English Version (Click Here)
Nagorder ka na ba sa isang magandang restaurant kahit mas sulit kumain sa isang fast food restaurant? Nagbayad ka na ba para sa isang massage, spa treatment, o guided tour ng isang lugar kahit hindi mo naman ito kailangan? Nagtaxi ka na ba kahit pwede ka namang maglakad ng isang oras para mapuntahan ang lugar na kailangan mong puntahan? Nagdonate ka na ba sa charity?
Itinanong mo na ba sa sarili mo kung bakit mo ginawa ang mga iyon?
Kung natutunan mong itanong at sagutin ang tanong na iyon para sa sarili at sa ibang tao, natutunan mo na ang isa sa pinakamahalagang payo tungkol sa sales. Kung hindi mo pa alam gamitin ito, malamang magsasayang ka ng maraming oras sa advertising para sa iyong negosyo at sa mga job hunting services. Basahin mo lang ito at lubusan itong makatutulong sa iyong career at negosyo.
Paano MagPromote ng Sarili at ng Iyong Negosyo ng Mabuti
Kapag nakatira ka sa siyudad, malamang nakita mo na ang mga magagarang coffee shop sa halos lahat ng kalsada. Bakit nga ba may magbabayad ng P100 hanggang P250 para sa isang baso ng kape kapag pwede ka namang bumili ng pangkaraniwang kape ng wala pang P50 ang gastos?
Isipin mo na lang kapag gagawin mo ito. Maghalo ka ng instant coffee, umupo ka sa tabi ng isang basurahan sa kalsada, at saka ka uminom. Kahit magkaroon ka ng energy mula sa caffeine, hindi nakakatuwa ang ginawa mo no?
Bakit nga ba tayo bumibili ng mamahaling kape? Hindi nga naman kape lang ang binibili nila. Bumibili sila ng pride at social status (pagiging sosyal), ang ambiance ng cafe, at iba pa. Ito ang isa sa pinakamahalagang aral na natutunan ko sa Made to Stick: Why Some Ideas Survive and Others Die nina Chip Heath at Dan Heath:
Ang mga tao ay hindi bumibili ng produkto. Binibili nila ang RESULTA.
- Hindi tayo bumibili ng kotse dahil sa horsepower nito o anong metal gawa ang suspension. Bumibili tayo dahil sa convenience ng paglakbay gamit ng sarili nating sasakyan kumpara sa paglalakad ng malayo o pagcommute sa bus o tren.
- Hindi tayo bumibili ng vacuum cleaner. Bumibili tayo ng malinis na bahay at convenience ng pagkakaroon ng malinis na bahay ng mabilisan. Isipin mo na lang kung maglilinis ka gamit mga kamay mo lang at wala nang iba.
- Hindi tayo bumibili ng bottled water o tubig sa bahay (indoor plumbing). Bumibili tayo ng kalusugan. Subukan mo lang uminom ng tubig mula sa kanal.
Bakit ito mahalaga? Napakarami kasi sa atin ang nagsasayang ng oras at pera sa pagbili ng walang kwentang ads at sales pitch kung saan ang paggamit lang ng prinsipyong ito ay makakatulong ng husto sa pagkumbinsi ng iba. Tutulungan ka ng mga tao kung naintindihan nila na matutulungan mo sila gamit ang serbisyo o produkto mo.
Itanong mo: “Bakit ito mahalaga sa kanila?”
Nahirapan ka bang makakuha ng trabaho kahit mahusay ang qualifications mo? Pumasok ka na ba sa sales o nagnegosyo at nahirapang magbenta?
Kung katulad ka ng karamihan, pinaguusapan mo kung saan ka naggraduate, anong mga organisasyon ang sinalihan mo, atbp. sa mga job interviews. Kung sinusubukan mong magbenta ng produkto, malamang nililista mo ang mga features, paano ito nagawa, anong nagagawa nito, atbp.
Alalahanin mo ang aral dito: People don’t buy products. They buy RESULTS.
Ang mga tao ay hindi bumibili ng produkto. Binibili nila ang RESULTA.
Bakit ka nga naman kukunin noong employer? Hindi lang dahil nagtapos ka sa mabuting paaralan o sumali ka sa ilang organisasyon. Ito’y dahil magaling ka sa trabahong ginagawa nila. Sabihin mo kung paano mo ginamit ang kaparehong software o kagamitan nila, o IPAKITA mo kung gaano ka kagaling doon. Ito rin ay dahil mukhang maayos kang katrabaho at mukhang magiging mabuti kang kasama sa kanilang mga kaibigan at teammates kumpara sa isang candidate na nagtapos sa parehong paaralan.
Bakit sila bibili ng produkto mo? Hindi dahil mayroon itong anodized coating o gumagamit ito ng octacore processor. Ito’y dahil hindi ito masisira kahit nabagsak mo o malalaro nito ang mga games na gusto nila sa pinakamatataas na settings ng walang load time.
Gusto ng mga tao ang benepisyo
Hindi natin nagugustuhan ang mga kaibigan natin dahil may bachelor’s degree sila sa isang subject o iba pa. Kinakasama natin ang mga kaibigan natin dahil natutuwa tayo sa mga jokes nila o nakikipagusap tayo tungkol sa mga bagay na gusto natin. Iniiwasan rin natin ang mga toxic o abusadong tao dahil nananakit sila.
Hindi tayo nagpapatuloy sa ating trabaho dahil ang opisina ay nagpapahalaga sa cooperation o “innovative” ang kumpanya. Nananatili tayo dahil gusto natin ang sahod o natutuwa tayo sa trabaho (hal. isang digital artist na kinuha para gumawa ng magagandang game characters).
Hindi tayo kumakain sa isang restaurant dahil ang chef ay naglalagay ng 23ml ng tomato sauce sa isang sandwich kung saan ang tinapay ay tinusta sa loob ng tatlong minuto. Kumakain tayo sa isang restaurant o cafe dahil masarap ang pagkain, sulit ito, ito rin ay malinis at maayos ang paligid, o iba pa at mas mabuti ito kaysa sa pagkain ng tinapay sa iyong mesa.
Kung gusto mong bumili sa iyo ang isang tao o sumuporta sa kagustuhan mo, kailangan ipakita mo kung paano ito nakakabenepisyo sa kanila, AT kailangan honest o tapat ka sa ginagawa mo. Habang ang ibang nasa sales ay nambobola tungkol sa kakayahan ng kanilang produkto para makabenta at ang ilang candidato ay nagsisinungaling sa kanilang resume para makuha ang trabaho, dapat iwasan mo ang paggawa noon. Makukutoban nila na nagsisinungaling ka at mawawalan sila ng respeto sa iyo kapag nahuli ka.
Paano ito makakatulong sa iyo na pagasenso?
Kung may nangangailangan ng isang bagay na kaya mong gawin, gagawin mo ito at saka ka kikita. Iyon nga naman ang ginagawa mo sa trabaho. Ginagawa mo ang trabahong kailangan ng may ari ng kumpanya. Kapag IKAW naman ang nangangailangan, babayaran mo ang iba para gawin ito para sa iyo. Ganoon gumagana ang buhay natin ngayon. May nangangailangan ng report o magsumite ng account, ikaw ang gagawa at sasahod ka. Kailangan mo ng pagkain o kailangan mong magbayad para sa airplane ticket para makapaglakbay, babayaran mo ang grocer at magsasaka para sa pagkain at babayaran mo ang airlines para makapaglakbay gamit ang aircraft nila.
Ang mga tao ay palaging nangangailangan ng mga bagay at depende sa halaga nito (pagwawalis vs. heart surgery na nakakapagligtas ng buhay vs. pagimbento ng gamot sa cancer), ikaw ay kikita depende sa halaga ng nagawa mo.
Ang mga tao ay nagbabayad para sa resulta. Kung sinubukan mong magbenta ng walang kwentang produkto o trabaho, walang gugusto nito lalo na kapag may ibang taong nakakagawa nito ng mas mabuti kumpara sa iyo. Bukod pa doon, kailangan mong ipakita sa mga nangangailangan na kaya mong iresolba ang mga problema nila. Ang isang surgeon ay pwedeng sabihin sa pasyenteng namamatay sa heart disease na “marunong akong magputol at magtahi ng veins at arteries” kung kailan ang dapat nilang sinabi ay “kung gusto mong mabuhay pa para makita ang mga apo mong lumaki, kaya kitang iligtas gamit ang aking kakayahang manggamot”. Ang kandidato sa isang marketing job ay pwedeng sabihin “nagtapos ako ng ma mataas na grades at marunong akong gumamit ng Photoshop, Illustrator, atbp.” kung kailan dapat sinabi nila “kaya kong gumawa ng mga ads, posters at banners na makakatulong sa iyong magbenta ng mas maraming produkto.”
Ibigay mo ang pinakamabuting sebisyong kaya mong gawin ayon sa iyong kaalaman at kakayahan, at saka alamin mo kung paano ito ipapakita sa mga taong NANGANGAILANGAN ng iyong kakayahan at kaalaman. Kailangan ka ng ibang tao para lutasin ang mga problema nila kaya gawin mo. Babayaran ka at iyon ay makakatulong sa iyong makamit ang IYONG mga kailangan. Pwede kang magtagumpay kapag tinulungan mo ang ibang taong magtagumpay gamit ang iyong mga kakayahan. Ganoon nga naman gumagana ang mundo natin. Alahanin mo ang aral na ito:
You can have everything in life you want, if you will just help other people get what they want.
— Zig Ziglar
Makakamit mo ang lahat ng gusto mo, basta tulungan mo lang ang ibang taong makamit ang mga gusto nila.
[…] Ilarawan mo ng mabuti ang mga produkto at serbisyong ibebenta mo. Ano ang mga ito at ano ang benepisyong naibibigay nila? Paano ito ginagawa? May mga kaparehong produkto ba sa market? Gaano kabuti ang iyong produkto kumpara sa iba? Bukod sa lahat, pag usapan mo kung bakit gugustuhin ng mga customers ang iyong produkto. Anong pangunahing benepisyo ang ibibigay ng iyong produkto o serbisyo sa ibang tao? […]