English Version (Click Here)
Lahat tayo ay may haharaping suliranin at minsan may mga problemang lalabas na mukhang masyadong mahirap lutasin. Buti na lang maraming paraan para makaalis sa masamang sitwasyon at walang-hanggan ang mga paraan upang lagpasan ang kahit anong hadlang. Ang kailangan mo lang malaman ay ang paraan kung paano ito mahahanap.
Ano ang pinoproblema mo?
Masyadong stressful o nakakabagot ang iyong trabaho at gusto mong umalis… pero wala kang mahanap na mas-mabuting pagtratrabahuhan.
Pangarap mong magpayaman para tumira sa mas-magandang bahay, kumain ng masustansyang pagkain, at mag-aral ang mga anak mo sa mas-mabubuting paaralan… pero nanggaling ka sa mahirap na pamilya at hindi mo alam kung ano ang iyong gagawin.
Pangarap mong maglakbay, makatulong sa mahihirap, o sundan ang iba mo pang pangarap sa buhay… pero nakatali ka sa iyong mga napakaraming responsibilidad.
“Paano ako makakahanap ng mas-magandang trabaho? Paano ako yayaman? Paano ko masusundan ang aking pangarap?” Kung tinanong mo iyon kay Robert H. Schuller, isang pastor, motivational speaker, at may akda ng mga libro kagaya ng “Tough Times Never Last, but Tough People do!”, sasagutin ka niya ng kakaibang tanong:
“Paano ka makakahuli ng marlin?”
Ano ang kinalaman noon sa pagkuha ng mas-mabuting trabaho o kahit anong problema na hinaharap mo? Pag-isipan mong mabuti.
Paano ka nga ba makakahuli ng 300-pound marlin?
Saan sila nabubuhay? Hindi mo sila mahahanap sa polluted Pasig river o sa kalagitnaan ng Tondo. Kailangan mong maglakbay patungo sa kung saan sila nakatira: Northeastern Australia, Hawaii, Bermuda, o sa iba pang popular na palaisdaan. Kailangan mo rin ng tamang fishing equipment at isang mabuting bangka para makapaglayag sa dagat. Sa huli, kapag nakarating ka na doon, maglabas ka ng paing! Kapag may kumagat, gamitin mo ang lahat ng iyong lakas para mahuli ang napakalaking isda na iyon.
Nakuha mo na ba ang aral?
Paano mo malulutas ang halos kahit-anong problema?
Simple: Pag-Isipan mo lang mabuti!
Problema dati ang paglipad hanggang may nakaisip gumawa ng hot air balloon at airplanes. Problema dati ang paglalakbay sa malalayong lugar hanggang may nakaisip gumawa ng barko at kotse. Problema dati ang pag-uusap sa mga taong nasa malalayong lugar hanggang may nakaisip gumawa ng mga sulat, telegrams, telepono, at email.
Ano mang problema ang mayroon ka, pag-isipan mo lang mabuti. Ang solusyon ay nariyan lang, at mahahanap mo lamang iyon kapag pinag-isipan mo ito kaysa magreklamo, mag-alala lang, o takasan ang iyong problema. Huwag kang mapanatag sa iisang solusyon lamang, mag-brainstorm (mag-isip) ka ng maraming idea at isulat mo lamang ang mga ito kahit nakakatawa o kakaiba man ang mga solusyong naiisip mo. Baka nga ang mga iyon pa ang gumana. Subukan mo ring magtanong sa iba, lalo na sa mga humarap at nakalagpas sa mga ganoong problema. Kahit hindi mo man magamit ang iilang solusyong makuha mo, malamang makakahanap ka rin ng paraang gagana para sa iyo. Ang iyong subconscious mind ay makakahanap ng creative na solusyon at ang iyong Reticular Activating System (RAS), ang bahagi ng iyong utak na namamahala sa iyong atensyon, ay makakahanap ng mga oportunidad at kagamitan na kailangan mo. Kapag nakahanap ka na ng solusyon, ang kailangan mo na lang ay isagawa ang mga ito.
Gusto mo ng bagong trabaho? Hindi mo ito makukuha kapag nagrereklamo ka lang tungkol sa trabaho mo ngayon. Maghanap ka online sa internet, magtanong ka sa mga kaibigan, o magtanong ka sa mga kapitbahay.
Gusto mong magsikap at magpayaman? Hindi ka yayaman kapag nilalait mo lang ang mga mayayaman. Pag-aralan mong magtayo ng negosyo na nagbibigay sa mga tao ng kanilang mga kinakailangan, pag-aralan mong mag-ipon at mag-invest, o pag-aralan mo ang mga bago at mahahalagang kakayahan o skills na magagamit mo para kumita ng malaking sweldo.
Gusto mong maipasabuhay ang iyong mga pangarap? Hindi mo ito makakamit sa paghihintay lamang. Pag-aralan mo ang kailangan mong gawin para makamit ang mga ito at simulan mo ito sa libre mong oras, kahit isa o dalawang oras lamang ito kada araw.
Iba pang payo sa paglutas ng problema:
- “Paano mo kakainin ang isang elepante?” Sagot: Paisa-isang kagat lamang. Kapag nasosobrahan ka na, alalahanin mo lang na matatapos mo rin iyon. “Ito’y lilipas rin.” Huwag mong takasan ang iyong problema at ipagpatuloy mo lamang hanggang malutas mo ito.
- “Chunk it down.” Sabi ni Jack Canfield, ang pagkamit sa kahit anong malaking layunin ay ang pagtatapos lamang sa libo-libong maliliit na gawain. Hanapin mo ang mga kailangan mong gawin para makamit mo ang pangarap mong makamit.
- Hanapin mo ang iyong susunod na gagawin (“next actions”). Matapos mong hati-hatiin ang iyong layunin para malaman ang mga maliliit na gawain, simulan mong tapusin ang bawat isa sa mga ito… sa paisa-isang kagat lamang.
Ano man ang problemang hinaharap mo, mayroong solusyon na gagana para sa iyo. Mahahanap mo siya… kapag nagsimula ka lamang maghanap.
Leave a Reply