*Ang article na ito ay naglalaman ng affiliate links.
English Version (Click Here)
Sobrang dami ng mga dahilan kung bakit maraming tao ang nagiging biguan, tulad ng kawalan ng mabubuting oportunidad, kakulangan ng edukasyon, hindi napabuting komunidad at infrastruktura, at marami pang iba. Ganoon pa man, marami pa rin ang nagtatagumpay sa buhay sa halip ng mga hadlang na iyon. Maraming bagay sa buhay ang hindi natin kontrolado tulad ng kalagayan ng ating pagkapanganak, ang estado ng ating komunidad, at iba pa. Kahit ganoon, marami pa rin tayong KAYANG kontrolin sa ating buhay, tulad ng kung paano natin ginagamit ang ating oras, paano natin ginagamit ang ating isipan, at kung paano natin pinagplaplanuhan at binubuo ang ating kinabukasan.
Dapat nating alalahanin na halos lahat ng nakakamit natin sa buhay ay resulta ng ating mga gawain at pagkakamali. Ito ang sampung pinakamadalas na dahilan kung bakit ang karamihan sa atin ay hindi nagtatagumpay, at kung paano mo maiiwasan ang mga ito. Kung pangarap mong paunlarin ang iyong sarili at ang iyong kapalaran, kailangan mong pag-aralang gamitin ang lahat ng mga aral na matututunan mo dito.
10 Dahilan kung Bakit Hindi ka Magtatagumpay sa Buhay (at Paano ito Lulutasin)
1. Wala Kang Layunin o Pangarap.
Napakaraming life coaches katulad nina Jack Canfield at Brian Tracy ang nagtuturo nitong aral na ito: kung wala kang pinapangarap, wala kang makakamit. Totoo ito para sa ating lahat. Ang mga taong may ambisyon at nangangarap umasenso at maging masagana ang buhay ang sumusubok magsikap, nagpapatuloy sa planadong risks, at nagtatagumpay sa huli. Para sa ibang karaniwang tao, ang nakakamit lang nila ay ang ordinaryo: isang nakakabagot na trabaho para lang magbayad ng mga gastusin, at wala nang iba pa.
Ano ang pangarap mong makamit bago ka mamatay? Ano ang pinakamahalaga mong inaasahan at hinahangad? Ano man iyon, gawin mo itong goal o layunin at PAGSIKAPAN mo ito. Kung gusto mong matutunan kung paano gumawa ng mabuting goals o layunin, basahin mo ang article na ito.
2. Hindi Ka Naniniwalang Posible Mong Makamit ang Gusto Mo.
Eto ang simpleng point. Kung may nakikita kang bundok sa harapan mo at sinabi sa iyo na kapag narating mo ang tuktok makakakuha ka ng isang libong dolyar (halos P50,000). Mapanganib nga lang ang daanan sa matarik na bangin ng bundok. Aakyatin mo pa ba ito?
Kung naniniwala kang kaya mo, malamang susubukan mo. Hihingi ka ng tulong mula sa mga guides at maghahanda ka ng tamang kagamitan para maging mas ligtas at madali ang iyong pag-akyat, at dahil doon tataas ang pagkakataon mong magtagumpay. Kung naniniwala kang HINDI mo kaya, malamang hindi mo susubukan at iiwan mo lang ang oportunidad kung saan pwede ka sanang makakuha ng maraming pera. Eto nga naman, kung naniniwala kang kaya mo at sinubukan mo, may pagkakataong mabigo ka, pero may pagkakataon pa ring MAGTAGUMPAY ka. Kung HINDI mo sinubukan, siguradong TALO KA. Iyon ang isang malaking pagkakaiba ng mga nagtatagumpay sa buhay at ang lahat ng ibang tao. Isipin mo lang. Nakapasok ka sa trabaho o negosyong gusto mo dahil inisip mong kaya mo ito o kaya mong matutunang gawin ito. Sa bawat mas-mabuting trabahong pwede mo SANANG gawin pero hindi mo inakalang kaya mo, malamang hindi mo isinubmit ang iyong resume at hindi mo kinuha ang oportunidad para umasenso.
Magtiwala ka sa iyong kakayahan. Kung hindi, mapapasawala lang ang lahat ng oportunidad na dumadaan sa buhay mo araw araw. Para sa mga oportunidad na WALA ka pang kakayahang magamit, bakit hindi mo muna pag-aralan ang kailangan mong matutunan para magamit mo sila?
3. Nagrereklamo Ka, Gumagawa Ka ng Palusot, at Naninisi Ka ng Iba.
Mararamdaman mong powerless ka kapag nakakadena ka sa isang poste o nakabaon ka sa semento, kaya bakit mo gagawin ang bagay na katulad nito gamit ang iyong isipan at salita? Ang lahat ng sinasabi at pinag-iisipan mo ay nakakaapekto sa iyong mga gawain, at ang lahat ng ginagawa mo ay nakakaapekto sa iyong mundo. Pwede mo silang gamitin para lutasin ang iyong mga problema at pagbutihin ang mundong kinagagalawan mo. Bakit mo aalisin ang kakayahan mong yon sa pagrereklamo lang, paninisi, at paggawa ng palusot kaysa MAGSIKAP PARA UMASENSO?
Maging responsable ka tungkol sa buhay mo. Iyon ang pinakaunang aral sa “The Success Principles” ni Jack Canfield. Huwag ka nang magreklamo tungkol sa mga bagay na hindi mo kontrolado at simulan mong gamitin ang mga bagay na KAYA mong kontrolin—ang iyong mga pinag-iisipan, salita, at gawa. Gamitin mo ang kakayahan, kaalaman, at oras mo para pagbutihin ang iyong buhay kaysa magsayang ka ng oras sa pagrereklamo, paninisi, at paggawa ng palusot.
4. Nagsasayang Ka ng Pera.
Ang ilan sa atin ay kumikita ng P15,000 kada buwan, ang ilan kumikita ng P20,000, at ang ilan din ay kumikita ng P30,000 o higit pa. Bakit nga ba kahit anong sweldo ang kinikita naitn, karamihan sa atin ay walang natitira sa pagtapos ng buwan? Simple lang yan. Ano man ang sweldo natin, hindi natin napapansin na lumalaki ang paggastos natin kasama nito. Di gaya ng pagkain kung saan natututunan nating tumigil kapag tayo’y nabusog, ang pagwalgas ng pera ay tumitigil lamang kapag naubos na ang perang magagamit natin (at kung hindi na natin kayang manghiram pa para gumastos ng lubos).
Anong masama sa paggastos ng lahat ng ating pera? Simple. Kapag nagkasakit tayo o may problemang dumating, WALA tayong magagamit para protektahan ang ating finances. Malamang kakailanganin nating manghiram ng pera para magbayad ng pagpapagamot o repair fees, at kung hindi natin inalagaang mabuti ang pera natin, mababaon tayo sa utang.
Ano pa ba ang masama sa paggastos ng lahat ng ating kinikita? Kapag may oportunidad kang nakaharap at kailangan mo ng pera bilang kapital o kailangan mo ng kaunting pera para suportahan ang sarili at pamilya para makapagadjust, wala tayong perang magagamit. Dahil doon, mananatili tayo sa trabahong ayaw natin at maiiwanan tayo ng mga mabubuting oportunidad sa buhay dahil kailangan natin ang pera pambayad sa mga gastusin.
Mananatili kang talunan dahil hindi ka nag-iipon. Huwag mong kalilimutan ang aral na ito mula kay Orison Swett Marden: “nothing makes a businessman so absolutely independent as ready cash” (walang nagbibigay ng kalayaan sa isang negosyante tulad ng nakahandang pera). Kung pangarap mong maging successful, kailangan mong matutunan ang mabuting paghawak ng pera.
5. Nagsasayang Ka ng Oras.
May kasabihan tayong “aanihin mo ang iyong itinanim.” Ang lahat ng ginawa mo at HINDI MO GINAWA ngayon ay makaaapekto sa iyong kinabukasan. Habang ang ibang tao ay nageexercise sa gym o nagbabasa ng mabubuting libro para umasenso sa negosyo at career, ang iba nagsasayang ng oras panonood ng TV o nagbabasa ng tsismis at nagpapakaaliw sa internet at social media (facebook).
Ano ang ginagawa mo sa iyong libreng oras? Pwede kang magsayang ng ilang oras sa walang katuturang libangan, o pwede mong gamitin ang ilang oras dito sa pagpapabuti sa iyong sarili. Huwag mong kalilimutan na kapag mas-marami kang nalalaman, mas-marami kang oportunidad na makikita at magagamit. Ikaw ang bahala. Pag-isipan mo lang. Pwede mong ubusin ang buong weekend sa panonood ng TV… o pwede mong gamitin ang ilang oras doon sa pagbabasa tungkol sa kung paano mag-ipon at mag-invest para sa tuition ng iyong anak, paano magtayo ng negosyo, at paano magsikap para makamit ang masaganang pagretiro. Ikaw lang naman ang bahala sa mga ito.
6. Sumasama Ka sa mga Hindi Mabubuting Kaibigan.
“Tell me who your friends are and I’ll tell you who you are” (sabihin mo sa akin kung sino ang mga kaibigan mo at sasabihin ko sa iyo ang pagkatao mo) at “you are the average of the five people you hang out with the most” (ikaw ang average ng limang taong pinakamadalas mong nakakasama) ay dalawang napakapopular na kasabihan, at ang mga ito’y mga babala na rin. Kung sumasama ka sa mga naninisi at mapagreklamo, malamang sasali ka sa kanilang “failure olympics” (“minamalas ka? Pakinggan mo yung pinakabagong problemang dinanas ko!”) at waka lang matatapos. Masama pa doon, baka makasama mo ang mga users at abusers na hihilahin ka pababa, sasaktan ka lang, at manghihiram ng pera mo at hindi ka babayaran.
Tandaan mong mas-mabuting manatiling mag-sa tuwing lunch at coffee breaks kaysa sumama sa mga masasamang tao. Pumili ka ng mga mabubuting kaibigan—mga taong nagsisikap umasenso. Lalakas ang loob mo dahil sa kanilang pagpupunyagi at malamang magiging matagumpay ka rin katulad nila.
7. Pinag-iisipan Mo ang mga Hindi Mabubuting Bagay.
Napakaraming self-improvement books ang nagtuturo ng aral na ito dahil ito’y NAPAKAHALAGA: You BECOME what you think about. Ang buhay mo ay natutulad sa pinag-iisipan mo. Ang pag-iisip mo ay nakaaapekto sa LAHAT ng bahagi ng buhay mo.
Isipin mo lang. Sino ang palaging nag-iisip uminom at maglasing? Mga LASENGGO. Sino ang mga nag-iisip magnakaw ng mga wallet o pitaka? Mga mandurukot at magnanakaw. Sino ang nag-iisip mangholdap? Mga KRIMINAL.
Ngayon, anong klaseng tao naman ang nag-iisip ng paraan para mas-gumaling o umasenso ang performance ng kanilang team o organisasyon? Mga leaders. Sino ang nag-iisip gumawa ng mga bagong produkto o negosyo? Mga entrepreneurs at negosyante. Sino ang nag-iisip tungkol sa mga assets na susunod nilang pagpupuhunan? Mga investors.
Alin sa mga iyon ang mas-gusto mong maging? Nakadepende ito sa kung ano ang pag-iisipan mo buong araw, araw-araw. Punuin mo ng mabubuti at produktibong idea ang iyong isipan at malamang makakamit mo ang mabuting kapalaran.
8. Naghahanap Ka ng Shortcuts.
Alam ng maraming tao na ang pagiging magaling na artist, doktor, negosyante, o iba pang propesyonal ay nangangailangan ng maraming oras at pagpupunyagi. Kung gayon, bakit iniisip ng marami na ang pag-asenso o pagyaman ay nakasalalay lang sa swerte kaysa sa pagsisikap at karunungan? Napakaraming tao ang naghahanap lang ng shortcuts sa pag-asenso kaysa magsikap para dito, at dahil doon marami ang nananatiling talunan o failures habang buhay. Ilan nga ba ang naloloko ng mga “sure win” investments? Ilan ang nawawalan ng pera sa bank accounts dahil sa mga “get rich quick schemes”? Ilan ang nagsasayang ng kanilang buhay para lang palaging MATALO sa lotto? Sabi ni Samuel Smiles, walang ibang nakasisira sa mga tao tulad ng “gambling instinct.” Iyon ang kagustuhang makakuha ng pera ng mabilisan ng walang pag-iisip o pagsisikap.
Huwag mong kalilimutan ito: ang kayamanan at kasaganaan, at ang tinutukoy ko ay TOTOO at NAGTATAGAL na kayamanan at kasaganaan, ay nangangailangan ng maraming wisdom o karunungan AT pagsisikap. Walang ibang paraan para makamit ito. Kung gusto mo pa ring subukang magmadali, mag-ingat ka na lang. Wag mong sasabihing hindi ka namin binalaan. Kung ikaw nga ay naloko o pumalya ang iyong “get rich quick sceme”, wala kang ibang masisisi kundi ang sarili mo. Mas mainam na maghanap ka ng makatotohanan at mabuting paraan para umasenso at yumaman, at magsikap ka rito hanggang magtagumpay ka.
9. Tumigil Ka sa Pagpapabuti sa Iyong Sarili.
Sabi nga, ang isa sa pinakamasamang pagkakamali na pwede mong gawin ay ang pag-iisip na tapos na ang edukasyon mo pagkagraduate mo sa iyong paaralan o unibersidad. Sabi ni Oliver Cromwell, isang military at political leader sa England noong 1600s, “he who stops getting better stops being good.” Ang tumigil sa pagpapabuti sa sarili ay tumigil na sa pagiging magaling. Kung hindi ka nagpapatuloy sa pag-improve ng iyong sarili, ikaw ay magiging walang kwenta. Maiiwan ka ng mga taong nageensayo at nagsasanay para mas-gumaling. Sila ang mapropromote at sila ang makakakuha ng mas-maraming customers habang IKAW ay maiiwan at malulugi.
Huwag mong hayaang mangyari iyon. Ipagpatuloy mo ang pagpapabuti sa iyong sarili. Pag-aralan mo ang mga bagay na makakapagpalaki ng iyong sweldo, makakabuti sa iyong career, at makakadagdag sa iyong kaalaman at karunungan. Kung hindi mo ito gagawin, malamang magiging isa ka pang talunan o biguan.
10. Hindi Ka Nagsisimula.
Pwede mong basahin ang pinakamabuti at pinakamahalagang libro at articles hanggang gusto mo, pero kapag hindi mo GINAMIT ang kaalaman at karunungang natutunan mo, edi nasayang lang ang panahon at pagod mo. Ito rin ay nakakabastos sa mga manunulat at guro na gumamit ng kanilang panahon at pagpupunyagi para ituro sa iyo ang mga bagay na makakatulong sa iyong umasenso sa buhay. Isipin mong nagbayad ka ng tuition ng isang batang kalye para makakuha sila ng mabuting kinabukasan, pero nalaman mong bumalik lang siya sa lansangan para manlimos at suminghot ng rugby. Halos ganoon din ang ginagawa mo kapag sinayang mo ang karunungan at kaalamang sinubukang ibigay sa iyo ng ibang tao. Huwag mong hayaang mangyari iyon.
Ikaw ang ang makakapagpaasenso sa buhay mo, at siguradong magagawa mo iyon kapag pinag-aralan mo kung paano. Hindi ba panahon na para maglikha ng mas-mabuting kinabukasan para sa iyo at sa pamilya mo? Siguradong papasalamatan mo ang sarili mo kapag ginawa mo iyon, at kapag nagsimula ka agad, mas-mataas ang pagkakataon mong magtagumpay.
Gusto mo ba ng mas-mabuti at mas-KUMPLETONG lesson tungkol sa pag-asenso at kasaganaan? Tignan mo ang Premium eBook namin sa Amazon! (iClick mo ang picture sa ibaba)
Leave a Reply