English Version (Click Here)
Noong kabataan ko, naaalala ko ang isang nilaro kong role-playing game na tinatawag na Fable 2. Kahit medyo komplikado ang kwento nito, ito’y karaniwang RPG kung saan kinukumpleto mo ang mga quests, sumusugod ka sa mga kalaban, at nagliligtas ka ng mga baryo at siyudad. Ang isang bagay na may malaking impact sa akin ay bukod sa paglaban sa mga halimaw at pagresolba ng mga quests, pwede ka ring “magtrabaho” (mga minigame) at bumili ng mga tindahan at negosyo para kumita ng pera.
Sa simula ng laro, ang “gold” (pera sa game) ay mahirap makuha kaya hindi ko palaging mabili ang pinakamalalakas na sandata at armor. Kapag naipagpatuloy mo ang laro, saka lalabas ang mga trabaho gaya ng bartending (barista) at blacksmithing (panday). Kaysa lumaban sa mga halimaw at magpatuloy ng kwento, ilang ORAS ako sa mga “trabahong” iyon para makakuha ng pera. Matapos makaipon ng ilang libong gold, hindi ako bumili ng bagong sandata o armor. Bumili ako ng tindahan ng gulay at iba pang tindahan na kumikita para sa akin ng kaunting gold kada sampung minuto.
Sa pagdaan ng oras at pagdami ng kita mula sa mga tindahan, inipon ko ang kinita ko at nagpatuloy ako sa blacksmith para makabili pa ng MAS MARAMING tindahan. Pagdaan ng panahon, kumita ako ng ilang daan hanggang ilang libong gold kada sampung minuto sa laro. Pagkatapos ng ilan pang oras, kinaya ko nang bumili ng mga malalaking negosyo na ilang milyon ang presyo gaya ng mga taverns at blacksmiths at malaki ang naidagdag nila sa aking kita kada sampung minuto.
Ano ang susunod na nangyari? Iniwan ko muna ang laro para gawin ang aking homework, magbasa sa internet, atbp. Noong pagbalik ko, ang mga negosyong binili ko ay kumita ng ilang libong gold na ginamit ko para bumi ng pinakamalalakas (at pinakamamahaling) sandata at armor. Ang paglaban sa mga halimaw at pagligtas sa mga siyudad ay naging napakadali na noon.
Bakit ko kinuwento iyon sa iyo? Simple. Kapag natutunan mo ang mabuting paghawak ng pera, magiging napakadali din ng iyong buhay. Isipin mo lang. Hindi mo na kailangan pang mag-alala tungkol sa biglaang emergency at kung paano magbayad ng mga bayarin dahil may pera ka para sa kanilang lahat. Malaya ka mula sa nakakasakal na utang dahil binayaran mo na silang lahat at marunong kang umiwas sa karagdagang utang. Malaya ka para maghanap ng mas-mabubuting trabaho, negosyo, at iba pang oportunidad dahil may ipon ka para sa kanila. Higit sa lahat, hindi mo na kailangang mag-alala pa tungkol sa mahirap na pagkayod sa trabaho, matatagal na commute, at masasamang amo at malaya ka para sundan ang iyong mga layunin at pangarap dahil ang mga investments mo ay nagbibigay ng matibay na pangkabuhayan para sa iyo at sa iyong pamilya. Kahit ang pera ay hindi ang pinakamahalagang bagay sa mundo (ito’y kagamitan lamang na magagamit para makagawa ng mga bagay), ito’y makakatulong sa iyong buhay kapag ginamit mo itong mabuti.
Hindi ba mabuti iyon? Posible lahat iyon kapag natutunan mo ang tamang paghawak ng pera. Kung gusto mong matutunan ang basics ng personal finance, ipagpatuloy mo lang ang pagbabasa. Ito’y napakabuting simula ng iyong paglalakabay.
Personal Finance Basics: Ano nga ba ang “personal finance”?
Naaalala ko sinabi ng kaibigan ko na ang maraming natatakot sa salitang “finance”, at sang-ayon naman ako sa kanya. Sa salitang iyon naiisip ko ang mga komplikadong graphs, mga tables, at napakaraming numero at salitang hindi ko maintindihan. Buti na lang hindi komplikado ang personal finance. Ano nga ba ito? Ito’y mabuting paghawak ng pera. Yun lang naman.
Kapag nakakuha ka ng sweldo, komisyon, o kita mula sa iyong negosyo, anong ginagawa mo dito? Ikaw ba’y:
- Bumibili ng marami pang alak at sigarilyo?
- Bumibili ng mga bagay na hindi mo kailangan dahil lang naka-sale sila?
- Isusugal at uubusin ang iyong sweldo sa casino?
- Bibili ng ika-323 mong talunang ticket sa lotto sa taong ito?
- Mag-iipon sa bangko para lang ubusin ang pera sa bagong gadget?
- Bibili ng mas bagong version noong gadget para ipagmayabang sa iyong mga kaibigan? (At ulitin iyon matapos ang ilang buwan kapag lumabas na ang mas bagong version noon?)
- Maglagay ng pera sa isang savings account o time deposit na may napakababang kita? (at hindi malaman na ang halaga ng iyong savings ay kakainin lamang ng inflation at taxes)
- Mag-ipon ng kaunting bahagi ng iyong sweldo para mag-invest sa stocks, bonds, mutual funds, real estate, o iba pang assets na lalaki ang halaga at magbibigay ng maraming pera sa pagdaan ng panahon?
- Mag-ipon ng pera para magtayo (o magpalaki) ng sarili mong negosyo?
Uulitin ko, ang pag-aaral ng personal finance ay pag-aaral lang ng tamang paggamit ng pera. Ang mainam na gawin ay iwasan ang pagwalgas ng pera sa mga bagay na hindi mo kailangan para mag-invest sa mga bagay na nakabubuti sa paglipas ng panahon (hal. mga stocks na tumataas ang halaga at nagbibigay ng dibidendo, rental properties na papaupahan mo para kumita ng pera kada buwan, atbp.).
Bakit kailangan mong pag-aralan ang tamang paghawak ng pera?
Magkakaiba ang ating mga layunin at pangarap kaya magkakaiba rin ang mga rason natin kung bakit gusto nating maghawak mabuti ng pera. Bakit mo nga ba dapat pag-aralan ang personal finance?
Gusto mo bang pigilan ang mabilisang pagkaubos ng iyong sweldo? Hindi na mag-alala kung paano mabubuhay hanggang sa susunod na sahod? Magkaroon ng sapat na pera para mabili ang mga bagay na gustong gusto mo? Hindi na mag-alala tungkol sa iyong mga utang at tumataas na gastusin?
Gusto mo ba ng katahimikan ng pag-iisip dahil alam mong may pera ka para malagpasan ang kahit anong emergency gaya ng sakit at pagkawala ng trabaho? Magkaroon ng mabuting retirement o pagtanda kaysa maging pabigat sa iyong mga anak at apo? Kumita ng sapat na pera para makatulong sa mga nangangailangan?
Gusto mo ba ng financial freedom? Umalis sa 9-5 rat race at magkaroon ng mas-maraming panahon para sa iyong mga kaibigan, pamilya, at sa mas mahahalagang bagay sa buhay? Hindi na kailangan magtiis sa nakakabagot na trabaho at masasamang amo dahil kailangan mo ng pera? Magkaroon ng sapat na pera o iba pang kagamitan para magamit ang mas-mabuting oportunidad sa buhay?
Gusto mo ba ng sapat na pera para masundan ang iyong mga layunin at pangarap sa buhay?
Ano man ang gusto mong gawin at makamit sa buhay, kailangan mong matutunang gumamit mabuti ng pera. Ito ang pinakamadalas mong gagamitin para makamit mo ang mga gusto mo sa buhay.
“Whatever may be said in praise of poverty, the fact remains that it is not possible to live a really complete or successful life unless one is rich. No man can rise to his greatest possible height in talent or soul development unless he has plenty of money; for to unfold the soul and develop talent he must have many things to use, and he cannot have these things unless he has money to buy them with.” – Wallace D. Wattles, The Science of Getting Rich
(Ano man ang papuri ang sinasabi tungkol sa kahirapan, ang katotohanan ay imposibleng mabuhay ng kumpleto o matagumpay kung hindi ka mayaman. Walang tao ang makakakamit sa pinakamataas niyang talento o pagpapabuti ng kaluluwa kung wala siyang madaming pera; dahil para magbukas ang kaniyang kalooban at para mahasa ang talento kailangan niya ng maraming bagay na magagamit, at hindi niya makakamit ang mga ito kung wala siyang perang pambili.)
3 Pangunahing Bahagi ng Personal Finance
Isipin mong gagawa ka ng sakahan. Makakagawa ka ba nito kung kakainin mo ang isang tasa ng palay na kinikita mo kada buwan? Hindi. Dapat pagsikapan mo muna ang palay, tapos ipunin mo ang kaunti nito para itanim sa mabuting lupa. Magsikap para kumita pa ng palay at ipagpatuloy ang pagtatanim. Sa pagdaan ng panahon, mayroon ka nang sakahan o farm na nagbibigay ng ilang sako ng bigas! Gaya ng paggawa ng sakahan, may tatlong pangunahing bahagi ang personal finance: pagsisikap para kumita ng pera, pag iipon ng bahagi ng iyong sweldo o kita, at pagpuhunan o pag-invest sa mga bagay na nagbibigay o tumataas ang halaga.
1. Pagsisikap para Kumita ng Pera
Bago ka makapag-ipon at makapag-invest, kailangan mo munang kumita ng pera. Paano nga ba kumikita ng pera ang mga tao? Simple lang. Sila’y gumagawa ng mahahalagang bagay.
Ang isang chef ay nagluluto ng pagkaing gustong kainin ng mga tao, ang doktor ay nangagamot ng may sakit, at ang negosyante ay nagtatayo at nagpapatakbo ng negosyong nagbebenta ng produkto o serbisyong ginagamit ng mga tao. Ang mga walang ginagawa o hindi gumagawa ng mahahalagang bagay ay hindi kumikita, at ang gumagawa ng negatibong value (i.e. nananakit ng iba gamit krimen o korupsyon) ay pinaparusahan.
Siya nga pala, meron din ang law of income: kapag mas-mahalaga ang ginagawa mo, mas-mataas ang kikitain mo. Yun ang dahilan kung bakit ang karpinterong nakakagawa at nakakabenta ng isang bangko kada linggo ay mas kaunti ang kita kumpara sa mas-magaling na karpinterong kayang gumawa at magbenta ng isang dosenang bangko, drawers, mesa at upuan sa kaparehong linggo. Ito rin ang dahilan kung bakit ang trabahador na naglalapag ng mga bricks araw araw ay mas-maliit ang kita kumpara sa real estate developer na nag-iipon, nag-aarkila, at nagmamanage ng ilang daang trabahador para bumuo ng napakalalaking skyscrapers.
Kung gusto mong palakihin ang iyong kinikita, kailangan itanong mo sa sarili mo kung paano ka makakagawa ng mas mahahalagang bagay. Magagawa mo ba ito sa pagpapabuti ng kalidad o dami ng iyong gawain? Sa pag-aaral ng pagtuturo/pagmementor, pamumuno, at pagmamanage mabuti ng iyong mga tauhan? Sa paggawa ng maliliit at paunti-unting pagpapabuti sa iyong produkto o negosyo? Nakakamit mo ang kita mo ngayon dahil sa mga natutunan mong gawin. Kung pangarap mong kumita ng mas-marami, kailangan matutunan mong pagbutihin ang iyong gawain.
2. Pag iipon and Pag budget
Napansin ni Thomas J. Stanley, ang kilalang researcher tungkol sa mga mayayaman sa America at may akda ng bestseller na “The Millionaire Next Door”, na may dalawang klase ng tao: Under Accumulators of Wealth (UAWs), mga taong mababa ang net worth (halaga ng lahat ng ari arian minus lahat ng utang) kumpara sa kinikita, at Prodigious Accumulators of Wealth (PAWs), o mga taong malaki ang net worth kumpara sa kanilang kinikita.
Sa research ni Stanley, ang mga UAW ay mukhang mayaman pero hindi talaga mayaman. Sila ang mga “mayayaman” na matatas ang kinikita sa kanilang mga trabaho, nagmamay ari ng branded at luxury na gamit, at naninirahan sa mamahaling lugar, pero walang ipon o investments at halos lahat ng pagmamay ari nila ay binili gamit utang. Sila’y nakatira sa gilid ng bangin. Isang pagkapinsala, malubhang sakit o kawalan ng trabaho dito at pwede silang mabankrupt at mamulubi.
Sa kabilang dako, ang mga PAW naman ay mukhang ordinaryo pero nagmamay ari sila ng mga million-dollar business at may ilang daang libo o milyon-milyong dolyar na nakainvest sa mga assets/mga investments. Sila ang matipid at masinop mamuhay at mabuti ang paggamit nila ng pera dahil sa pag-iipon at pag-invest para mas-lumago ito.
Ano ang aral mula dito? Hindi ganoon kahalaga ang malaking kita sa pagpapayaman. Ang paggamit mo dito ang mahalaga. Kung kumita ka man ng maraming pera at ginastos mo lang lahat nito, hindi ka mayaman. Maaksaya ka lang.
Halimbawa, iniisip mo na “mayaman” ka kapag kumita ka ng isang milyong dolyar kada buwan, pero kung sinugal mo lang ito sa casino o winalgas mo ito sa mamahaling branded at luxury na gamit hanggang walang natira, “isang kahig isang tuka” ka pa rin. Kung mawalan ka ng kakayahang kumita (sakit, aksidente, retirement, atbp.), malaki ang chance na mawala itong lahat lalo na kapag binili mo ito gamit ang pag-uutang.
Sa kabilang dako naman, kung inipon mo ito at nag-invest ka sa mga assets na tumataas ang halaga at nagbibigay ng stable na kita (mga negosyo, dibidendo, kita mula sa rental properties na pinapaupahan mo, atbp.), malamang magiging secure ka habang buhay. Malamang din hindi mo na kakailanganing magpagod sa 9-5 na trabaho dahil natutunan mong gamitin ang pera para magsikap para sa iyo.
“It’s not how much money you make, but how much money you keep, how hard it works for you, and how many generations you keep it for.” – Robert Kiyosaki
(Hindi sa kung gaano ka laki ang kinikita mo, kundi kung gaano kadami ang naiipon, gaano ito kalakas magsikap para sa iyo, at ilang henerasyon mo ito maitatago.)
Kailangan mong matutunan kung paano mag ipon at magbudget mabuti ng pera bago mo ito mapapalago, at ito ang mga pinakamabubuting payo na magagamit mo:
- Mag-ipon muna/“Pay yourself first.” Kaysa ibigay mo agad ang pera mo sa pinakamalapit na tindahan, sa pagkakuha mo ng iyong sahod dapat itago mo ang 10% o higit pa nito para mag invest. Napakahalaga nito. Kung hindi ka nag-ipon muna, kakainin ng mga gastusin ang lahat ng pera mo.
- Mag-ipon ka ng pera para sa iyong kaligtasan. Walang kasing bilis makasira ng iyong finances tulad ng biglaang emergencies. Mag-ipon ka ng pera sa isang “emergency fund” at bumili ka ng mabuting insurance plans. Ang paghahanda para sa mga emergencies ay hindi pagiging paranoid; ito’y common sense lang.
- Bayaran agad ang mga Utang. Kung iiwanan mo lang sila, mabilis silang dadami at ibabaon ka ng mga ito. Sisirain din nito ang iyong kinabukasan dahil igagapos ka nito sa pag-aalala at takot. Bukod sa pag iipon ng pera para mag-invest, kailangan mong itigil ang paggamit ng credit/utang sa mga hindi kailangang gastusin (magbayad ka gamit cash) at ibudget mo ang bahagi ng iyong sahod para bayaran ang LAHAT ng iyong utang. Walang ibang nakakapagpalaya tulad ng kaalamang wala ka nang utang.
- Pondohan mo ang iyong edukasyon. Gamitin mo ang oras at pera mo sa mga bagay na makakapagpabuti ng iyong buhay, tulad ng leadership lessons (mahalaga sa pag-asenso sa career at pagpapatakbo ng negosyo), personal finance books at seminars, at marami pang iba! Huwag mong kalilimutan na ikaw ang pinakamahalaga mong asset at ikaw rin ang asset na kontrolado mong mabuti. (Pag-aaralan pa natin ito dahil NAPAKAHALAGA nito.)
- Matapos mag-ipon para sa retirement/investing, emergencies, edukasyon, at pagbayad ng utang, ikaw na bahala sa pera mo. Kapag tapos ka nang magbayad ng mga gastusin at groceries, ikaw na bahala sa paggamit ng pera mo: katuwaan, paglakbay/travel, pagtulong sa nangangailangan, mga hobbies na gusto mo, atbp. Ang pinakapunto naman ng pag-aaral kung paano maghawak mabuti ng pera ay mabuhay ng masagana ng hindi inaalala ang pera. Hindi mo kailangang isakripisyo ang lahat para maging “masinop” at matipid sa pera.
Basahin mo ang mga ito para mas marami kang matutunan:
- 15 Minutes para sa Iyong Kinabukasan: Paano Mag-Budget at Mag-Invest para Magpayaman
- Your Wealthy Mind Savings and Budget Plan (Tagalog)
- Ang Isang Tanong para Makatipid ng Pera
- 6 Quick Tips para Iwasan ang Sobrang Gastos at Magtipid ng Pera
- Butas wallet? Paano Magtrack, Bawasan Gastos, at Magtipid ng Pera
3. Investing o Pag-invest
Sabi ni Robert Kiyosaki, para yumaman kailangan mong alalahanin ang isang tuntunin: “Dapat alamin mo ang kaibahan ng assets at liabilities, at bumili ka ng assets. Ang asset ay naglalagay ng pera sa bulsa mo. Ang liability ay nagwawalgas ng pera galing sa iyong bulsa.”
Pwede mong iturin ang pera bilang isang bagay na dapat gastusin agad, o pwede mo itong ituring mga buto na pwede mong itanim (invest) para kumita. Ang pinakapopular na mga investment vehicles ay equities (stocks, atbp.), bonds, mutual funds, real estate, precious metals (gold, silver, atbp.), currencies (forex trading), sarili mong negosyo, antiques, collectibles, atbp. Ano mang asset ang pag-iinvestan mo, kailangan mong pag-aralan at suriin itong mabuti. Gaya ng sabi ni Warren Buffett, ang pinakamalalang panganib ay ang hindi pag-alam sa ginagawa mo. Naaalala mo kung bakit ko sinabi na “itanim mo ang palay mo sa mabuting lupa”? Ang mundo ay punong-puno ng “best stocks/assets/negosyon” na nalulugi at nalalanta lamang. Kung alam mo ang mga bagay na pinagpupuhunan mo, maiiwasan mo ang mga masasamang investments.
Bukod sa stocks, bonds, real estate at iba pang assets, kailangan mong alalahanin na mag-invest sa pinakamabuting asset na pagmamay ari mo:
IKAW.
Nakamit mo ang buhay mo ngayon dahil ito ang natutunan mong pagsikapan. Kung gusto mong palakihin ang iyong kinikita, umasenso sa iyong career, pagbutihin ang iyong negosyo, at mas maraming magawa sa mundo, kailangan mong pag-aralan ang mga kailangan mong gawin para makamit ang mga iyon. Huwag mong kalilimutang mag-invest sa iyong sarili dahil ikaw ang pinakamabuti mong asset.
Basahin mo ang mga ito para mas marami kang matutunan:
- Pinakamalaking Pagkakamali na pwede mong gawin bago ka MagInvest
- Stock Investing Basics: 4 na Tuntunin ni Benjamin Graham sa kung Paano Mag-Invest sa Common Stock
- Paano Mag Invest sa Stocks: Sampung Tuntuning Kailangan Matutunan
- Paano pumili ng Stocks: 10 Terms na kailangan mong matutunan
- Paano Yumaman? (Higit sa Stocks, Bonds, at Mutual Funds)
Ano ang alternatibo sa pag-aaral ng tamang paghawak ng pera?
Mabilis mawala ang pera. Palagi kang mag-aalala dahil sa lumalaking gastusin, utang, at kung saan ka makakahagilap ng pera para makabayad. Pwersahan kang manghiram ng pera mula sa iyong mga kaibigan at pamilya at mawawala ang kanilang kagandahang-loob at suporta dahil hindi mo sila mabayaran. May panganib na mawala ang lahat ng ari arian mo at mamulubi ka kapag hindi ka makapagtrabaho at makakuha ng sahod (hal. aksidente, malubhang sakit, mapinsala, atbp.). Ikaw ay magiging pabigat sa iyong mga kaibigan at pamilya na susuporta sa iyo. Malamang maiisip mong subukang gumawa ng krimen dahil “kailangan mo ng pera.”
Higit sa lahat, mawawala ang tuwa mo sa buhay at mawawala sa pananaw mo ang iyong mga layunin, pangarap, at oportunidad dahil masyado kang mag-aalala dahil sa kakulangan mo ng pera.
“If you think education is expensive, try ignorance.” – Robert Orben
(Kung iniisip mo na mahal ang edukasyon, subukan mo ang kamangmangan.)
Paano mo sisimulan ang iyong financial education?
Sabi nga ni Dr. Seuss, kapag mas-marami kang nalalaman, mas-marami kang mararating. Ang bakanteng lote ay bakanteng lote lamang kung hindi ka marunong tumingin ng halaga ng lupa, at ang stock ay mga titik at numero lamang kung hindi mo ito alam gamitin para kumita ng pera. Pag-aralan mo ang personal finance, leadership and management, business at investing. Kapag mas-marami kang nalalaman, mas-maraming oportunidad ang iyong mahahanap at magagamit.
Maraming paraan para makamit ang pangarap mo sa buhay at malamang may nagtagumpay na sa gusto mong gawin. Ito ma’y pagsisimula at pagpapatakbo ng mabuting online business, pagpapalaki ng pamilya, o pagtulong sa mga mahihirap para umasenso, pag-aralan mo ang mga aral at karanasan ng iba at gamitin mo ang mga natutunan mo. Mag-experiment ka lang at pagbutihin mo ang iyong gawain hanggang mahanap mo ang tamang formula na gagana para sa iyo.
Ito’y iyong buhay at iyong responsibilidad, kaya bakit hindi mo subukan? Malamang sulit na sulit ito.
Leave a Reply