English Version (Click Here)
Sabi ni Will Rogers, “hindi ang hindi natin alam ang nakapapahamak sa atin kundi ang nalalaman natin na hindi naman totoo.” Sa ating paglaki, natututunan natin ang mga gawain o habits na tumatagal habang buhay at, habang ang iba ay nakapagbibigay ng kasiyahan at kasaganaan sa pagdaan ng panahon, ang iba naman ay nakasisira sa atin. Ano nga ba ang magagawa natin tungkol sa mga iyon? Simple! Alamin natin ang mga bad habits at pag-aralan ang mga mas-makabubuting gawain para ipalit sa mga iyon! Kung gusto mong malaman ang mga pinakamasasamang financial mistakes na maaaring nagagawa mo, basahin mo lang ang listahang ito para maiwasan ang mga problema sa pera na dala nila!
Ang 20 Financial Mistakes na maaaring Nagagawa mo
1. Hindi mo inaamin na minsan ikaw ay nagkakamali.
Wala sa atin ang perpekto at magkunwari man tayo, minsa tayo’y nagkakamali pa rin. Ang kailangan lang nating gawin ay matuto mula sa ating mga pagkakamali at unti-unting pagbutihin ang ating mga gawain. Kaya naman nating pagbutihin ang mga gawain natin at habang nagpapatuloy tayo, mas gumaganda ang ating buhay.
2. Naghihintay na may matirang pera bago magsimulang mag-ipon.
Ang dahilan kung bakit gumagana ang “pay yourself first” o mag-ipon muna ay dahil nilalagpasan nito ang ating likas na hilig na ubusin ang lahat ng kinita natin. Kung naghihintay ka na may matira sa iyong pera, palagi mo lang malalaman na naubos mo na pala ito.
3. Hindi mo binibigyang pansin ang kinabukasan.
Ang isang katangian ng mga financially successful o magaling maghawak ng pera ay palagi nilang pinag-iisipan ang kinabukasan nila sa kanilang pang araw-araw na gawain. Habang ang iba nakikipagkatuwaan sa kasalukuyan, ang mga gumagawa ng mga bagay na nakakapagpabuti sa kanilang kinabukasan ang mga nagiging successful.
4. Iniisip na yayaman ka dahil sa pagsisikap o pagpapagod sa trabaho lamang.
Kahit marami na sa atin ang nakakaalam na hindi ito totoo, kaunti lang ang nakakaalam ng tunay na solusyon dito. Ang tagumpay ay hindi nagmumula sa kung gaano tayo nagpapagod sa trabaho kundi sa kung gaano kabuti o gaano kahalaga ang ating ginagawa. Iba ang pagkanta sa karaoke at magpasaya ng kaunting kaibigan sa pagkanta para magrecord ng music album na magpapasaya sa ilang-bilyong katao. May pagkakaiba ang pagbenta ng isang burger na niluto mo at pagtayo ng ilang-libong restaurants na nagbebenta ng milyon-milyong burgers na magpapakain sa napakaraming nagugutom. Kapag mas malaki ang kabutihan o halagang nililikha mo, mas malaki ang iyong kikitain.
5. Pag-iisip na sa pagtrabaho ka lang kikita ng pera.
Pinakamadali ngang kumita ng pera sa pagtratrabaho, pero kapag ito lamang ang iyon pagkakakitaan baka mauwi ka sa pahamak. Kaysa magfocus lamang sa iyong isang trabaho, subukan mo ring magtayo ng negosyo at palakihin ito, mag-invest sa mga assets na gumagawa ng pera gaya ng stocks o real estate, magtayo ng apartment na ipapaupa mo para kumita ng pera, at marami pang iba. Siya nga pala, huwag mong iisipin na ang career mo ang pagbabasehan ng pagkatao mo. Ang trabaho ay isang paraan lamang para kumita ng pera at hanggang doon lamang iyon.
6. Hindi ka nag-iinvest sa assets (stocks, real estate, atbp.) at naglalagay ka lang ng pera sa bangko.
Gaano man karaming buto ang kinolekta mo, hindi ito magiging mas-mahalaga o mamumunga kung hindi mo sila itatanim. Ang pera ay pwedeng gamitin para kumita pa ng pera, at ang perang kinita nito ay pwede pang gamitin para magparami pa ng pera kapag natutunan mong mag-invest ng mabuti. Iyon ang dahilan kung bakit may ibang yumayaman: alam nila kung paano gamiting mabuti ang pera.
7. Nagyayabang ka gamit ang mga kagamitan mo.
Sabi nga ni Dave Ramsey, bumibili tayo ng mga bagay na hindi natin kailangan gamit ang perang hindi pa natin pinagsisikapan para magyabang sa mga taong hindi naman natin gusto. Ang pagbili ng napakamamahaling bagay ay hindi nagsasabi na successful ka; ipinapakita lang nito na hindi ka marunong maghawak ng pera.
8. Hindi mo pinapansin ang paggastos mo.
“Mag-ingat sa malilit na gastusin. Ang maliit na butas ay nakakapagpalubog ng napakalaking barko” sabi ni Benjamin Franklin. Ito ma’y ang kapeng binibili mo araw-araw, extrang makakain, bagong damit na hindi kailangan, o kahit ano pa, ang hindi kailangang gastusin ay kumakain sa kayamanan mo gaya ng kung paano kinakain ng anay ang isang bahay. Pagmasdan mong mabuti ang pinaggagastusan mo at unti-unti mong itigil ang pag-aksaya ng pera sa mga bagay na hindi mo naman kailangan.
9. Tinatawag mo ang luhong nabili mo na “investment.”
Gaano man katibay, efficient, o kaganda ang kagamitang nabili mo, kung hindi ito nagagamit para kumita ng pera hindi ito investment. Ito’y karaniwang gastusin lamang.
10. Pag-iisip na masosolusyonan ng mas-malaking kita ang iyong mga problema sa pera.
Naaalala mo pa ba kung gaano nagbago ang financial life mo noong napromote ka o lumaki ang kita mo? Malamang hindi masyado dahil inubos mo pa rin ang lahat ng kinikita mo at wala pa ring natira sa katapusan ng buwan. Gaya ng pagpuno ng bayong ng tubig, ang mas-malaking kita ay hindi makatutulong kung uubusin mo lamang ito. Pag-aralan mo muna ang mas-mabuting paghawak ng pera at saka ka aasenso.
11. Pinaniniwalaan mo na pwede ka naman palaging kumita ng pera.
Hindi ito totoo. Balang araw, magkakasakit ka, mapipinsala, o tatanda at manghihina at hindi mo na kakayaning magtrabaho. Kailangan pagplanuhan mo na iyon dahil magdadaan din ang panahon.
12. Pagbili ng mga bagay gamit ang perang hindi mo pa kinikita (credit o utang).
Paano kung nakuha mo na ang lahat ng perang kikitain mo sa iyong kinabukasan ngayon? Mabibili mo na ang pinakabagong iPhone, malaking TV, mamahaling damit, at marami pang iba! Ayun nga lang… kailangan mo pa ring magtrabaho para pagsikapan ang lahat ng iyon. Isipin mo nagtratrabaho ka ng 40 years para lamang magbayad ng utang. Nakakatuwa pa rin ba yung bagong gadget na binili mo 30 years ago?
13. Pananatiling may utang.
Malala pa sa lumang cellphone na binabayaran mo pa rin ngayon ay ang pananatiling may utang. Gaya ng kung paano ang maingat na inalagaang investments ay lumalaki at nagbibigay ng mas maraming pera, ang utang ay lumalaki rin at mas mabilis pa para ibaon ka pa dito. Pag-aralan mo kung paano magbayad ng utang para makalaya ka na ngayon!
14. Pag-iisip lamang sa pag-iipon at pagkalimot sa pagsisikap at pag-asenso.
Ang buhay mo at ang lahat ng nakakamit mo ay nagmumula sa pag-iisip mo. Kung nag-aalala ka lamang sa mga gastusin, utang, at problema, mawawalan ka ng panahon para pag-isipan ang mga oportunidad mong umasenso pati na rin ang mga solusyon sa mga problema mo.
15. Hindi nagpapasalamat sa mga biyayang mayroon ka.
May bahay ka, nakakagamit ka ng computer, may kuryente ka at tubig, may mata ka para magbasa o tainga para makinig sa ibang nagtuturo nito sa iyo, at may isipan kang gumaganang mabuti para madali mong maintindihan ito. Isang mahalagang payo para pigilan ang sarili mo sa sobrang paggastos ay ang pagpapasalamat sa kung ano mang mayroon ka. Mapipigilan nito ang maling paniniwala na pwede mong punuin ang buhay at puso mo sa pagbili ng mga bagay na hindi mo naman kailangan.
16. Nakalimutan mong ang pera ay nanggagaling sa pagsunog ng iyong limitadong buhay sa mundo.
Ito’y napakahalagang aral na natutunan ko mula sa “Your Money or Your Life” nina Robin at Dominguez. Nagpapagod ka ng higit dalawang oras para maghanda at magcommute at walo hanggang siyam na oras kang nagtratrabaho (tapos may overtime pa) ng lima hanggang anim na araw kada linggo para kumita ng pera. Yun ang ilang oras at ilang taon mula sa sa limitadong buhay mo sa mundo, isang napakalaking bahagi ng iyong buhay na HINDI MO NA MABABAWI, na ginamit mo para makakuha ng pera. Kapag natitipuan mong magshopping, itanong mo sa sarili mo kung sulit at tama nga ba ang bagong laruang gusto mong bilhin.
17. Kinakalimutan mo na limitado ang oras mo sa mundo.
“Bukas” baka mapromote ka. “Bukas” pag-aaralan mo kung paano magnegosyo. “Bukas” magsisimula kang mag-ipon at mag-invest. Hindi mo man lang namalayan, naubusan ka na ng mga “bukas.” Ano man ang pangarap mong gawin, SIMULAN MO NA!
18. Iniisip mo na masama ang magkapera / masamang yumaman (“money is evil”).
Ito ang isa sa pinakamasamang paniniwala dahil sinisigurado nitong magdurusa ka dahil iisipin mong ayos lang maghirap at pipilitin ka nitong sirain ang tagumpay na pinagsikapan mo. Kung ganoon ang pag-iisip mo, alalahanin mo lang na ang Diyos (Allah, the TAO [“the way” sa Taoism], o ano man ang tawag mo sa universal good) ay gusto kang mabuhay ng masagana at masaya. Ang pera ay kagamitan lamang para magawa iyon. Kung ang mabuting pamumuhay, pagtulong sa iba, at pagresolba sa mga problema at paghihirap ay nangangailangan nito, bakit hindi ka mapsikap para kumita ng marami nito? Gaya ng kung paano kumikita ang mga doktor na nagpapagaling ng may sakit, mga negosyanteng lumilikha ng kagamitang kailangan ng iba, at mga chef na nagluluto ng pagkaing gusto ng maraming tao, ang pera ay kinikita mula sa kabutihang ginagawa at halagang iyong nililikha.
Siya nga pala, ito’y isang puntong ipinaliwanag ng pastor na si Russell H. Conwell sa “Acres of Diamonds”:
“Money is power, and you ought to be reasonably ambitious to have it. You ought because you can do more good with it than you could without it. Money printed your Bible, money builds your churches, money sends your missionaries, and money pays your preachers, and you would not have many of them, either, if you did not pay them… You never knew an exception to it in your life. The man who gets the largest salary can do the most good with the power that is furnished to him. Of course he can if his spirit be right to use it for what it is given to him. I say, then, you ought to have money.
If you can honestly attain unto riches…, it is our Christian and godly duty to do so. It is an awful mistake of these pious people to think you must be awfully poor in order to be pious.”
– Russell H. Conwell
Translation/Pagsasalin:
“Pera ay kapangyarihan at mabuting magkaroon ka ng tamang ambisyon para magkaroon nito. Dapat lang dahil mas marami kang kabutihang magagawa gamit ito kaysa kapag wala ka nito. Ang pera ang nagprint ng iyong Biblia, pera ang nagtayo ng iyong simbahan, pera ang nakapagpalayag ng iyong misyonero, pera ang nagbabayad sa iyong mga pari, at wala ka ng marami nito kung hindi mo sila binabayaran… wala kang masasabing kataliwasan nito sa buong buhay mo. Ang taong may pinakamalaking sahod ay makakagawa ng mas maraming kabutihan gamit ang kapangyarihang ibiniyaya sa kaniya. Siyempre kaya niya kapag ang espirito niya ay tama sa paggamit nito para sa ibinigay sa kanya. Sasabihin ko nga ngayon na tamang magkapera ka.
Kung kaya mong yumaman ng tama…, ito ay iyong makadiyos na tungkulin bilang Kristiyano. Napakalaking pagkakamali ng mga maka-Diyos na kailangan mong maging napakahirap upang maging maka-Diyos.“
19. Kinakalimutan mong ipagpatuloy ang iyong edukasyon.
Na-promote ka sana… pero hindi ka marunong mamuno ng mabuti. Nabili mo sana ang lupang iyon… pero hindi mo alam kung paano mag-invest sa real estate. Nakapagpatayo ka sana ng napakalaking negosyo at nagretiro ng bata pa para ma-enjoy ang buhay… pero hindi mo natutunan kung paano ito gawin. Walang-hanggan ang posibilidad at oportunidad sa buhay, pero hindi mo makikita o magagamit ang kahit ano dito kung hindi mo alam na posible pala ito o hindi mo natutunan kung paano sila gagamitin.
Magbasa ka ng mga libro, sumama ka sa mga seminar, at pag-aralan mo ang mga kasulatan ng iba. Malay mo, baka ang susi ng iyong tagumpay ay nasa susunod na mababasa mo.
“Many times the reading of a book has made the fortune of a man.” – Ralph Waldo Emerson
20. Hindi mo ginagawa ang kailangan mong gawin.
Isipin mo ikaw ay 55 years old na, matanda, may sakit, hindi makakuha ng trabaho, marami pang babayara sa doktor, nahuhuli ka na sa pagbabayad sa tubig at kuryente, tinatawagan ka na ng bangko tungkol sa iyong credit card bills, at wala kang ipon o investments. Madaling mangyari iyon kung hindi mo inalagaan ang finances mo ngayon pa lang. Ang kaalaman ay walang kwenta kung hindi mo ito gagamiting mabuti, kaya mag-aral ka na, gamitin mo ang alam mo, at MAGSIMULA KA NA!
Leave a Reply