sarili nilang abilidad.
26. Mag-invest ka sa sarili mo. Ikaw ang pinakamahalaga mong asset. Pag-aralan mo kung paano pagbubutihin ang iyong mga kakayahan at pag-aralan mo ang mga bagay na makakatulong sa iyong umasenso at magtagumpay sa buhay.
An investment in knowledge pays the best interest.
— Benjamin Franklin
(Ang pagpuhunan sa kaalaman ay nakapagbibigay ng pinakamabuting interest.)
27. Isang bahagi lang ang pagiipon at pagtitipid ng pera, at hindi ka magtatagumpay kapag defense lang ang iyong ginagawa. Bukod sa pagpapababa ng paggastos, kailangan mo ring pag-isipian ang mga paraan upang palakihin ang iyong kinikita.
28. Gawin mong layunin ang financial freedom. Buoin mo ang iyong investment portfolio o sistema sa negosyo sa paraang pwede kang kumita ng maraming pera mula dito kahit hindi ka na directang nagtratrabaho dito (ito ang tinatawag na “passive income).
29. Huwag kang magsisinungaling, mandadaya, o magnanakaw para kumita ng pera. Hindi ito mabuting gawain dahil walang hanggan (at mas madali) ang mga trabahong pwedeng gawin para yumaman.
30. Huwag mong kakalimutan kung bakit ka kumikita ng pera—ito ay para sa masaya at masaganang pamumuhay. Ang pagsakripisyo ng iyong kalusugan, kasiyahahan, pamilya, at iba pang bahagi ng buhay para lang sa malaking bank account ay madalas hindi mo pagkakatuwaan. Mahalaga nga ang pera, pero alalahanin mo na ito ay kagamitan lamang para mabuhay ng masaya at masagana.
Iyon ang iilang pinakamabuting personal finance tips na naiiisip namin ngayon. May naiisip ka pa bang ibang payo? Sabihin mo sa comments section sa ibaba!
Leave a Reply