English Version (Click Here)
Isa ka sa pinakamagaling sa iyong industriya at sinuswelduhan kang mabuti sa trabahong ginagawa mo, pero nauubos ba agad ang iyong sahod pagkatanggap mo pa lang nito? Nahihirapan ka bang maghawak ng pera sa huling linggo bago ang susunod na sahod? Palagi mo bang inaabangan ang susunod na sweldo? Kung ganoon nga, malamang napapasobra ka sa paggastos ng pera. Matapos pag-aralan ang basics ng personal finance gaya ng pag-iipon at pag-invest at kung paano magbayad ng utang, ito ang anim na payo para maiwasan ang sobrang gastos at magtipid ng pera!
Paano Iwasan ang Sobrang Gastos at Magtipid ng Pera:
-
Magbayad gamit Cash
Napakadaling mapasobra sa gastos kapag hindi mo napapansin kung magkano na ang ginastos mo. Nagswipe ka ng credit card para bumili ng ilang bags ng groceries, nagswipe ka uli para bumili ng mamahaling kape, nagswipe pa para sa bagong shirt, nagswipe uli para sa ilang ingredients na nakalimutan mong bilhin, kumain ka sa masarap na Italian restaurant at naicharge mo nanaman sa credit card mo, nagswipe ka nanaman para bumili ng ikalimampung mamahaling kape mo ngayong linggo, isa pang swipe para bumili ng bagong pantalon… at nabaon ka na ng ilang libong pisong utang.
Hindi ka lang gumastos ng sobra. Ginastos mo na ang perang hindi mo pa napapagsikapan! Naghukay ka ng sarili mong butas at hindi mo ito napansin hanggang nakita mo na ang credit card bill. Ngayon kailangan mo nang magtrabaho ng ilang buwan para mabayaran lamang ang lahat ng ito… hanggang mapwersa kang gamitin muli ang iyong card at mabaon ka pa sa mas-malaki pang utang.
Ang isang payo ko ay magbayad ka gamit cash. Mas-mahirap gumastos ng higit sa iyong kinikita kapag nakikita mong unti-unting nauubos ang iyong pera at laman ng bank account.
-
Alamin mo ang gastusin mo kada araw o linggo at ganoon kadami ang itago mo sa iyong wallet.
Isang bagay na napansin ko ay kapag dinala mo ang perang kailangan mo para sa isang buong linggo, madalas mauubos mo ang higit kalahati nito sa loob lamang ng dalawang araw (“Mayroon pa akong ilang-daang… uh oh…”). Sabi nina Vicki Robin, Joe Dominguez and Monique Tilford, ang may-akda ng librong “Your Money or Your Life,” alamin mo o irecord mo ang mga gastusin mo para malaman mo kung magkano ang ginagastos mo kada araw. Kapag nakasanayan mo na ito, malalaman mo kung saan mo ginagamit ang pera mo at kung saan ka napapasobra sa paggastos. Masyado ka bang madalas bumili ng mamahaling kape? Paano naman ang almusal at pananghalian sa trabaho? Magkano ang binabayaran mo para sa isang linggong groceries? Gas at parking? Nights out kasama ang mga kaibigan o dinners kasama ang iyong pamilya?
Alamin mo kung magkano ang ginagastos mo kada araw o kada linggo. Ganoong halaga lamang ang dalahin mo sa iyong pitaka at itago mo ang iba sa iyong bank account. Bakit? Para limitahan ang perang pwedeng sayangin. Napakadaling magbayad ng sobra para sa mga bagay na hindi mo naman kailangan kapag madali mo lamang itong mabubunot mula sa iyong pitaka (o sa paggamit ng credit card). Dalahin mo lamang ang kailangan mo para sa isang araw at ito lamang ang gastusin mo.
-
Magdala ka ng kaunting extra.
Ito ay idadagdag mo sa number two. Ang paglimit ng iyong paggastos gamit sa pagdadala ng kaunting pera at makakapigil sa iyo sa paggastos ng sobra, pero malamang mahihigpitan ka dito. Magkakaroon ka palagi ng hindi inaasahang gastusin at mga bagay na gusto mong bilhin kaya mabuting magdala ka ng kaunting extra na pera para sa mga ganoon. Gaya ng “Safety Savings” o emergency fund, mararamdaman mo ang mas-maraming security at mas-kakaunting sama ng loob kapag alam mo na marami ka pa namang perang pwedeng magamit para sa mga hindi inaasahang bagay.
*Babala: Sa “extra,” ito’y mga 20% o 50% ng kailangan mo kada araw at hindi “lahat ng kinita mo sa nakaraang buwan.” Huwag mo itong gagamitin kung hindi mo naman talaga kailangan.
-
Maglaan ng cash cushion (extrang pera)… pero itago mo sa iyong ATM.
Kapag natipuan mong bumili ng mamahaling bagay, mabuti kung hindi mo itatago ang lahat ng pera mo sa iyong pitaka. Bukod sa pagprotekta nito mula sa mga magnanakaw (isipin mo na lang kapag nawala mo ang pitaka mo), ililigtas mo rin ito mula sa mga tukso.
Inuulit ko na madaling sumuko at bumili ng mga hindi mo kailangan kapag pwede mong bunutin lamang ang pera mo mula sa iyong bulsa. Sa pagbibilang sa kung magkano pa ang nasa iyong bank account at pagpila sa ATM, malamang magdadalawang-isip ka at makakapigil ito ng napakaraming hindi nakabubuting paggastos.
-
Kapag natutukso, Iwasan.
Ito’y natutunan ko sa librong “Focus” ni Daniel Goleman. Ang disiplina para iwasan ang nagugustuhang katuwaan (“delay gratification”) ay isang mahalagang kakayahan na nakaaapekto sa iyong tagumpay sa buhay at ang isang paraan para magamit ito ay ang pag-iwas sa tumutukso sa iyo. Palagi mo bang natitipuang bumili ng donut at kape kapag napapadaan ka doon sa tindahan sa tabi? Yun bang bagong shirt o blouse sa bintana ng tindahan ay sinasabihan kang “bilihin mo ako”? Ang isang paraan para lumaban sa tukso ay ang pag-iwas dito. Ibahin mo ang dinadaanan mo sa pagcommute o maghanap ka ng ibang magagawa hanggang makalimutan mo sila, makahanap ka ng mas-mabuting bagay, o malaman mo na hindi mo naman pala talaga sila gusto.
-
Gusto mo ng mas-marami? Pag-aralan mong KUMITA PA NG MAS-MARAMI.
Ang paggastos ng P5,000 ay iba kapag entry-level employee kang kumikita ng P15,000 kada buwan kumpara sa kapag isa kang mahalaga at experienced na propesyonal na kumikita ng P500,000 kada buwan. Sa unang scenario, ito’y napakalaking bahagi ng iyong sahod at kailangan mong pag-isipan itong mabuti bago mo ito gastusin. Sa ikalawang scenario, ito’y barya lamang.
Kung pangarap mong gumastos ng mas-marami ng hindi natatakot na mapasobra sa gastos, ang pinakamabuting magagawa mo ay gawin ito kapag kumita ka na ng mas-nakahihigit pa sa kung ano mang mayroon ka ngayon. Gaya ng sinabi ni Steve Siebold, ang may-akda ng librong “How Rich People Think”, karamihan ay nagiisip magtipid lamang, habang ang mga umaasenso o mga financially successful ay nagfofocus sa pagpapalaki ng kita.
Totoo ngang pwede ka pa ring mag-aksaya ng pera kahit ano pa man ang sweldo mo, mas-marami pa rin ang magagawa at makakamit mo kapag mas-malaki ang iyong kinikita. Kailangan mo lang munang pag-aralan kung paano maghawak at gumamit mabuti ng pera at iwasang sayangin ito sa mga luhong hindi naman kailangan. Sabi nga sa research nina Thomas J. Stanley at William D. Danko sa libro nilang “The Millionaire Next Door: The Surprising Secrets of America’s Wealthy,” ang karamihan sa mga tunay na mayayaman ay praktikal at matipid sa kanilang pera.
Yun ang isang malaking dahilan kung bakit ang ilang tao ay umaasenso at yumayaman. Hindi nila sinasayang ang pinaghirapan nilang kitain.
Magbalik-aral:
- Magbayad gamit Cash (kaysa credit)
- Alamin ang pang-araw-araw na gastos at ganoong halaga ang palaging dalhin sa pitaka.
- Magdala ng kaunting extra na pera.
- Maglaan ng extra pero itago mo ito sa iyong ATM.
- Kapag natutukso, IWASAN.
- Kung gusto mo ng mas-marami, pag-aralan mo munang KUMITA NG HIGIT PA.
At ayun ang anim na payo para iwasan ang sobrang gastos at makatipid ng pera. Kung nagustuhan mo itong article na ito, i-like mo rin kami sa Facebook! May mas-marami kaming aral para sa iyo linggu-linggo!
[…] pinangarap mong umasenso, malamang natutunan mo ang halaga ng pagbabawas ng paggastos, pagiipon ng pera, at pag-invest ng naipon sa mga assets o mga bagay na kumikita ng pera. Maraming […]