English Version (Click Here)
Para sa lesson natin this week, babalik tayo sa basics! Ngayon, pag-uusapan natin ang investment vehicle na tinatawag na mutual funds. Ano nga ba ito? Isipin mo ito. Sampu kayong magkakaibigan na gustong mag-invest, pero karamihan sa inyo ay hindi marunong pumili ng mga stocks at bonds ng mabubuting kumpanya. Ang isa nyong kaibigan ay isang expert na nagaral ng business sa kolehiyo at nagtrabaho at nagiinvest sila sa stock exchange ng higit dalawampung taon. Dahil magaling siyang pumili ng investment, tinipon tipon niyo ang inyong pera at hinayaan nyong siya ang maginvest para sa inyo (binibigyan nyo sya ng kaunting service charge). Kumikita kayo depende sa kung gaano kagaling ang investment ng kaibigan ninyo at kung gaano karaming pera ang pinahiram mo sa grupo. Ganoon gumana ang mutual fund.
Ang mutual fund ay isang investment kung saan maraming tao ang nagtitipon-tipon ng pera para mag-invest sa assets tulad ng stocks, bonds, money market, at iba pa. Ang mga fund na ito ay pinangangalagaan ng mga propesyonal na money managers at ang layunin nila ay iinvest ang resources ng fund upang kumita ng pera para sa mga shareholders. Ikaw ay magiging shareholder kapag nag-invest ka sa isang mutual fund gamit ang pagbili ng kanilang shares.
Ngayon, bakit mo dapat pag-isipang mag-invest dito?
Ang isang pinakamahalagang rason ay dahil pwede silang kumita ng mas malaki pa kumpara sa kahit anong savings account o time deposit account sa kahit anong bangko. Ang “paginvest” ng pera mo sa savings account ay parang paglagay ng mga buto ng palay sa freezer kumpara sa pagtanim nito sa isang sakahan. Hindi sila tutubo, at mawawalan lang ito ng halaga dahil sa inflation. Naaalala mo kung bakit maraming nabibili ang $1 o P50 noong 1970s pero wala na masyado ngayon? Yun ang inflation.
Sa paginvest ng pera sa mutual funds (o ibang investments tulad ng stocks o real estate), pwedeng tumubo ang pera mo ng mas mabilis kaysa sa inflation depende sa kung gaano kagaling ang mga money managers nito.
Isa pang advantage? Di tulad ng pag-invest sa paisa-isang stocks ng kumpanya o mga bonds kung saan ang maling pagpili ay makakasira sa perang pinampuhunan mo, ang mutual funds ay madalas diversified. Ang ibig sabihin nito, ang pera mo ay nakahiwahiwalay sa mga maraming investments para pababain ang panganib. Isipin mo katulad nito ang paghihiwahiwalay ng mga itlog sa maraming bayong. Kahit may masamang mangyari sa isang bayong, ligtas pa rin ang ibang natira.
May iba ibang klase ng mutual funds. Eto ang iilang halimbawa:
- Ang iba ay nagiinvest lang sa stocks o equities. Mataas ang volatility nila (biglaang pabago bago ang presyo, parang roller coaster) at risk pero mataas ang pwedeng kitain.
- Ang iba ay nagiinvest sa bonds kaya sila ay may mas mababang volatility at mas mababa rin ang pwedeng kitain.
- Ang iba ay nagiinvest sa money market instruments.
- Ang iba naman ay nagiinvest sa kombinasyon ng nasa taas. Madalas tinatawag silang “balanced funds” na may stocks para sa mataas na growth o kita, pero nagiinvest din sa bonds para pababain ang volatility.
- Mayroon din nga palang funds-of-funds na nagiinvest sa IBANG mutual funds.
Alalahanin mo ito: BASAHIN ANG PROSPECTUS.
Ang prospectus ay isang dokumentong naglalaman ng pinakamahahalagang detalye ng fund. Nasa loob nito ang mga detalyeng katulad ng investment objectives o stratehiya ng fund, maintaining balance, minimum partial redemption, ang mga pangalan at backgrounds ng mga money managers, ang performance information ng fund, at marami pang iba.
Ang isa sa pinakamalaking pagkakamali na pwede mong gawin ay hindi alamin ang pinagpupuhunan o pinag-iinvestan mo. Pag-aralan mo muna ang prospectus para malaman ang mga detalye ng paglalagyan mo ng pera.
Ilang Advantages ng Mutual Funds:
- Diversified ang mutual funds.
- Ang pera mo ay pinapangalagaan ng mga propesyonal.
- Maraming klase ng mutual funds kaya malamang makakahanap ka ng tumpak para sa mga pangangailangan mo.
Disadvantages:
- Kinakain ng fees ng fund ang kita mo sa investment.
- Nagkakamali rin ang mga money managers.
Ngayon, baka iniisip mo na mag-invest sa paisa-isang stocks o bonds kaysa sa mutual funds. Pwede mo namang gawin iyon kapag pinag-aralan mong mabuti ang mga assets na iyon at alam mo ang panganib. Kung hindi pa, mabuti pang sa mutual funds ka na lang mag-invest. Sabi ni Ric Edelman, ang may akda ng Ordinary People, Extraordinary Wealth, malamang mas-kikita ka sa pag-invest sa mutual funds kaysa sa paisa-isang stocks:
“If you don’t agree with this statement, buy your own stocks and bonds. If you do agree, choose mutual funds. If you’re not sure, choose mutual funds—because if you try to find out whether you agree or disagree by picking your own investments, you’ll cost yourself a fortune. As my father told me while teaching me to drive: If you know how to cross the intersection safely, do it. If you know you can’t, don’t try. And if you’re not sure, don’t try until you are sure. My dad’s advice has saved my butt more than once.”
Tagalog Translation:
“Kung hindi ka sumasang-ayon sa sinabi ko, bumili ka ng sarili mong stocks at bonds. Kung sumasang-ayon ka, piliin mo mutual funds. Kapag hindi ka sigurado, piliin mo pa rin ang mutual funds—dahil kapag sinubukan mong alamin kung sumasang-ayon ka sa akin o hindi sa pagpili ng sarili mong investments, mawawalan ka ng maraming pera. Sabi nga ng tatay ko noong tinuturuan niya akong magmaneho: Kapag alam mo kung paano tumawid ng intersection ng ligtas, gawin mo. Kapag alam mong hindi mo kaya, wag mong subukan. At kapag hindi ka sigurado, wag mong susubukan hangga’t hindi ka sigurado. Ilang beses na akong nailigtas ng payo ng aking itay.”
Pagpili ng Tamang Fund:
Una sa lahat, alamin mo ang iyong tolerance sa risk. Kakayanin mo ba ang mabilis na pagtaas o pagbaba ng presyo ng iyong investment sa madaling panahon (pero kumikita naman sa matagal na panahon)? Ayos lang ba sa iyo na nakainvest ang pera mo sa isang bagay ng ilang taon? Medyo bata ka pa ba? Pag-isipan mong mag-invest sa mga funds na nagiinvest sa mga stocks o equities.
Ayaw mo ba ng risk at mas-pipiliin mo ang medyo mabagal pero panatag (mababa ang panganib, pero mababa rin ang pwedeng kitain)? Kakailanganin mo bang bawiin ang pera agad? Tumatanda ka na ba at nangangailangan ng “safe” na investment? Pag-isipan mong mag-invest sa mga funds na nagiinvest sa mga bonds o mga money market funds.
Siya nga pala, alalahanin mo ang babalang ito: “Past performance won’t predict future performance.” Ang dating nagawa ay hindi basehan ng magagawa sa pagdaan ng panahon. Hindi dahil magaling ang isang fund noong nakaraang ilang taon ibig sabihin magiging maayos pa rin ang gawain nito sa mga susunod na taon. Ang pinakamagaling na fund ay pwedeng maging pinakanaluging fund ng biglaan. Alalahanin mo iyon sa susunod na may “financial adviser” (na minsan pwedeng tawaging “salesman/saleslady”) na nagpropromote ng kanilang fund sa iyo (basahin mo ang naranasan ng kaibigan ko dito sa link na ito).
Para sa iba pang payo, nagresearch sina David Gardner at Tom Gardner, ang mga may akda ng Motley Fool Million Dollar Portfolio. Nakita nila ang ilang mga katangian ng mabubuting funds:
- Matagal na manager tenure. Dapat tumagal doon ng ilang taon ang mga money managers.
- Mababang expense ratio and mababang 12b-1 fees. Ang mga gastusing ito ay kumakain sa iyong kita.
- Low turnover. Ibig sabihin nito, ang fund ay hindi madalas magtrade ng kanilang stocks, bonds, o iba pang assets.
Isa pang payo, ito naman mula kina Taylor Larimore at Mel Lindauer sa The Boglehead’s Guide to Investing: Piliin mo ang Index Funds. Ang mga index fund ay madalas sumusunod sa isang market index, tulad ng Standard & Poor’s 500 Index (S&P 500) o ng Philippine Stock Exchange Index (PSEi). Ang rason para dito ay maraming propesyonal ang sumusubok talunin ang kita ng market (ang “index”), at marami ang nabibigo. Dahil doon, mabuti nang sundan na lang ang market dahil mabuti ang performance nito sa pagdaan ng panahon.
Tungkol sa Index Funds at Passive Investing
Ang bahaging ito ay dating kasama sa “The First Metro Index on MSCI Philippines IMI Launch” na article. Dahil napakahalaga ng aral na matututunan mo sa bahaging ito, kinopya ko rito ang mga sections tungkol sa index funds at passive investing.
Di tulad ng karamihan sa mga mutual fund, ang mga index funds naman ay gumagamit ng mas-“passive” na uri ng investing. Kaysa palaging bumili o magbenta para sumubok kumita sa mga paggalaw ng stocks, ang mga index funds naman ay kinokopya lamang ang market at hindi sila nagtratrade madalas. Malamang hindi mo ito mahahanap sa mga “big winners” na itinataguyo kada taon, pero kailangan mong alalahanin ito: “Index funds outperform approximately 80 percent of all actively managed funds over long periods of time” (The BogleHead’s Guide to Investing). Ang mga index funds ay mas magaling sa halos 80% ng lahat ng mga actively managed funds sa pagdaan ng panahon. Halimbawa, sa dekada ng 1994 hanggang 2004, ang flagship index fund ng Vanguard ay mas-mabuti ang performance sa halos 73% ng funds na nag-iinvest sa stocks.
Paano naman ang mga tinatawag nilang “best funds”?
Madalas mong makikitang nagaadvertise ang mga actively managed funds na sila daw ang “best” at madalas mayroon silang makukulay na graphs bilang patunay. Alalahanin mo lang ito: “Past performance does not guarantee future returns.” Ang dating nagawa ay hindi basehan ng kikitain sa pagdaan ng panahon. Hindi dahil mabuti ang nagawa ng isang fund, ibig sabihin palaging magiging mabuti ang kikitain niya habang buhay (o kahit sa madaling panahon). Ang pinakamagaling na fund sa taong ito ay pwedeng maging pinakanaluging fund sa susunod. Itanong mo lang sa kaibigan kong bumili ng “magaling” na fund na inirekomenda ng kanyang ate pero nalugi lang sa susunod na mga buwan at hindi na nakabawi.
Maraming financial professionals ang sumusubok hulaan ang galaw ng market upang bumili o magbenta ng mga mananalong stocks at iba pang assets, pero ang katotohanan ay marami sa kanila ang NATATALO. Kahit ang mga pinakamagagaling na money managers ay nagkakamali din, at pwedeng madalas silang magkamali.
Halimbawa, ipinahayag ni Mark Hulbert (editor ng Hulbert Financial Digest) na ang mga top funds na nakatanggap ng five-star ratings ng Morningstar ay hindi natalo ang market (1993-2000). Ang Wilshire 5000 (market index) ay kumita ng 222% noong 1993 hanggang 2000, pero ang mga “top funds”, mga nakakuha ng five-star ratings, ay kumita ng 106% lang. Kung sa kanila ka nag-invest, malamang halos kalahati lang ang kinita mo kumpara sa kung nag-invest ka sa isang index fund na ginaya ang galaw ng Wilshire 5000.
Isa pang halimbawa? Pinag-aralan nina Christopher Blake, isang associate professor of finance (Fordham University Graduate School of Business) at Matthew Morey, isang associate professor ng economics sa Fordham ang mga top funds ng Morningstar noong Jan. 1 hanggang Dec. 31, 1997 at nagpublish sila ng study. Ano ang nakita nila? Ang mas-kaunti ng 4% ang performance ng mga five-star funds kumpara sa market. Ano pa ang nahanap nila? Halos walang pagkakaiba ang performance ng five-star funds kumpara sa mga four at three-star.
We’re paying people to beat the market when they aren’t doing it, and when you think about it, that doesn’t make sense.
— John Bogle
Binabayaran natin ang ilang tao para talunin ang market kahit hindi nila ito nagagawa, at kapag pinag-isipan mo ito, hindi ito tama.
Bukod sa mahinang performance ng mga actively managed funds kumpara sa mga index funds sa matagal na panahon, ang isang pinakamalaking advantages ng passive investing ay ang mababang costs o gastusin. Isipin mo ang dalawang magkaparehong negosyo na may magkaparehong kita, pero ang isa ay mas-mababang operating costs (paggastos sa negosyo). Ang isang may mas-mababang bayarin ay mananalo, lalo na sa pangmatagalan.
Gamitin natin iyon sa investing. Halimbawa, isipin mo ang market ay kumikita ng halos 6.5% kada taon at ikaw ay nag-iinvest ng P12,000 taon taon. Ang fund na may 1.5% cost (ang kita mo ay 5% kada taon) ay makakapagbigay sa iyo ng P1.45 million pagdaan ng 40 years. Ang mas-murang fund na 0.5% lang ang cost (ang kita mo naman ay 6%)? Magkakaroon ka ng P1.86 million. May extra kang P410,000 dahil nakatipid ka ng 1%.
*Ang market o investment na kumikita ng 6.5% kada taon ay halimbawa lamang.
Ano ang aral na mapupulot natin doon? Kaysa gumastos ng malaki sa mga management at trading fees para subukang talunin ang market at MABIGO dito, mabuti pang sundan na lang ang kita mula sa market at makatipid ng mas malaking bahagi nito gamit ang murang passive investing strategy.
By periodically investing in an index fund, for example, the know-nothing investor can actually outperform most investment professionals. Paradoxically, when ‘dumb’ money acknowledges its limitations, it ceases to be dumb.
— Warren Buffett
Sa madalas na pag-invest sa isang index fund, ang investor na walang alam ay pwedeng tumalo sa karamihan sa mga investment professionals. Parang isang kabalintunaan ito na kapang tinanggap ng “mangmang” ang kanyang limitasyon, hindi na siya magiging mangmang.
Doon na muna natin tatapusin ang ating aral tungkol sa mutual funds. Kung gusto mong ipagpatuloy ang pag-aaral, maraming ibang libro at articles sa internet na pwede mong basahin!
Wencile Mea Bautista says
San pwede hanapin ang mutual fund?
Ray says
Hello Wencile,
Madalas pong nagooffer ng mutual funds at iba pang investment products ang mga banko. Kung may bank account na po kayo, subukan niyo pong tumingin sa website ng banko, or magtanong sa customer service or sa branch nila kung ano ang inooffer nilang mutual funds or ETFs.
Regards,
Ray L.
YourWealthyMind.com